Martes, Hunyo 10, 2008

Anong Dapat Gawin? - ni V.I.Lenin

ANONG DAPAT GAWIN?

(WHAT IS TO BE DONE?)


I. Istorikong Konteksto

Ang pamplet na What is to be Done ay sinulat ni Lenin noong Pebrero 1902, sa panahon na ang kilusang Sosyal Demokrasya sa Rusya ay binubuo ng mga maliliit at hiwa-hiwalay na mga grupo o sirkulo ng pag-aaral na walang kuneksyon sa isa’t isa at walang makabuluhang ugnay sa masa ng kilusang manggagawa. Ang kasapian at impluwensya ng mga grupo ng pag-aaral na ito ay limitado lang sa maliit na abanteng seksyon ng proletaryado. Ang mga Sosyal Demokrata sa mga grupong ito ay nalululong sa praktikal na pagkilos at sa pag-aasikaso lamang ng pang-ekonomiyang pakikibaka ng mga manggagawa sa antas pabrika.

Tinagurian ni Lenin ang tunguhing ito sa loob ng kilusang Sosyal Demokrasya sa Rusya na Ekonomismo. Ito ang pangunahing balakid noon sa pagbubuo ng isang tunay na partido ng mga rebolusyonaryong Sosyal Demokrata sa bansa. Ito ang prinsipal na tunguhing inilantad at binaka ni Lenin sa pamplet na What is to be Done.

Bago pa isinulat ang pamplet, nagkaroon ng pagsisikap na pagkaisahin ang ilang mga liga ng Sosyal Demokrasya sa Rusya (St. Petersberg, Moscow, Kiev, Ekaterinoslav) sa pagpapatawag ng Kongreso ng pagbubuo ng Partido (RSDLP) noong 1898. Subalit ito’y naging pormalidad lang dahil sa aktwal ay nanatili ang pagiging hiwa-hiwalay ng mga grupong Sosyal Demokratiko. Ayon sa Kasaysayan ng CPSU, Maikling Kurso, “ang pormal na aktong ito ay nagsilbi bilang isang malaking rebolusyonaryong propaganda. Subalit ang konggresong ito ay hindi nakalikha ng partido, walang pampartidong programa ni pampartidong alituntunin. Wala ring iisang namumunong sentro at nanatiling watakwatak at walang mga kuneksyon ang mga Marxistang sirkulo at grupo sa Rusya.”

Kaya’t kahit may idinaos nang pormal na Konggreso ang pagbubuo ng Partido, ang panahong ito sa kasaysayan ng kilusang Sosyal Demokratiko ay itinuring pa rin ni Lenin na panahon ng “dipagkakaisa, pagkakahiwalay, at pag-aatubili.” Sa panahong ito lumaganap, laluna sa mga batang rekluta ng kilusan, ang tampok na Ekonomistang pananaw na ang mga manggagawa ay kailangang pukawin at pakilusin lang sa pakikibaka sa pabrika, samantalang ang pampulitikang pakikibaka sa awtokrasya ay bagay na dapat pagkaabalahan at pamunuan ng mga liberal na burgesya. Hindi rin kinikilala ng mga Ekonomista ang kahalagahan ng pagbubuo ng isang sentralisadong organisasyon; ang inatupag nila’y ang lokal at praktikal na gawaing pang-unyon sa mga pabrika.

Ang tunguhing Ekonomismo sa Rusya ay ibinandila ng mga pangunahing lider ng kilusang Sosyal Demokratiko. Naglabas sila ng kanilang mga lathalain – ang Rabocheye Mysl at ang Rabocheye Dyelo – na nagbigay ng teoretikal na katwiran sa umiiral na pagkakawatakwatak ng organisasyon, sa dipagkakaisa at sa pagbabalewala sa pampulitikang paglalantad at ahitasyon.

Sa panahon ding ito lumaganap ang tunguhing oportunismo sa internasyunal na kilusang Sosyal Demokratiko, sa pangunguna ni Bernstein ng Germany. Kinupkop at ipinagtanggol ng mga Ekonomistang Ruso ang mga pananaw at konseptong ito sa ilalim ng islogang “kalayaan sa pagpuna” ng Marxismo.

Ang krisis na bumayo sa kilusang Sosyal Demokratiko sa Rusya ay naganap sa harap ng pagbugso ng kilusang welga sa buong bansa noong 1900. Bukod sa mga welga, lumaganap rin ang pangkalahatang demokratikong kilusan ng mamamayan laban sa awtokrasya. Sa harap ng mamumuong unos sa Rusya, lalong napatingkad ang pangangailangan ng pang-ideyolohiya, pampulitika at pang-organisasyong pagkakaisa sa kilusang Sosyal Demokrasya. Kailangang kagyat na buuin ang isang sentralisadong partido na makapamumuno sa bumubugsong kilusang masa at sa napipintong pagsiklab nito. Para mabuo ang isang partido, kailangan munang bakahin at gapiin ang tunguhing oportunista na namamayani sa panahong iyon. Ito ang kagyat na layuning iniharap ni Lenin sa pagsulat ng akda. Ang pamplet ay masiglang tinanggap ng mga sirkulong Sosyal Demokratiko sa Rusya, lumaganap sa buong Europa, at nagsilbing “bibliya” ng mga rebolusyonaryong pwersa para sa pagbaka sa umiiral na oportunismo at pagbubuo ng isang Bolshevisadong partido.

II. Saligang Nilalaman ng Akda

Sa pamplet na What is to be Done, puspusang inilantad ni Lenin ang pagkakaiba ng dalawang tunguhin sa loob ng Sosyal Demokratikong kilusan sa Rusya. Sa isang panig, ang tunguhing Ekonomismo; sa kabila, ang rebolusyonaryong Sosyal Demokrasya na pinangunahan ni Lenin. Sa proseso ng paglalantad sa saligang pagkakaiba ng dalawang panig at sa pakikitunggali sa Ekonomismo, binuo at pinalawig ni Lenin ang mahahalagang prinsipyo hinggil sa pang-ideyolohiyang ugat ng oportunismo, hinggil sa papel ng teorya sa rebolusyonaryong kilusan, at hinggil sa tungkulin at katangian ng isang Sosyal Demokratikong partido. Ang mga tesis na ito na binuo at pinalawig ni Lenin ang nagsilbing pang-ideyolohiyang pundasyon ng isang partidong Bolshevik.

1. Ang unang prinsipyong tumatagos sa akda ay ang pagiging tuwirang salungat ng oportunismo sa Sosyal Demokrasya at ang pangangailangan ng puspusang paglalantad, mapagpasyang paghihiwalay at pagtatakwil sa tunguhing ito sa loob ng Partido. Ang esensya ng oportunismo ay ang pagbabago ng Sosyal Demokrasya mula sa isang partido para sa rebolusyong panlipunan tungo sa isang partido para sa repormang panlipunan. pag-aangkop ito sa interes ng burgesya, pagpasok ng burgis na elemento sa sosyalismo at pagtransporma sa proletaryado bilang galamay ng burgesya.

2. Ang pangalawang prinsipyong tumatagos sa akda ay ang kahalagahan ng teorya sa pagbubuo ng rebolusyonaryong kilusan at pamumuno sa ispontanyong kilusang masa. Ito ang batayang prinsipyo sa kahalagahan ng pang-ideyolohiyang gawain sa pagbubuo ng partido ng proletaryado. Sa akda, idiniin ni Lenin ang pangangailangang bigyan ng puspusang atensyon ang teoretikal na aspeto ng kilusan, ang pagmamatyag at pagbaka sa kawalan ng interes sa teorya at ang paglaganap ng eklektisismo.

3. Ang pangangailangang isanib ang kilusan ng uring manggagawa sa sosyalismo ang isa pang saligang prinsipyong tumatagos sa akda. Ito ang salalayang prinsipyo sa konseptong ang partido ang talibang destakamento ng uring proletaryado. Ang partido ay isang destakamento, bahagi at may namumunong organisasyon sa hanay ng uring manggagawa. Hindi dapat nahihiwalay ang partido sa masa; ang pamumuno nito ay kailangang kinikilala at pinagkakatiwalaan ng masa. Kung hindi ganito, kung hindi ito matibay na nakaugnay sa masa, ang partido ay hindi magiging mapagpasyang pwersa sa pagkilos ng masa ng inaapi’t pinagsasamantalahang uri. Sa kabilang banda, ang Partido ay di lang destakamento o bahagi ng uring manggagawa, kundi taliba nito. Tungkulin nitong di lang irehistro ang nadarama at naiisip ng masa o sumunod sa kanilang ispontanyong kilos; tungkulin nitong tumindig sa unahan ng uring manggagawa, itaas ang antas ng kamalayan at pakikibaka ng masa at ituro ang tamang direksyon at landas sa paglaya ng mga inaaping uri.

4. Ang pangangailangan ng isang malakas at sentralisadong organisasyon na binubuo ng mga propesyunal na mga rebolusyonaryo ang isa pang saligang prinsipyong diniinan sa akda. Ito ang kongkretong paglalapat ng konsepto ng isang Bolshevisadong partido, isang partidong binubuo ng pinakamahuhusay na elemento mula sa uring proletaryado at iba pang inaapi’t pinagsasamantalahang uri, isang partidong kumakatawan sa mataas na sistema ng disiplina at organisasyon.

Unang Kabanata: Dogmatismo at “Kalayaan sa Pagpuna”

A. Ano ang ibig Sabihin ng “Kalayaan sa Pagpuna”

1. Ayon kay Lenin, dalawang tunguhin ang nagkahugis noong panahong iyon sa internasyunal na kilusang Sosyal Demokrasya. Ang isang tunguhin, ang “bagong” tunguhin, ay nagdadala ng islogang “kalayaan sa pagpuna” laban sa tinatawag nilang “lipas na dogmatikong” Marxismo (“obsolete dogmatic” Marxism). Ang esensya ng tunguhing ito, ani Lenin, ay malinaw na iniharap sa teorya ni Bernstein (Germany) at ipinakita sa gawa ni Millerand (France).

2. Tinawag ni Lenin ang bagong kritikal na tunguhin sa sosyalismo na walang iba kundi isang bagong tipo ng oportunismo. Ang kanilang islogang “kalayaan sa pagpuna” ay nangangahulugan ng “kalayaan para sa oportunistang tunguhin sa Sosyal Demokrasya, kalayaang baguhin ang Sosyal Demokratikong partido para sa reporma, at kalayaang magpasok ng burgis na ideya at burgis na elemento sa sosyalismo.”

B. Ang mga Bagong Tagapagtaguyod ng “Kalayaan sa Pagpuna”

1. Ayon kay Lenin, ang islogang “kalayaan sa pagpuna” ay isinusulong ng Rabocheye Dyelo (RD), ang organo ng Union of Russian Social Democrats Abroad, hindi bilang isang teoretikal na panuntunan, kundi isang kahilingang pampulitika, tugon nila sa katanungang “posible bang pagkaisahin ang mga Sosyal Demokratikong organisasyong kumikilos sa ibang bansa?” Ang tugon dito ng RD, “para sa mahigpit na pagkakaisa, kailangang magkaroon ng kalayaan sa pagpuna.”

2. Ani Lenin, dalawang konklusyon ang mahahalaw dito: 1) “Na kinupkop ng RD ang oportunistang tunguhin sa internasyunal na Sosyal Demokrasya sa pangkalahatan, at 2) hinihingi ng RD ang kalayaan para sa oportunismo sa loob ng Sosyal Demokrasya ng Rusya.”

3. Bilang patnubay, sinabi ni Lenin na hindi nagustuhan ng RD ang prediksyon ng Iskra at Zarya na maghihiwalay ang dalawang tunguhin (rebolusyonaryo at oportunista) sa internasyunal na kilusang Sosyal Demokratiko. Ayon sa RD, walang nagaganap na tunggalian ng interes ng uri sa sosyalistang kilusan at sa lahat ng anyo nito, at kahit pa ang pinakapanatikong Bernsteinian ay naninindigan sa makauring interes ng proletaryado.

4. Sinasabi rin ng RD na ang mga Sosyal Demokrata sa Germany ay kumikilala sa ganap na kalayaan sa pagpuna, samantalang ang mga French ay hindi, at tinutukoy nila ang huli bilang siyang dahilan ng di pagkakaisa ng kilusang Sosyal Demokrasya sa France. Ani Lenin, pambabaluktot ito sa tunay na pangyayari dahil malinaw sa dalawang okasyon (Hanover Congress at Lubeck Congress) na itinatakwil ng Partido sa Germany ang Bernsteinismo kahit pa maaring pagtalunan ang diplomasyang ginamit nito sa kaso ng Lubeck Resolution.

5. Habang nanawagan ng “kalayaan sa pagpuna” at ipinagtatanggol ang Bernsteinismo sa harap ng Sosyal Demokratikong kilusan sa Rusya, inihihiwalay naman ng RD ang sarili nito sa Bernsteinismo. Gayunman, binibira ng RD ang Iskra at Zarya sa “walang katwirang” banat nito sa mga “kritiko” at Bernsteinismo sa Rusya, subalit di naman nagbabanggit ni isang tao at partido na tinatamaan ng puna. Ani Lenin, ang RD ay nakikipaglaro ng taguan. Ang islogang “kalayaan sa pagpuna” ay di lang tuwirang pag-iwas nito sa lahat ng kritisismo, kundi pag-iwas mismo sa paghaharap ng naiibang palagay sa loob ng Partido.

C. Kritisismo sa Rusya

1. Paano sumulpot ang “bagong” tunguhin ng oportunismo sa Rusya? Ani Lenin, nagsimula ito sabay ng pag-iral ng ispontanyong kilusan ng uring manggagawa, sa isang panig, at ng pagbaling ng progresibong opinyong publiko sa Marxismo, sa kabilang panig. Kinatampukan ito ng pagsasanib-sanib ng iba`t ibang elemento sa ilalim ng iisang bandilang labanan ang awtokrasya. Tinukoy ito ni Lenin na panahon ng pamamayani ng “ligal na Marxismo” sa Rusya. Ang maikling panahong ito kung saan namumukadkad sa Rusya ang Marxismo ay ibinunga ng alyansa sa pagitan ng mga taong may sukdulan (extreme) at napakamoderatong pananaw sa lipunan. Sa katotohanan, ang huli ay binubuo pa nga ng mga burgis na demokrata. Ani Lenin, ang kumbinasyong ito sa mga ligal na Marxista ay matuturing na unang tunay na pampulitikang alyansang pinasok ng mga Sosyal Demokrata sa Rusya. Ang alyansang ito ay kinailangan at nagbunga ng mabilis na tagumpay laban sa Narodnismo.

2. Nawasak ang alyansang ito, ani Lenin, hindi dahil napatunayang mga burgis na demokrata ang mga “alyado”. Katunayan, ang mga kinatawan nila ay natural na alyado ng Sosyal Demokrasya sa pagsusulong nito ng demokratikong rebolusyon sa Rusya. 1) Nawasak ito dahil ipinagkait ng mga Bernsteinian at ng “kritikal” na tunguhin na kinabagsakan ng mayorya ng ligal na Marxista ang esensyal na kundisyon sa ganitong ‘alyansa’, ang ganap na oportunidad ng mga sosyalista na ilahad sa uring manggagawa na ang interes nila ay kasalungat ng burgesya. 2) Dinimoralisa nila ang sosyalistang kamalayan sa pamamagitan ng pambababoy ng Marxismo, ng pagtataguyod ng teorya ng pagpapapurol ng kontradiksyon sa lipunan, ng pagdedeklarang ang teorya ng rebolusyong sosyal at ang diktadura ng proletaryado ay walang saysay, at sa pagpapababa ng uring manggagawa at ng tunggalian ng uri sa makitid na unyonismo, doon sa “realistikong” pakikibaka lamang para sa maliliit at gradwal na reporma. Ani Lenin, ito’y kasingkahulugan ng pagkakait ng burgis na demokrasya sa karapatan ng sosyalismo sa pagsasarili at pag-iral; sa praktikal, ito’y nangangahulugan ng pagsisikap na gawing galamay ng mga liberal ang sumisibol na kilusan ng uring manggagawa. Natural, ani Lenin, na sa ganitong mga sirkumstansya, ang paghihiwalay ay kinailangan.

3. Ang pagkawasak ng alyansang ito ay nangahulugan ng pagtatanggal sa mga Sosyal Demokrata mula sa pinakalaganap na “ligal” na literatura. Subalit ang bagong tunguhin ay hindi lang sa literatura. Ang paghigpit sa “kritisismo” ay nilangkap ng pagkahumaling sa “Ekonomismo” ng mga praktikal na manggagawang Sosyal Demokratiko. Ang pundamental na tunguhing pampulitika ng Ekonomismo ay maisusuma sa islogang “hayaang isulong ng manggagawa ang pang-ekonomyang pakikibaka at hayaang sumanib ang mga Marxistang intelihensya sa mga liberal para sa pampulitikang pakikibaka.”

4. Sa harap ng ganitong kalagayan, lumitaw ang bagong tungkulin para sa mga Sosyal Demokrataang tungkulin ng pagbaka sa bagong tunguhin ng oportunismo. Ani Lenin, kung talagang sumasalungat ang RD sa oportunismo, dapat sana nitong ginawa ang sumusunod: una, pinagibayo muli ang gawaing teoretikal na kasisimula lang noong panahon ng ligal na Marxismo; ikalawa, itinakwil ang ligal na “kritisismo” na nakapanggugulo sa isipan ng maraming tao; at ikatlo, aktibong binaka ang kaguluhan at pagdadalawangloob sa praktikal sa kilusan, at inilantad at tinuligsa ang mga pagtatangkang salaulain ang programa at taktika ng Sosyal Demokrasya. Subalit, ani Lenin, walang ginawa para dito ang RD.

5. Sa Germany, ani Lenin, ang mga rebolusyonaryong Sosyal Demokrata ay pabor sa pagpapanatili ng umiiral na lumang programa at taktika at ang mga “kritikal” ang kumakatawan sa minorya na wala namang lakas ng loob para igiit ang kanilang linya. Kaya maiintindihan doon ang motibo ay mayorya sa paggamit ng diplomasya sa pagtatakwil ng mga “inobasyon” sa Marxismo. Subalit sa Rusya, ang mga “kritiko” at ang mga “Ekonomista” ang pabor sa pagpapanatili ng umiiral, ng pagpapatuloy sa pagturing sa kanila bilang Marxista, ng paggarantiya sa kanilang “kalayaan sa pagpuna” na sa tutuo’y ganap na nilang tinatamasa. Gusto nilang kilalaning lehitimo yaong kung ano ang umiiral at ayaw nilang ilihis ng mga “ideolohista” ang kilusan sa kasalukuyang landas na tinatahak nito.

6. Sabi ni Lenin: “Sa kabaligtaran, kaming mga rebolusyonaryong Sosyal Demokratiko ay disgustado sa ganitong pagsamba sa ispontanyidad, ibig sabihi’y kung ano ang umiiral sa kasalukuyan. Hinihingi naming ang taktikang namayani nitong nagdaang mga taon ay baguhin; at sinasabi naming bago tayo magkaisa at para tayo magkaisa, kailangan munang iguhit natin ang matibay at depinidong linya ng ating pagkakaiba.”

D. Si Engels sa Kahalagahan ng Teoretikal na Pakikibaka

1. Binanggit ni Lenin na ipinakikita sa kaso ng Sosyal Demokrasya sa Rusya na ang bantog na kalayaan sa pagpuna ay hindi nangangahulugan ng pagpapalit ng isang teorya ng iba pa, kundi kalayaan sa lahat ng integral at pinagisipang teorya; na nangangahulugan ito ng eklektisismo at kawalan ng prinsipyo.

2. Sa bahaging ito, idiniin ni Lenin ang kahalagahan ng teorya. Anya: “Kung walang rebolusyonaryong teorya, wala ring rebolusyonaryong praktika.” Ani Lenin, sa kalagayan ng Rusya, ang kahalagahan ng teorya ay pinatitingkad pa ng tatlong sirkumstansya. Ang mga ito’y ang sumusunod: una, ang Partido ng Rusya ay nasa proseso pa ng pagbubuo at hindi pa nito nalulutas ang iba pang tunguhin sa rebolusyonaryong kaisipan na nagbabantang ilihis ang kilusan sa tamang landas; ikalawa, sa kanyang pinakaesensya, ang kilusang Sosyal Demokratiko ay isang internasyunalistang kilusan kaya’t kinakailangang kritikal na pag-aralan at matuto sa karanasan ng ibang bansa: at ikatlo, ang papel ng talibang mandirigma (ito ang nakikita ni Lenin na gagampanang papel ng proletaryadong Ruso sa istorikong sirkumstansya nila) ay maipatutupad lang ng isang partido na ginagabayan ng pinakaabanteng teorya.

3. Ani Lenin, si Engels mismo ay kumikilala sa tatlong anyo ng pakikibaka ng kilusang Sosyal Demokratiko. Inilalagay ni Engels ang teoretikal na pakikibaka kapantay ng dalawa pang anyo – pampulitika at pang-ekonomya. Iniharap ito ni Engels nang purihin niya ang kalakasan ng manggagawang German. Ani Engels, may dalawang bentahe ang mga manggagawang German sa iba pang manggagawa sa Europa. Una, sila’y nabibilang sa pinakateoretikal na mga tao sa Europa; ikalawa, sila ang pinakahuli sa panahon na pumasok sa kilusang manggagawa at bunga nito’y nagamit nila ang mga kilusan ng English at French (ang karanasan sa unyonismo ng una at pampulitikang pakikibaka ng ikalawa). Nagamit nang husto ng mga manggagawang German ang mga bentaheng ito sa kauna-unahang pagkakataon. Ang pakikibaka ng kilusang manggagawa ay isinusulong sa tatlong panig – ang teoretikal, ang pulitikal, at ang praktikalekonomikong pakikibaka (paglaban sa kapitalista).

4. Ayon kay Lenin, ang haharaping pagsubok ng proletaryadong uso ay mas matindi kaysa naging pagsubok ng mga manggagawang German.”Kinakaharap natin ngayon sa kasaysayan ang isang kagyat na tungkuling pinaka-rebolusyonaryo sa lahat ng kagyat na tungkuling kinaharap ng proletaryado sa anumang bayan. Ang pagtugon sa tungkuling ito, ang pagwasak sa pinakamakapangyarihang balwarte ng reaksyon, di lang sa buong Europa, kundi sa buong Asya, ang maglalagay sa proletaryadong Ruso bilang taliba ng pandaigdigang rebolusyonaryong proletaryado.”

Ikalawang Kabanata: Ang Ispontanyidad ng Masa at ang Kamalayan ng mga Sosyal Demokratiko

A. Ang Simula ng Ispontanyong Bugso

1. Ani Lenin, bagamat ang pangkalahatang agos ng mga welga sa Rusya magmula noong 1896 ay malaking proseso mula sa mga welga noong ’60 at ’70, kumakatawan pa rin ang mga ito sa ispontanyong kilusan. Ang mga sistematikong welga ay kumakatawan lang sa tunggalian ng uri na nasa embryo, mga pang-unyong pakikibaka at hindi pa Sosyal Demokratikong pakikibaka.

2. Diin ni Lenin, hindi maaaring magmula ang Sosyal Demokratikong kamulatan sa hanay ng manggagawa. Dadalhin ito sa kanila mula sa labas. Ang kasaysayan ng lahat ng bansa ay nagpakita na ang uring manggagawa sa pamamagitan ng sarili nitong pagsisikap, ay maaari lang umunlad sa kamalayang unyon, ibig sabihin, sa pag-unawang kailangang magkaisa sa unyon, labanan ang kapitalista, at presyurin ang gubyerno na magsagawa ng kailangang batas sa paggawa, atbp. Sa kabilang banda, ang teorya ng sosyalismo ay lumitaw mula sa pag-unlad sa pampilosopiya, pangkasaysayan at pang-ekonomyang teoryang iniharap ng mga edukadong kinatawan ng uring nagmamay-ari, ng mga intelektwal. Sa isang salita, ito’y ibinunga ng pag-unlad ng kaisipan sa hanay ng mga rebolusyonaryong Sosyalistang intelihensya.

3. Noong mga taon ng gitnang 90 sa Rusya, lumaganap sa isang banda ang ispontanyong pakikibaka ng uring manggagawa habang ang rebolusyonaryong kabataan na armado ng Sosyal Demokratikong teorya ay umugnay sa mga manggagawa. Habang ang mga unang Sosyal Demokrata ay masiglang nagsagawa ng pang-ekonomyang ahitasyon sa mga manggagawa, hindi nila itinuring na ito lang ang kanilang gawain. Mula’t sapul, itinakda nila ang pangkalahalatang istorikong tungkulin ng Sosyal Demokrasya ng Rusya, at ang partikular na tungkulin ng pagbagsak sa awtokrasya. Nagkaroon na rin sila noon ng pagtatangkang maglabas ng isang pampulitikang dyaryo, na agad nakumpiska ng pulisya. Ani Lenin, ang kabiguang ito ay nagpakita lang na hindi pa kayang tugunan ng mga Sosyal Demokrata ng panahong iyon ang kagyat na pangangailangan ng kalagayan dahil sa kanilang kakulangan sa rebolusyonaryong karanasan at praktikal na pagsasanay. Subalit itinuring ni Lenin na ang kanilang kawalan ng kasanayan ay isang natural na penomenon lamang na maaaring pangibabawan.

4. Ani Lenin, ang masama ay may mga taong itinuring ang kahinaan at kakulangang ito bilang kainaman (virtue). Ang lumitaw ay mga lathalaing Sosyal Demokratiko na nag-iimbento ng batayang teoretikal sa pangungunyapit at pagkalulong sa ispontanyidad.

B. Pagsuko sa Ispontanyidad (Rabochaya Msyl)

1. Ang paglulunsad ng Rabochaya Mysl (RM) ang naglantad nang buo sa Ekonomismo sa Rusya. Sa nangungunang artikulo nito sinaad ang ilang tampok na Ekonomistang pahayag tulad ng, “Ang sigla ng kilusan ng manggagawa ay dahil sa pangyayaring sa wakas ay hinahawakan na ng mga manggagawa sa sariling kamay ang kanilang tadhana at labas sa kamay ng mga namumuno”; “Ang pang-ekonomyang batayan ng kilusan ay tinabunan ng pagsisikap ng huwag kalilimutan ang pampulitikang ideyal:” “Ang islogan ng kilusan ng uring manggagawa ay `Makibaka para sa pang-ekonomyang kalagayan!’ at `manggagawa para sa manggagawa!’; “Ang pondo sa welga ay mas mahalaga sa kilusan kaysa isandaang iba pang organisasyon”; “Ang pulitika ay palaging matapat na sumusunod sa ekonomya;” “Dapat nating pagtuunan, hindi ang pinakatampok (“cream”) na kinatawan ng manggagawa, kundi ang `ordinaryong’ masang manggagawa.”

2. Inilahad ni Lenin ang tatlong mahalagang sirkumstansya kaugnay ng pananaig ng ispontanyong kilusan sa Rusya:

a. Una, ang pananaig ng ispontanyidad (sa tungkuling paunlarin ang pampulitikang kamalayan ng manggagawa) ay naganap hindi bunga ng hayag na tunggalian sa pagitan ng dalawang magkasalungat na pananaw, kundi sa ispontanyo pa ring paraan, sa pagkahuli ng mga “lumang” rebolusyonaryo at sa pagdami ng mga “bagong” V. V’s sa loob ng Sosyal Demokrasya sa Rusya.

b. Ikalawa, ang pangyayaring ang mga tagapagtaguyod ng “lantay at payak na kilusang paggawa, ” ang mga sumasamba sa pinakamalapit na “organikong” kontak sa pakikibaka ng proletaryado ay napilitang ipagtanggol ang kanilang posisyon ng mga argumentong mula sa mga lantay na unyonistang burgis. Ani Lenin, ang mga tagapagtaguyod nito, ginusto man nila o hindi, ay nagpalakas ng impluwensiya ng burgis na ideyolohiya sa manggagawa. Dahil walang binubuong nagsasariling ideyolohiya ang mga manggagawa sa proseso ng kanilang kilusan, dadalawa lang ang pamimilian – burgis o sosyalistang ideyolohiya. Kaya’t ang pagmamaliit sa sosyalistang ideyolohiya sa anumang paraan, ang paglihis dito sa pinakamaliit na antas, ay mangangahulugan ng pagpapalakas ng burgis na ideyolohiya.

c. Pangatlo, bagamat hindi naman itinatwa ng RM ang pampulitikang pakikibaka, ng pang-unyong pakikibaka na siyang ispontanyong lumilitaw sa kilusan ng uring manggagawa. Absoluto nitong tinatanggihan ang pagsasakatuparan ng partikular na Sosyal Demokratikong pulitika na tumutugma sa pangkalahatang tungkulin ng sosyalismo sa kasalukuyang kalagayan ng Rusya.

C. Ang Self Emancipation Group at ang Rabocheye Dyelo

1. Ani Lenin, ang RD ay hindi lang nagtanggol sa mga Ekonomista, kundi bumagsak din sa kanilang pundamental na kamalian gaya ng pagdedeklara na ang pangunahing magpapasya ng tungkulin ng rebolusyonaryong organisasyon at ng karakter ng pahayagan nito ay ang masang kilusan ng uring manggagawa. Ani Lenin, bagamat di mapasusubaliang ang kilusang masa ang pinakamahalagang salik sa pakikibaka, ang pahayag ng RD ay maaring mangahulugan ng anuman sa dalawa: ito’y tahasang pagsuko sa ispontanyidad, paglilimita ng papel ng Sosyal Demokrasya bilang sunud-sunuran sa kilusang manggagawa (ang interpretasyon ng RM, ng Self Emancipation Group at iba pang Ekonomista); o kaya’y ang pagkilala na inilagay ng kilusang manggagawa sa harap ng kilusang Sosyal Demokratiko ang mga bagong tungkuling higit na komplikado kaysa mga nauna. Tinukoy ni Lenin na mas kinakatigan ng RD ang unang interpretasyon, ang linya ng Ekonomismo.

2. Isang saligang prinsipyong tinutugunan ng RD sa paghanay nito sa Ekonomismo ay ang deklarasyon nitong ang “taktikabilangplano” (tacticsasplan) ay kumukontra sa esensya ng Marxismo. Ayon sa RD, di gaya nang sinasabi ng Iskra, ang taktika ay “proseso ng paglaki ng tungkulin ng Partido na lumalaki kasabay ng Partido.” Ani Lenin, ang paggigiit na ang taktikabilangplano ay taliwas sa pundamental na diwa ng Marxismo ay pagmamaliit sa inisyatiba at enerhiya ng mga mulatsauring mandirigma. Sa katunayan, ang Marxismo ang nagbibigay ng pinakamalakas na tulak sa inisyatiba at enerhiya ng mga Sosyal Demokrata, binubuksan sa kanila ang pinakamasaklaw na perspektiba, at inilalagay sa kanilang disposisyon ang makapangyarihang pwersa ng milyun-milyong ispontanyong nakikibaka. Ang kasaysayan ng internasyunal na Sosyal Demokrasya ay punongpuno ng mga plano na inihahapag ng iba’t ibang pampulitikang lider sa bawat panahon.

3. Bilang pangwakas, binanggit ni Lenin na ang pundamental na kamaliang nagawa ng “bagong” tunguhin ay ang pagyuko nito sa ispontanyidad at ang kabiguan nitong unawain na ang ispontanyidad ng masa ay nangangailangan ng mataas na antas ng kamalayan mula sa mga Sosyal Demokrata. Nagpatuloy sa mabilis na antas ang ispontanyong bugso ng masa at ang mga batang Sosyal Demokrata ay napatunayang walang kahandaan para ito’y tugunan. Ang kawalang kahandaang ito ang kasawian ng lahat ng Sosyal Demokrata sa Rusya. Nagpatuloy ang bugso ngunit ang mga rebolusyonaryo ay nasa hulihan nito, parehong sa usapin ng “teorya” at sa kanilang praktika. Nabigo silang magtatag ng organisasyong may kakayahang pamunuan ang kabuuang kilusan.

Pangatlong Kabanata: Unyonistang Pulitika at Sosyal Demokratikong Pulitika

A. Ang Pampulitikang Ahitasyon at ang Paglilimita dito ng mga Ekonomista

1. Ang paglaganap at pag-unlad ng pakikibakang pang-ekonomya ay nakasabay ng produksyon ng literatura na naglalantad ng pang-ekonomyang kundisyon sa mga pabrika at lugar ng trabaho. Ang pampabrikang paglalantad ay nanatiling importanteng liyabe para sa pang-ekonomyang pakikibaka ng proletaryado. Ang malaking mayorya ng mga Sosyal Demokratang Ruso ay halos subsob lang sa gawain ng paglalantad ng kalagayan sa pabrika.

2. Sa saliga’y hindi pa gawaing Sosyal Demokratiko ang mga pang-ekonomyang paglalantad dahil tumutukoy lang ito sa relasyon sa pagitan ng mga manggagawa sa isang linya ng industriya at sa kanyang mga kapitalista. Ang nakakamit lang nito ay ang pagkaintindi ng mga nagbebenta ng lakaspaggawa na ipagbili ang kanilang “kalakal” sa minimum na halaga at labanan ang mga bumabarat sa transaksyong ito. Ang mga paglalantad na ito’y maaaring pagsilbihin bilang panimulang sangkap ng Sosyal Demokratikong aktibidad, pero maari din namang tumungo lang ito sa pagsamba sa ispontanyidad, sa “lantay na pakikibakang unyon” o sa isang diSosyal Demokratikong kilusang manggagawa.

3. Ano kung gayon ang dapat na laman ng pampulitikang edukasyon? Ani Lenin, hindi sapat na ipaliwanag lang sa manggagawa na sila’y inaapi. Ang ahitasyon ay dapat isagawa kaugnay ng bawat kongkretong halimbawa ng pang-aapi at dahil sa ang pang-aaping ito ay umaapekto sa iba’t ibang mga uri, dahil sa lumilitaw ito sa iba’t ibang bahagi ng buhay at aktibidad – bokasyunal, sibiko, personal, pampamilya, pangrelihiyon, pangsyensya, atbp – ng mga mamamayan, kailangan ang pampulitikang paglalantad ng awtokrasya sa lahat ng aspeto nito.

4. Nililimita ng RD at ng mga Ekonomista ang saklaw ng pampulitikang pakikibaka at ang pinakamalawak na maisasakatuparang paraan ng paghatak sa masa sa pakikibakang pampulitika, sa paggigiit na “ang pang-ekonomiyang pakikibaka ang pinakamalawak na aplikableng paraan sa paghatak sa masa sa pampulitikang pakikibaka.” Di ito totoo dahil ang bawat manipestasyon ng tiranya ng pulisya at awtokratikong panunupil na hindi man kunektado sa pang-ekonomyang pakikibaka ay masasabing isa rin sa maaaring pinakaaplikableng paraan sa paghimok sa masa sa pulitika.

5. At ang islogan ng RD na “bigyan mismo ng pampulitikang katangian ang pangkabuhayang pakikibaka” ay nangangahulugan lang ng pagsisikap na makamit ang mga pang-unyong kahilingan, ang pagpapahusay ng kalagayan sa paggawa, sa pamamagitan ng mga “lehislatibo at administratibong” hakbang. Ang pangungusap na ito’y nagsisilbing panakip sa tradisyunal na pang-unyong pulitika. Walang ibang ibig sabihin ito kundi ang pakikibaka para sa pang-ekonomyang reporma.

6. Sa kabilang banda, palaging isinasama ng rebolusyonaryong Sosyal Demokrata ang pakikibaka para sa reporma bilang bahagi ng pagkilos nila. Ginagamit nila ang pangkabuhayang ahitasyon, hindi para magharap lang sa gubyerno ng mga kahilingan para sa iba’t ibang tipo ng lehislasyon kundi para iharap din (at ito ang mas pangunahin) ang kahilingang tumigil na itong maging awtokratikong pamahalaan. Bukod dito, tungkulin ng Sosyal Demokrasya na iprisinta ang kahilingang ito hindi lang sa batayan ng pangkabuhayang pakikibaka, kundi sa lahat ng manipestasyon sa pampubliko at pampulitikang buhay ng mamamayan. Sa buod, ipinapailalim nito ang pakikibaka sa reporma, gaya ng bahagi sa kabuuan, sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa kalayaan at sosyalismo.

B. Paano Ginawang Mas Malalim ni Martynov si Plekhanov

1. Sa pagtatangka na “palalimin” pa si Plekhanov, binaluktot ni Martynov ang depinisyon ng una sa pagitan ng propagandista at ahitador. Pinag-iba niya ang ahitador sa usapin ng “pananawagan nito sa masa na magsagawa ng mga depinido at kongkretong aksyon.” Ang tamang pag-iiba ng dalawa, ani Lenin, ay ganito: ang propagandista ay maghaharap ng maraming ideya tungkol sa isang paksa, napakarami na maiintindihan lang bilang kabuuan ng iilan. Sa kabilang banda, ang ahitador ay kukuha ng isang pinakatampok na pangyayari at gagamitin ito upang ilahad ang isang ideya sa masa. Nagtatangka ang ahitador na pukawin ang diskontento at galit mula sa masa at iiwan niya ang mas kumpletong pagpapaliwanag ng paksa sa propagandista. Kaya nga ang pangunahing midyum ng propagandista ay nakasulat, samantalang ang ahitador ay berbal.

2. Ani Lenin, ang depinisyon ni Martynov na inilakip ang pananawagan para sa kongkretong aksyon ng masa ay isang kabalbalan, dahil ang panawagan, bilang isang akto, ay natural at dimaiiwasang bahagi lang ng teoretikal na pahayag, ng pamplet ng propagandista, at ng talumpati ng isang ahitador – o kumakatawan lang sa purong tungkuling ipatupad ang isang panawagan. Sa paglikha ng ganitong kaguluhan, ang nais lang ni Martynov, ani Lenin, ay suportahan ang kanyang paratang sa Iskra na isinasaisantabi nito “ang tungkuling ilahad sa gubyerno ang mga kongkretong kahilingan para sa lehislatibo at administratibong hakbang na gagarantiya sa manggagawa ng kongkretong resulta.”

C. Pampulitikang Paglalantad at Pagsasanay sa Rebolusyonaryong Gawain

1. Sa pagdideklarang ang pang-ekonomyang pakikibaka ang pinakamainam at pinakamalawak na maaaring isakatuparang paraan para mapukaw ang masang manggagawa sa pagkilos, katunaya’y pinaliit pa ni Martynov ang halaga ng pangmasang pagkilos. Katunayan, ani Lenin, posible lang itaas ang pagkilos ng masang manggagawa kapag ang pagkilos na ito ay hindi nililimita sa pampulitikang ahitasyon sa batayang pang-ekonomya.” Batayang kundisyon sa pagpapalawak ng pampulitikang ahitasyon ang pag-oorganisa ng kumprehensibong pampulitikang paglalantad. Ito lang ang tanging paraan para maitaas ang kamalayang pampulitika at masanay ang masa sa rebolusyonaryong pagkilos.

2. Dagdag ni Lenin: “Ang kamulatan ng uring manggagawa ay hindi tunay na pampulitikang kamulatan kung hindi sasanayin ang mga manggagawa na tumugon sa lahat ng kaso ng tiranya, pang-aapi, karahasan at pang-aabuso anumang uri ang apektado – kung hindi sila sasanaying tumugon mula sa Sosyal Demokratikong punto de bista at wala nang iba pa. Ang kamulatan ng masang manggagawa ay hindi tunay na makauring kamulatan kung hindi matutunan ng manggagawa na obserbahan ang bawat uri sa lahat ng manipestasyon nila sa intelektwal, etikal at pamupulitikang buhay; kung hindi nila matutunang ilipat sa praktika ang materyalistang pagsusuri at materyalistang pagtataya sa lahat ng aspeto ng buhay at kilos ng lahat ng mga uri, saray at grupo ng populasyon.” Para maging isang Sosyal Demokrata, kailangang magkaroon ang manggagawa ng malinaw na larawan ng pang-ekonomyang kalikasan at ng sosyal at pampulitikang katangian ng iba’t ibang uri at saray. At makukuha lang ang “malinaw na larawang” ito mula sa tunay na halimbawa at mula sa paglalantad sa mga nagaganap sa kapaligiran, sa mga bagay na paksa ng talakayan at maaring bulungbulungan; sa mga ipinamamalas ng ganito at ganyang pangyayari, ganito at ganyang istadistika at ganito at ganyang mga sentensya sa korte.” Ang ganitong komprehesibong pampulitikang paglalantad ay esensyal at pundamental na kundisyon para sa pagsasanay ng masa sa rebolusyonaryong pagkilos.

3. Sa katanungan kung bakit ang manggagawang Ruso ay nagpapamalas lang ng kaunting rebolusyonaryong pagkilos kaugnay ng iba‘t ibang isyu, sinabi ni Lenin: “Hindi ito dahil sa ang pang-ekonomyang pakikibaka ay hindi sila pinupukaw para sa pagkilos o kaya’y ang ganitong pagkilos ay hindi nagbibigay ng ‘kongkretong resulta.’ Dapat nating sisihin ang ating sarili, dahil napakaliit pa ng nagagawa ng mga Sosyal Demokrata, o halos wala, para maagap na dalhin sa manggagawa ang paglantad ng lahat ng posibleng isyu. Marami ang hindi pa nakakaintindi sa mahalagang tungkulin nating ito at sa halip ay nagkakasya na lang sa loob ng buhay sa pabrika.”

4. Ani Lenin, ang kahilingan ng mga Ekonomista na “bigyan ang pang-ekonomyang pakikibaka ng pampulitikang karakter” ay isa lang panimula at hindi ito ang pangunahing tungkulin ng mga Sosyal Demokrata. Sa katunayan, ang mga pulis mismo ang kadalasang nag-iinisyatiba sa pagbibigay sa pang-ekonomiyang pakikibaka ng pampulitikang karakter, at natutunan mismo ng mga manggagawa kung sino ang sinusuportahan ng gubyerno. Madalas, ang pang-ekonomyang pakikibaka ay ispontanyong nagkaroon ng pampulitikang karakter, nang walang interbensyon ng “rebolusyonaryong bacilli” – ang intelihensya, nang walang pakikialam ng mga Sosyal Demokrata. Ang tungkulin ng mga Sosyal Demokrata ay hindi ilimita ang ahitasyong pampulitika sa batayang pang-ekonomya; ang tungkulin nila ay isalin ang pulitika ng unyon sa Sosyal Demokratikong pakikibaka, gamitin ang titis ng pampulitikang kamalayan na iniluwal ng pang-ekonomyang pakikibaka sa layuning itaas ang antas ng manggagawa sa antas ng kamalayang Sosyal Demokratiko.

D. Ano ang Parehas sa Ekonomismo at Terorismo?

1. Ang Ekonomista at ang mga terorista ay may iisang ugat – ang pagsunod sa ispontanyidad. Ang mga Ekonomista ay sunud-sunuran sa ispontanyidad ng “lantay at payak na kilusang paggawa, ” samantalang ang mga terorista ay sunud-sunuran sa ispontanyidad ng matinding indignasyon ng mga intelektwal na kulang sa abilidad o oportunidad na pag-ugnayin ang rebolusyonaryong pakikibaka at kilusan ng uring manggagawa sa isang kabuuan.

2. Ang pananawagan ng terorismo at ang pananawagan sa pang-ekonomyang pakikibaka mismo ng pampulitikang karakter ay dalawang magkaibang tipo ng pag-iwas sa mahalagang tungkulin ngayon ng mga rebolusyonaryong Ruso – ang pag-oorganisa ng komprehensibong pampulitikang ahitasyon. Nais ng mga terorista na ipalit ang terorismo sa lugar ng ahitasyon. Naghahanap sila ng artipisyal na “pampagising” sa masa, samantalang ang mga Ekonomista nama’y naghahanap ng mga “kongkretong” kahilingan. Kapwa nila minamaliit ang rebolusyonaryong pagkilos ng masa at parehong di naglalaan ng sapat na atensyon sa pagpapaunlad ng kanilang sariling pagkilos sa pamamagitan ng pampulitikang ahitasyon at pag-oorganisa ng pampulitikang paglalantad.

E. Ang Uring Manggagawa Bilang Talibang Mandirigma ng Demokrasya

1. Gaano man ang ating pagsisikap, hindi mangyayaring mapaunlad ang pampulitikang kamulatan ng manggagawa sa antas ng Sosyal Demokratikong kamulatan kung mananatili lang sa loob ng balangkas ng pang-ekonomyang pakikibaka, dahil ang balangkas na ito ay labis na makitid. Ang saligang kamalian ng mga Ekonomista ay ang kanilang paniniwala na posibleng umunlad ang makauring pampulitikang kamalayan ng manggagawa sa loob, o mula sa kanilang pang-ekonomyang pakikibaka. Ang makauring pampulitikang kamalayan ay madadala sa manggagawa mula sa labas, ibig sabihi’y labas sa kanilang pang-ekonomyang pakikibaka, labas sa larangan ng relasyon sa pagitan ng manggagawa at mga kapitalista. Ang tanging larangan na posibleng makuha ng manggagawa ang ganitong pampulitikang kaalaman ay ang larangan ng relasyon ng lahat ng uri at saray sa estado at gubyerno, sa larangan ng relasyon sa pagitan ng lahat ng uri.

2. Hinggil sa madalas na katanungan kung ano ang kailangang gawin upang madala ang pampulitikang kaalaman sa manggagawa, ang sagot ng mga Ekonomista: “Pumunta sa mga manggagawa.” Ani Lenin, ang dapat na sagot dito ay kailangang pumunta ang mga Sosyal Demokrata sa lahat ng uri ng populasyon, kailangan silang magdispatsa ng yunit ng kanilang hukbo sa lahat ng direksyon. Dapat silang “pumunta sa hanay ng lahat ng uri sa populasyon” bilang mga teoretisyan, propagandista, ahitador at organisador. Ang prinsipal na bagay ay propaganda at ahitasyon sa lahat ng saray ng mamamayan. Hindi isang Sosyal Demokrata yaong nakaliligtaan sa praktika ang obligasyon niyang pangunahan ang lahat sa paghaharap, pagdidiin, at paglutas ng bawat demokratikong usapin.

3. Ang punto, ani Lenin, ay posible at kailangan ang partisipasyon ng iba’t ibang saray ng lipunan para sa pagbabagsak sa awtokrasya, na hindi lang natin kakayanin, kundi sadyang tungkulin natin na gabayan ang mga aktibidad ng iba’t ibang saray ng oposisyon kung gusto nating maging taliba. Kailangang panagutan natin ang tungkulin ng pag-oorganisa ng lahatangpanig na pampulitikang pakikibaka sa ilalim ng pamumuno ng ating Partido sa paraang magiging posible para sa iba’t ibang saray ng oposisyon na magbigay ng kanilang suporta sa pakikibaka at sa ating partido. Kailangang sanayin ang ating mga Sosyal Demokratikong mga praktikal na manggagawa na maging mga pinunong pampulitika.

4. Sa katanungan kung mayroon bang sapat na pwersa para idirekta ang propaganda at ahitasyon ng mga Sosyal Demokrata sa lahat ng uri sa lipunan, sinabi ni Lenin na bagamat malalaking progreso ang natamo ng kilusan, at maraming pwersa ang lumapit sa kilusan, ang saligang pampulitika at pang-organisasyong pagkukulang ay ang kawalan nito ng kakayahang gamitin ang mga pwersang ito at bigyan sila ng mga angkop na gawin. Sa katanungan kung may batayan ba sa pagkilos sa hanay ng lahat ng uri sa populasyon, sinabi ni Lenin na sinumang nagdududa rito ay nahuhuli ang kamalayan sa ispontanyong pagkagising ng masa. Anya, wala ni isang uri sa lipunan na nagrereklamo sa kawalan ng karapatan at sa tiranya, na di maaabot ng propaganda ng mga Sosyal Demokrata bilang tagapagsalita ng mga kagyat na demokratikong kahilingan ng mamamayan.

5. Hinggil sa magiging makauring karakter sa kilusan sa paglulunsad nito ng isang tunay na pambansang saklaw na paglalantad sa gubyerno, sinabi ni Lenin: “Tayong mga Sosyal Demokrata ang mag-oorganisa ng pambansang saklaw na paglalantad; lahat ng usapin na ihaharap ng ahitasyon ay ipaliliwanag sa isang matatag na Sosyal Demokratikong diwa, walang konsesyon sa sadya o disadyang pagbabaluktot ng Marxismo; ang lahatang panig na pampulitikang ahitasyon ay isasagawa ng isang partido na pinagkakaisa sa isang di mapaghiwalay na kabuuan ang atake sa gubyerno sa ngalan ng buong mamamayan, ang rebolusyonaryong pagsasanay ng proletaryado, ang pangangalaga sa pampulitikang pagsasarili nito, ang paggabay sa pang-ekonomyang pakikibaka, at ang paggamit ng dahas sa ispontanyong labanan sa mga nagsasamantala na pumupukaw at dinadala sa ating kampo ang paparaming bilang ng proletaryado.”

6. Ani Lenin, ang pampulitikang paglalantad, sa kabuuan nito, ang pangunahing anyo ng ating pampulitikang ahitasyon sa kasalukuyan. Ang pangunahing tagapakinig nito ay ang uring manggagawa, na siyang pinakanangangailangan ng lahatangpanig at buhay sa pampulitikang kaalaman at siyang may kakayahang isalin ang kaalamang ito sa aktibong pakikibaka, kahit pa ang mga ito’y di nangangako ng kagyat na “kongkretong resulta.”

7. Dagdag ni Lenin, malinaw din para sa ganitong gawain, kailangan ang mga alyado sa hanay ng mga liberal at intelektwal na handang lumahok sa paglalantad sa nagaganap sa pampulitikang atake ng gubyerno sa mga Zemtvos, sa mga guro, estudyante, atbp. Sinipi ni Lenin si Axelrod na nagwikang ang tungkulin ng Sosyal Demokratang Ruso na kunin ang mga tuwiran at dituwirang alyado sa hanay ng diproletaryong uri ay lulutasin sa pangunahin ng karakter ng propagandang ilulunsad mismo ng proletaryado.

F. Muli ang mga “ManinirangPuri”; Muli ang mga “Salamangkero”

1. Sa puna ng Iskra na indirektang inihahanda ng RD ang landas para sa kombersyon ng kilusang manggagawa bilang instrumento ng burgis na demokrasya, sinabi nilang ito’y “paninirangpuri, isang salamangka.” Inulit ni Lenin ang dahilan kung bakit nasabi iyon ng Iskra: ang ispontanyong kilusang manggagawa sa sarili nito ay maaari lang lumikha (at sa katotohana’y nakalikha) ng unyonismo, at ang pulitika ng unyon ng uring manggagawa ay burgis na pampulitika ng uring manggagawa. Ang katotohanang lumalahok ang uring manggagawa sa pampulitikang pakikibaka at maging sa pampulitikang rebolusyon ay di nangangahulugang ang pulitika nito ay masasabi nang Sosyal Demokratikong pulitika.

2. Ani Lenin, dapat pag-isipan ng RD ang mga dahilan kung bakit ang mga pangyayari noong tagsibol ay nagluwal ng mga tunguhing di Sosyal Demokratiko sa halip na nagpalakas ng awtoridad at prestihiyo ng Sosyal Demokrasya. Ang dahilan, ani Lenin, ay nasa katotohanang nabigo tayong tugunan ang ating mga tungkulin. Pinatunayan ng masang mas aktibo sila kaysa sa atin. Kulang tayo ng mga sapat na sinanay ng rebolusyonaryong lider at organisador na may kakayahang pulsuhan ang masa at pangunahan ang kilusan, ibaling ang ispontanyong demonstrasyon sa isang pampulitikang pagkilos, palawakin ang pampulitikang katangian nito, atbp.

Ikaapat na Kabanata: Ang Pagiging Primitibo ng mga Ekonomista at ang Organisasyon ng mga Rebolusyonaryo

1. Ani Lenin, ang iginigiit ng RD na ang pang-ekonomyang pakikibaka ang pinakamalawak na aplikableng paraan ng pampulitikang ahitasyon, na ang tungkulin natin ay ang pakikibaka mismo ng pampulitikang karakter, ay nagpapakita ng makitid na pananaw hindi lang sa pulitika kundi maging sa pang-organisasyong tungkulin. Ang ganitong pakikibaka ay hindi nangangailangan ng buong Rusong sentralisadong organisasyon at hindi magluluwal ng organisasyong pagbibigkisin sa pangkalahatang atake ng lahat ng manipestasyong pampulitika, protesta at indignasyon, isang organisasyong binubuo ng mga propesyunal na rebolusyonaryo at pinamumunuan ng mga tunay na pampulitikang lider ng sambayanan.

A. Ano ang Pagiging Primitibo?

1. Sa panahong 18941901, ganito ang karaniwang larawan ng pagkilos ng mga Sosyal Demokratikong sirkulo sa pag-aaral: ang mga sirkulo ng estudyante ay nakikipag-ugnayan at kumikilos sa mga manggagawa nang walang kuneksyon sa mga dating myembro ng kilusan, at sa iba pang sirkulo sa ibang lugar o kahit sa mga institusyon rin ng pag-aaral. Walang organisasyon ng iba’t ibang dibisyon ng rebolusyonaryong gawain; walang sistematikong plano ng pagkilos na sasaklaw sa anumang panahon. Ispontanyong lumalawak ang mga tradisyunal na sirkulo sa pamamagitan ng propaganda at ahitasyon; nagsisimula ang hayag na paglaban pagkatapos nito, kadalasa’y sa anyo ng mga unang pamplet sa ahitasyon, unang dyaryo, o unang hayag na demonstrasyon. Kadalasang tumutungo ito sa kagyat na pagkabulilyaso at pagkahuli ng lokal na lider at ng mga Sosyal Demokrasyang intelektwal dahil hindi naman sistematikong naplano ang mga aksyong ito sa konteksto ng pangmatagalang labanan. Ani Lenin, batid ng sinumang may kaunting kaalaman sa kilusan na itinuturing na lahat ng nag-iisip na Sosyal Demokrata ang mga bagitong pamamaraang ito bilang isang sakit ng kilusan.

B. Ang Pagiging Primitibo at ang Ekonomismo

1. May kuneksyon ba sa pagitan ng pagiging primitibo na sakit na umaapekto ngayon sa kilusan at sa Ekonomismo sa Rusya? Ani Lenin, ang pagiging primitibo ay hindi lang kakulangan ng praktikal na pagsasanay; nangangahulugan ito ng makitid na saklaw ng rebolusyonaryong gawain sa pangkalahatan, ng kakulangang maunawaan na ang isang mahusay na organisasyon ng mga rebolusyonaryo ay hindi mabubuo sa ganoong kakitid na pagkilos, at – ito ang pangunahin – ng pagtatangka na bigyan pa ng katwiran ang kakitirang ito at itaas ito sa antas ng “teorya.” Naipakikita ito sa dalawang tunguhin: una sa sinasabi ng ilan na hindi pa isinusulong ng mismong masang manggagawa ang mga malawakan at militanteng pampulitikang tungkulin na tinatangka ng mga rebolusyonaryong “idikta” sa kanila; at ikalawa, sa paniniwala ng iba na kailangang “maglunsad ng pampulitikang rebolusyon, ” subalit di ito nangangailangan ng pagbubuo ng malakas at matibay na organisasyon ng mga rebolusyonaryo para sanayin ang proletaryado sa matatag na pakikibaka. Ang kailangan lang, ayon sa kanila ay ang pukawin ang kilusan ng uring manggagawa sa pamamagitan ng “pampagising na terorismo.” Ani Lenin, parehong ang dalawang tunguhing ito ay sumusuko sa namamayaning amateurismo, hindi naniniwalang kayang pawiin ito, at ni hindi naiintindihan ang pangunahin at mahigpit na praktikal na tungkuling magbuo ng matibay na organisasyon ng mga rebolusyonaryo.

2. Sinasabi ng RM na walang katuturan ang pag-oorganisa ng lihim na aktibidad dahil sa pag-iral ng ispontanyong kilusang masa, di na mahalaga ang nakikibakang ito, subalit ito‘y nangangailangan sa ispesyal na kalidad, ng organisasyon ng mga propesyunal na rebolusyonaryo. Di lang dapat na isinusulong ng masa ang mga kongkretong kahilingan kundi kinakailangang isinusulong rin nila ang papalaking bilang ng mga propesyunal na rebolusyonaryo mula sa kanilang hanay. Ito, ani Lenin, ang tamang relasyon sa pagitan ng organisasyon ng rebolusyonaryo at ng lantay at payak na kilusang unyon.

3. Dagdag pa ni Lenin, bagamat imposible para sa isang welga na maging sikreto sa mga lumahok at naapektuhan nito, maaari din itong gawing “sikreto” sa pamamagitan ng pagputol ng gubyerno sa lahat ng komunikasyon para ang balita ukol dito ay di makarating sa iba pa. Dito kailangan ang ispesyal na pakikibaka laban sa pulisyang pulitikal, isang pakikibakang di maisasagawa ng kasinglaking masang lumalahok sa welga kundi ng mga propesyunal na rebolusyonaryo. Ang katotohanang ispontanyong nahahatak ang masa sa kilusan ay di dapat makabawas sa pangangailangang gawin ang ganitong organisasyon ng pakikibaka, bagkus ay lalo pa ngang kailangan. At magtatagumpay tayo sa pagsasagawa nito dahil ang masang ispontanyong napupukaw ay lilikha rin sa hanay ng paparaming bilang ng mga propesyunal na rebolusyonaryo.

C. Organisasyon ng Manggagawa at Organisasyon ng mga Rebolusyonaryo

1. Natural lang na sa mga Ekonomista, ang konsepto ng pampulitikang pakikibaka ay parehas ng konsepto ng “pangekonomyang pakikibaka laban sa kapitalista at sa gubyerno, ” at ang organisasyon ng mga rebolusyonaryo ay parehas lang ng organisasyon ng mga manggagawa. Sa mga Ekonomista, ang usapin kapwa ng organisasyon at ng pulitika ay palagi na lang kumakawala sa Sosyal Demokrasya at tumutungo sa simpleng unyonismo.

2. Ang organisasyon ng rebolusyonaryong Sosyal Demokrata ay dimaiiwasang kaiba sa tipo ng organisasyon ng mga manggagawa. Una sa lahat, ang huli ay kailangang isang unyon; pangalawa, kailangang lantad ito sa publiko hanggang makakayanan ng kalagayan. Sa kabilang banda, ang organisasyon ng mga rebolusyonaryo ay kailangang sa pangunahi’y binubuo ng mga taong ang rebolusyonaryong aktibidad ang propesyon. Dahil dito, lahat ng pagkakaiba sa kasapian gaya ng pagiging manggagawa o intelektwal ay dapat mabura. Ang organisasyong ito ay hindi maaaring maging ekstensibo at dapat maging sikreto hangga’t maaari.

3. Sa mga bansa na may pampulitikang kalayaan, malinaw ang pagkakaiba ng unyon at ng pampulitikang organisasyon gaya ng pagkakaiba ng unyon sa kilusang Sosyal Demokrasya. Subalit sa Rusya, sa unang tingi’y waring binubura ng pang-aaping awtokrasya ang kaibahan ng organisasyon ng Sosyal Demokrasya at ng asosasyon ng manggagawa dahil ang mga ito’y parehong ipinagbabawal, at ang sandata sa pang-ekonomyang pakikibaka – ang welga – ay tinuturing na kriminal (kundi man pulitikal) na pagkakasala.

4. Ang organisasyon ng manggagawa para sa pang-ekonomyang pakikibaka ay ang mga unyon. Bawat Sosyal Demokratang manggagawa ay kailangang tumulong sa pagtatayo at maging aktibo sa mga organisasyong ito. Subalit ang kasapian nito’y hindi para lang sa mga Sosyal Demokrata; bawat manggagawa na nakauunawa sa pangangailangang magkaisa para sa pakikibaka sa kapitalista at sa gubyerno ay kailangang pasalihin sa unyon. Ang layunin ng unyon ay di makakamit kung hindi ito magiging lubos na masaklaw, at kapag nagkaganito, mas masaklaw din ang impluwensyang mararating ng mga Sosyal Demokrata. Gayundin, ang masaklaw na organisasyon ay hindi makapaglalapat ng pamamaraan ng istriktong paglilihim. Sa dalawang paraan lang mawawakasan ang kontradiksyon sa pagitan ng malaking kasapian at ng istriktong paglilihim: gawing ligal ang mga unyon (sa ilang bansa, nauna ito sa ligalisasyon ng organisasyong sosyalista at ng pampulitikang unyon), o kaya’y panatilihin itong sikreto subalit gawing “maluwag, libre at buhaghag, ” kung saan ang sikretong kaparaanan ay walang kabuluhan kung bulto ng kasapian ang pag-uusapan.

5. Hindi malulutas ng legalisasyon ang suliranin ng pagbubuo ng unyon na di gaanong sikreto at pinakamalawak hangga’t maaari. May mga sikretong unyon sa Rusya, at kailangang suportahan ang mga manggagawang ganito ang naging opsyon. Napakalaki ng halaga ng unyon hindi lang sa pagpapaunlad at pagkukonsolida ng pang ekonomyang pakikibaka; ang mga ito’y maaari ring maging kaagapay (auxillary) ng pampulitikang ahitasyon at rebolusyonaryong organisasyon. Para makamit ang ganitong layunin at para magabayan ang umuusbong na kilusang unyon sa landas ng Sosyal Demokrasya, kailangan ng “maliit, siksik na ubod na binubuo ng mga maaasahan at panday na mga manggagawa, na responsableng mga kinatawan sa mga pangunahing distrito at kunektado sa lahat ng alintuntunin ng istriktong paglilihim sa organisasyon ng mga rebolusyonaryo.” Ang ganitong ubod na may malawak na suporta ng masa at walang anumang pormal na organisasyon ang kayang magpatupad ng lahat ng tungkulin ng unyon sa isang paraang kanais-nais para sa Sosyal Demokrasya. Sa ganitong paraan lang matitiyak ang konsolidasyon at pag-unlad ng Sosyal Demokratikong kilusan sa gitna ng mga operasyon ng pulisya.

6. Kung magsisimula sa solidong pundasyon ng isang malakas na organisasyon ng mga rebolusyonaryo, matitiyak natin ang katatagan ng buong kilusan at maipapatupad ang layunin kapwa ng Sosyal Demokrasya at ng mga unyon. Kung magsisimula tayo sa malawak na organisasyon ng mga manggagawa na siyang pinaka-accessible sa masa (subalit sa aktwal ay pinakaaccessible rin sa pulisya), hindi natin makukuha ang alinmang layunin.

7. Bilang sagot sa pusisyon ng mga Ekonomista na “ang isang dosenang paham ay mas madaling lipulin kaysa isang daang hangal, ” iniharap ni Lenin ang sumusunod na punto: “(1) na walang rebolusyonaryong kilusan ang tatagal nang walang matatag na organisasyon ng mga propesyunal na rebolusyonaryong nagmimintina ng pagiging tuluy-tuloy na organisasyon; (2) na habang lumalawak ang masang ispontanyong nahahatak sa pakikibaka, na siyang bumubuo na batayan ng kilusan, mas mahigpit ang pangangailangan para sa kilusan at lumalahok dito, ng isang solidong ganitong organisasyon, mas kagyat ang pangangailangan sa isang solidong organisasyon (dahil mas madaling iligaw ng lahat ng klase ng demagoges ang atrasadong seksyon ng masa); (3) na ang ganitong organisasyon ay kailangang pangunahing binubuo ng mga taong nagsasagawa ng rebolusyonaryong kilos sa propesyunal na paraan; (4) na sa isang awtokratikong estado, habang inililimita natin ang kasapian ng ganitong organisasyon sa mga taong nagsasagawa ng rebolusyonaryong kilos sa propesyunal na paraan, at sa mga sinanay bilang propesyunal sa sining ng pakikipaglaban sa pulisyang pulitikal, mas mahihirapang baklasin ang organisasyon; at (5) sa kabuua’y lalong lalaki ang bilang ng mga magmumula sa uring manggagawa at sa ibang uri ng lipunan na makasasali sa kilusan at makapagbibigay dito ng aktibong gawain.”

8. Hindi pwedeng ipagkaloob sa organisasyong masa ang antas ng pagiging sikreto kung walang saysay ang mapagpunyagi at tuluy-tuloy na pakikibaka laban sa gubyerno. Ang padesentralisa sa mga sikretong tungkulin ng organisasyon sa mga propesyunal na rebolusyonaryo ay di nangangahulugan ng sentralisasyon ng lahat ng gawain ng kilusan. Ang aktibo at malawakang paglahok ng masa ay di maaapektuhan; sa kabilang banda, makikinabang pa ito sa pangyayaring isang “dosena” ng makaranasang mga rebolusyonaryo, propesyunal na sinanay, ang nagsesentralisa ng lahat ng sikretong aspeto ng gawain — ng pagtalaga ng mga grupo ng namumuno para sa bawat distrito sa lungsod, sa pabrika, at sa bawat institusyon sa edukasyon, atbp. Ang sentralisasyon ng pinakamahalagang sikretong gawain ng rebolusyon ay di nagpapahina, bagkus ay nagpapalakas at nagpapahusay pa sa kalidad ng malaking bilang ng iba pang organisasyong masa, gaya ng mga unyon, ng sirkulo ng mga manggagawa para sa edukasyon, sirkulo para sa pagbabasa ng iligal na literatura, at mga sosyalista at demokratikong sirkulo para sa lahat ng seksyon ng populasyon.

D. Ang Saklaw ng Gawaing Pang-organisasyon

1. Ani Lenin, ang kritikal at transisyunal na kalagayan ng kilusan kaugnay ng usapin ng kakulangan ng rebolusyonaryong pwersa ay – “Walang tao, subalit mayroong masa ng mamamayan” sapagkat mula sa uring manggagawa at sa pagparami ng bilang ng ibang saray sa lipunan, nakapagpasulpot ng dumaraming tao na gustong magprotesta at magbigay ng tulong sa pakikibaka laban sa absolutismo. Subalit walang tao, dahil walang pampulitikang lider, mga may talinong organisador na mag-aayos ng malawak at magkakatugmang gawain at makapagpapakilos sa lahat ng pwersa, maging sa mga di gaanong mahahalaga.

2. Hindi lang ang mga rebolusyonaryo sa pangkalahatan ang bumubuntot sa ispontanyong paggising ng masa, kundi maging ang mga rebolusyonaryong manggagawa ay bumubuntot din sa ispontanyong paggising ng masang manggagawa. Ani Lenin, ang nangunguna at kagyat na tungkulin ng mga Sosyal Demokrata ngayon ay tumulong sa pagsasanay ng mga rebolusyonaryo sa uring manggagawa na magiging kaantas ng mga rebolusyonaryong intelektwal, sa usapin ng pampartidong gawain.

3. Upang maging handa sa tungkulin, ang rebolusyonaryong manggagawa ay dapat na maging isang propesyunal na rebolusyonaryo. Ang isang manggagawang ahitador na may kakayahan at katangiang kailangan ng kilusan ay di dapat iwanan sa trabahong “labingisang oras” sa pabrika. Dapat asikasuhin siya ng partido, ilagay sa underground sa pinakamaagang panahon, palitan ang lugar ng kanyang pagkilos kung kailangang palawakin ang kanyang karanasan at pananaw, at panatilihin siya sa pakikibaka ng kung ilang taon.

E. “Konspiratoryal” na Organisasyon at “Demokratismo”

1. Sa akusasyon ng RD na ang naniniwala sa mga isinaad ni Lenin na prinsipyong pang-organisasyon ay sumusunod sa linya ng Narodnaya Volya (NV), sinabi ni Lenin: “Ang akusasyong ito ay resulta ng dalawang patong na kamalian.” Una, di gaanong batid ng marami ang kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan, kaya’t ang pangalang NV ay ginagamit tuwing tumutukoy ng isang militanteng sentralisadong organisasyon na nagdedeklara ng gera sa tsarismo. Mali ito sa kasaysayan dahil ang mahusay na organisasyon ng rebolusyonaryo noong 1870s ay itinatayo hindi ng NV kundi ng Zemlya i Volya na nahati sa Chorny Peredel at Narodnaya Volya. Mali rin ito sa lohika sapagkat walang rebolusyonaryong tunguhin na seryoso sa pakikibaka ang maaaring balewalain ang ganitong klaseng organisasyon. Ang kamalian ng NV ay sa usapin ng teorya, ng konsepto at praktika ng makauring pakikibaka sa umuunlad na kapitalistang lipunan ng Rusya, samantalang ang usapin ng organisasyon ang kanila pa ring pinakamainam na ambag sa kasaysayan.

2. Pangalawa, maraming hindi nakakaintindi sa polemik ng mga Sosyal Demokrata laban sa konspiratoryal na pagtanaw sa pampulitikang pakikibaka. Ang Sosyal Demokrasya ay laging tutol sa pagkakahon ng pampulitikang pakikibaka sa larangan ng pakikipagsabwatan (conspiracy). Pero hindi ibig sabihi’y binabalewala o tutol ang mga Sosyal Demokrata sa pangangailangan ng malakas na rebolusyonaryong organisasyon.

3. Sa pagtutol na ang isang malakas at istriktong sikretong organisasyon na kinukunsentra sa kamay nito ang lahat ng hibla ng sikretong aktibidad ng kilusan ay maaaring madaling sumubo sa di napapanahong atake, sinabi ni Lenin: Kung magsisimula sa kongkretong kundisyon ng Rusya at hindi sa abstraktong posibilidad, ang magiging kongklusyon pa nga ay ganap na kailangan ang malakas na rebolusyonaryong organisasyon para bigyang istabilidad ang kilusan at bantayan mismo ang posibilidad ng di pinag-isipang atake sa kaaway.

4. Isa pang pagtutol sa mga konsepto sa organisasyon na inilalahad ni Lenin ay ang sinasabing pagiging kontra ng mga ito sa “demokratikong prinsipyo.” Ani Lenin, ang pag-iral ng malawak na demokratikong prinsipyo ay nangangahulugan ng dalawang kundisyon: una, ganap na pagsasapubliko, at ikalawa, eleksyon sa lahat ng tungkulin. Hinggil sa una, walang saysay ang paghahapag ng “malawak na demokratikong prinsipyo” dahil ang pundamental na kundisyon para dito ay di magagawa ng isang sikretong organisasyon. Ikalawa, di gaya sa mga malayang bansa na lahat ng kasapi, dahil nababatid ang lahat ng impormasyon at datos, ay nakapaghahalal, nakatatangging maghalal ng isang tao sa partikular na pusisyon – sa sitwasyon ng awtokrasya, di posibleng lahat ay maghahalal ng isang rebolusyonaryo sa tungkulin dahil sa interes mismo ng gawain, kailangang ilihim ng nasabing rebolusyonaryo ang kanyang identidad mula sa “siyam sa sampung” katao ng kilusan.

5. Dagdag ni Lenin, ang tanging seryosong pang-organisasyong prinsipyo para sa aktibong manggagawa sa ating kilusan ay ang istriktong paglilihim, ang istriktong pamimili ng kasapi at ang pagsasanay ng mga propesyunal na rebolusyonaryo. Ang mga kalidad na ito ang gagarantiya sa atin ng ganap na mutwal na kumpyansa sa hanay ng mga rebolusyonaryo, bagay na mas mahalaga kaysa “demokratismo.”

F. Lokal at Buong Rusong Gawain

1. Hinggil sa pangambang ang pagbuo ng sentralisadong pampulitikang organisasyon ay maghihigpit ng sentro ng grabidad mula sa gawaing lokal tungo sa buong Rusong gawain, makasisira sa kilusan at magpapahina ng kontak sa masang manggagawa at ng lokal na ahitasyon, sinabi ni Lenin na ang suliranin nga ng kilusan ay ang mismong pagkahirati ng mga manggagawang lokal sa gawaing lokal. Sa halip na magpahina, palalakasin pa nga nito ang kawing sa malawak na masa at maipagpapatuloy ang ahitasyong lokal.

Ikalimang Kabanata: Ang Plano Para sa Isang Buong Rusong Pampulitikang Pahayagan

A. Sino ang Nasaktan ng Artikulong Where to Begin

1. Mula nang lumabas ang artikulong Where to Begin na nagpapalawig sa isang depinidong plano sa organisasyon, wala ni isang komite o ni isang organisasyon ng Partido ang pormal na nagprotesta sa ganitong panukala. Ngayon, inaatake ng RD ang artikulo sa ngalan pa man din ng mga organisasyon at komite ng Partido, hindi lang dahil sa oposisyon nitong mali ang nilalaman ng artikulo kundi dahil lang nangahas ang Iskrang magpanukala ng isang balangkas na plano.

2. Ani Lenin, walang batayan ang akusasyong isinasantabi ng Iskra ang mga komite at pinapalitan ang organisasyon ng partido ng isang organisasyong nagpapalaganap ng ideya ng isang pahayagan. Malinaw sa mga pangyayari noong nakaraan na sa komite mismo, sa paulit-ulit na imbitasyon nito, iniharap nina Lenin ang pangangailangan ng depinidong plano para sa sama-samang aktibidad. Pagkatapos lamang ng dalawang beses na pagtatangkang buhayin ang opisyal na organo ng Partido, saka kinukunsidera ng Iskra na obligadong ilathala ang isang diopisyal na organo para ang pangatlong pagtatangka ng mga kasama ay magkaroon ng batayan sa karanasan.

B. Pwede Bang ang Pahayagan ay Maging Kolektibong Organisador?

1. Ani Lenin, ang pagbubuo ng buong Rusong pahayagan ang tanging pamamaraan, ayon sa umiiral na kundisyon sa Rusya, upang makapagsanay ng malakas na pampulitikang organisasyon. Walang pagtatalo sa sinabi ni L. Nadezhdin na ang kailangan ngayon ay “pagbubuo ng mga malalakas na pampulitikang organisasyon sa lokalidad.” Ngunit ang usapin ay hindi solusyon sa prinsipyo kundi praktikal na solusyon, kung paano “magpapaunlad ng malakas na pampulitikang organisasyon.” At ang pagtatayo ng buong Rusong dyaryo ang tanging konkretong paraan para matamo ito.

2. Hindi totoo, ani Lenin, ang pahayag ni L. Nadezhdin sa kanyang pagkontra sa mungkahi ng buong Rusong pahayagan, na ang gawain ng mga Sosyal Demokrata ay nakapokus lang sa hanay ng mulat na mga manggagawa samantalang ang masa ay nakatutok naman sa pang-ekonomyang pakikibaka. Ang tutuo, ani Lenin, ay parehong ang masa at maging ang mulat na manggagawa ay nakatutok lang sa pang-ekonomyang pakikibaka. Hindi matututo ang masa sa pampulitikang pakikibaka kung hindi tutulong magsanay ang mga Sosyal Demokrata ng mga lider sa kanilang hanay. Ang mga lider na ito’y sinasanay lang sa pamamagitan ng “sistematikong pagtatasa ng lahat ng pang-araw-araw na aspeto ng ating buhay pulitika, lahat ng pagtatangka sa protesta at pakikibaka sa bahagi ng iba’t ibang uri” sa lipunan.

3. Ani Lenin, ang pampulitikang buhay sa kabuuan ay walang patid na kadena na binubuo ng di mabilang na kawing. Ang buong sining ng pulitika ay ang paghahanap at paghawak natin sa pinakamahigpit na kawing na hindi nawawala sa ating kamay, ang pinakamahalaga sa isang partikular na panahon, ang isyung pinakanagbibigay garantiya sa may hawak mismo ng buong kadena.

4. Ang pahayagan ay di lang kolektibong propagandista at ahitador, ito rin ay kolektibong organisador. Sa ganitong bagay maaari siyang ihambing sa isang andamyo na itinatayo sa paligid ng ginagawang gusali, minamarkahan nito ang hugis ng istruktura at pinadadali ang komunikasyon sa pagitan ng mga gumagawa, pinahihintulutan silang ipamahagi ang gawain at tingnan ang resulta ng kanilang organisadong paggawa.

5. Ani Lenin, lahat ay nagsasalita ng kahalagahan ng pagkakaisa subalit ang kulang ay kung paano ang pamamaraan. Ang komon na gawain at pagkakaroon ng tunay na kontak sa pagitan ng mga mamamayan at bayan na ngayo’y hiwa-hiwalay. Ang mismong pamamahagi lang ng dyaryo ay lilikha ng aktuwal na kontak kaugnay ng aktibidad ng mga rebolusyonaryo. Ang bagay na ito ay magpapadali ng komunikasyon, ng palitan ng karanasan, ng materyales, ng pwersa at rekurso. Kaagad lalawak ang saklaw ng pang-organisasyong gawain, at kahit ang gawaing lokal, dahil magkakaroon ng palitan ng karanasan, ay mas magiging mayaman. Ang mga ito’y mas mapaplano at mapapaunlad nang nakaugnay sa konteksto ng kabuuang pag-unlad ng gawain. Ang ganito ring komon na trabaho ay makapagpapadali ng paglilipat-lipat at pagpupultaym ng mga propesyunal na organisador, propagandista at ahitador kung saan sila pinaka-kailangan.

C. Anong Tipo ng Organisasyon ang Kailangan Natin?

1. Isang organisasyon na nakakonsentra sa isang buong Rusong pahayagan na may komon na gawain para sa komon na dyaryo ang titiyak ng pleksibilidad na kailangan ng Sosyal Demokratikong organisasyon, ibig sabihin, ang abilidad na umangkop kaagad sa mabilis na pagbabagu-bago ng kundisyon ng pakikibaka, sa panahon ng pag-aalsa at panahon ng kalma. Dahil ang rebolusyon ay hindi iisang aksyon kundi serye ng humigit kumulang ay malalakas na pag-aalsa na mabilis na hinahalinhan ang panahon ng ganap na pagkakalma, ang dapat na pangunahing nilalaman ng aktibidad ng Partido, ang pokus ng kanyang gawain, ay ang gawaing posible at esensyal sa panahon ng pag-aalsa at panahon ng kalma – ang pampulitikang ahitasyon na kunektado sa buong Rusya, pinapaksa at nililinaw ang lahat ng aspeto ng buhay sa lipunan, at isinasagawa sa pinakamalawak na saray ng masa. Imposible ito sa kalagayan ng Rusya kung walang buong Rusong dyaryo at organisasyong mabubuo na nakasentro rito – ang organisasyon ng mga kolaborador, ang tanging organisasyon na handa para sa lahat, handa sa pagbabandila ng pangalan, prestihiyo at pagpapatuloy ng gawain ng Partido sa panahon ng matinding rebolusyonaryong panunupil at handa rin sa preparasyon, pagtatakda ng tayming at paglulunsad ng pambansang armadong pag-aalsa.

Kongklusyon

1. Ani Lenin, ang kasaysayan ng Sosyal Demokrasya sa Rusya ay maaaring hatiin sa tatlong panahon:

a. Una, ang panahon mula 1884 hanggang 1894. Ito ang panahon ng pagsulpot at konsolidasyon ng teorya at programa ng Sosyal Demokrasya. Kakaunti pa lang ng panahong iyon ang tumangan sa Sosyal Demokrasya. Umiral ito nang walang isang kilusang manggagawa, at bilang isang pampulitikang partido ay nasa embryonic stage pa lang ng pag-unlad.

b. Ang ikalawang panahon mula 1894-98. Sa panahong ito, lumitaw sa eksena ang Sosyal Demokrasya bilang isang kilusang panlipunan, bilang bugso ng masa ng mamamayan, bilang isang partidong pampulitika. Ito ang panahon ng kanyang kabataan. Ang intelihensiya ay sumusulong sa pakikibaka laban sa Narodismo at tumutungo sa hanay ng manggagawa; ang mga manggagawa naman ay nagsisimulang gamitin ang welga bilang sandata. Ang pagkakabuo ng Partido (RSDLP) sa tagsibol ng 1898 ang pinakamatingkad at siya ring pinakahuling akto ng mga Sosyal Demokrata sa panahong ito.

c. Ang ikatlong yugto na inihanda simula 1897 at ngayo’y di pa natatapos. Ito ang panahon ng dipagkakaisa, pagkakahiwalay, at pag-aatubili. Sa panahon ng kabataan ang tinig ng tao’y nagsisimulang mabasag. Gayundin ang Sosyal Demokrasya sa panahong ito. Ngunit ang mga lider lang ng kilusang ito ang nagsisimulang umatras at lumalaboy nang hiwa-hiwalay; ang kilusan mismo ay nanatili sa paglago at pag-unlad. Di lang nahuli ang mga lider sa usapin ng teorya (“kalayaan sa pagpuna”) at praktika (“pagiging primitibo”), kundi binigyangkatwiran nila ang kanilang pagiging atrasado sa pamamagitan ng matatayog na argumento. Ang Sosyal Demokrasya ay ibinaba sa antas ng unyonismo.

2. Ani Lenin, dumadaan tayo ngayon sa isang yugto ng kasaysayan tungo sa ikaapat na bahagi nito. Dapat mangahulugan ang bagong yugto ng konsolidasyon ng militanteng Marxismo, ng paglutas ng Sosyal Demokratang Ruso sa kasalukuyang krisis upang makarating sa pamumukadkad ng tunay na maturidad. Sa katanungan kung anong dapat gawin para maganap ito, maikling sagot ni Lenin: “Tapusin ang Ikatlong Yugto.”