Martes, Hunyo 10, 2008

Dalawang Taktika sa Demokratikong Rebolusyon - ni V. I. Lenin

DALAWANG TAKTIKA NG SOSYAL DEMOKRASYA SA DEMOKRATIKONG REBOLUSYON

A. ISTORIKONG KONTEKSTO

Isinulat ni Lenin ang Dalawang Taktika noong Hunyo-Hulyo 1905 sa Geneva sa panahong sumisiklab ang rebolusyong Ruso ng 1905 ngunit lumalala ang isplit sa Partidong Ruso, ang R.S.D.L.P.

Ang Gerang Ruso-Hapones at Ang Pagsiklab ng Rebolusyon

Pagpasok ng 1900, umigting ang labanan ng mga bansang imperyalista, kabilang ang Rusya, para sa dominasyon sa Pacific at partisyon ng China. Nakabangga ng Tsarismo ang Hapon sa agawan nila ng mga kolonya sa Far East. Sumiklab ang gerang Ruso-Hapones. Akala ng Tsarismo ay mapapalakas ng gerang ito ang kanyang pusisyong pampulitika laban sa rebolusyon. Ang nangyari'y pinabilis nito ang pagsiklab ng rebolusyon.

Dahil tiwali't inutil ang mga heneral, at kulang sa armas at treyning, sunud-sunod ang pagkatalo ng hukbong Ruso. Di naglaon, bumagsak ang Port Arthur. Nagsimula ang tuluy-tuloy na pagkatalo ng Rusya sa gera. Napilitan ang Tsar na maghabol ng areglo sa Hapon.

Ayon kay Lenin, ang pagbagsak ng Port Arthur ang simula ng pagbagsak ng Tsarismo. Ang mga pagkatalo ng hukbong Tsarista ay lalong nagmulat sa mamamayan sa kabulukan ng Tsarismo. Lalong pinaigting ng gera ang krisis pang-ekonomiya ng 1900-03. Nasagad ang pagtitiis ng mamamayan na noo'y sakal di lamang ng tanikala ng kapitalismo kundi ng tanikala ng Tsarismo.

Enero 9, 1905, nagmartsa sa palasyo ng Tsar ang mga manggagawa ng St. Petersburg, kasama ang kanilang mga pamilya. Mahigit sa 140,000 katao ang dumalo. Sa utos ng Tsar, pinagbabaril ng mga Cossack ang mapayapang demonstrasyon. Libong mamamayan ang nasawi sa masaker. Sumiklab ang unang rebolusyong Ruso ng 1905-07.

Ang buong uring manggagawa, ang buong bansa ay umaalimpuyo sa galit at pagkasuklam. Walang bayan sa Rusya ang di nagwelga ang mga manggagawa. Lahat ay nagtaguyod ng mga islogang pampulitika. Ang mga manggagawa'y bumuhos sa mga kalsada dala ang islogang "Ibagsak ang Awtokrasya!" Mas maraming manggagawa ang nagwelga sa loob ng isang buwang ito kaysa naunang isang buong dekada.

Matapos ang Enero 9, tumindi ang pakikibaka ng mga manggagawa. Ang mga welgang pang-ekonomya at welgang simpatya ay tumungo sa mga welgang pampulitika, mga demonstrasyon, at sa ilang lugar, mga armadong paglaban sa Tsaristang mga tropa.

Bunga nito, nagsimula na ring magbangon ang kanayunan. Ang mga magsasaka ay malawakang nagmartsa laban sa mga panginoong maylupa, sinunog ang mga plantasyon nito, niransak ang mga bodega, at sa ilang lugar, kinumpiska ang mga lupain. Nagpadala ang Tsar ng mga tropa. Pinagbabaril ang mga magsasaka. Inaresto't binugbog ang mga lider. Gayunman, simula pa lang ito ng kilusang magsasaka. Maliit na bahagi pa rin ng Rusya ang saklaw nito.

Ang kilusan ng anakpawis at ang mga serye ng pagkatalo sa gera ay nakaimpluwensya ng malaki sa hukbong Ruso. Hunyo 1905, sumiklab ang rebelyon sa Potemkin, ang barkong pandigma ng Black Sea Fleet. Nakadestino ito malapit sa Odessa kung saan may nagaganap na pangkalahatang welga. Inaresto ng mga sundalo ang kanilang mga despotikong heneral, idinaong ang barko sa Odessa, at nagpahayag ng pagkatig sa rebolusyon.

Malaki ang pagpapahalaga ni Lenin sa rebelyong ito. Ito ang unang insidente ng rebolusyonaryong aksyon sa loob ng armadong pwersa ng Tsar. Ang unang okasyon ay nang ang isang malaking yunit ng hukbo ay pumanig sa rebolusyon. Bunga ng rebelyong ito, ang ideya ng pagsanib ng mga sundalo sa mamamayan ay naging malinaw at malapit sa puso ng mga manggagawa't magsasaka, at laluna, sa mismong mga sundalo.

Pinakikita ng mga ito na nahihinog na ang mga kundisyon para sa armadong pag-aalsa. Nagkumahog ang liberal na burgesya. Sinikap nilang makipagkasundo sa Tsar laban sa mamamayan. Humiling sila ng ilang pampalubag na reporma para hatiin ang rebolusyonaryong hanay at idiskaril ang rebolusyon. Ang liberal na burgesya ay naghandang makisosyo ng kapangyarihan sa Tsar sa porma ng monarkiyang konstitusyonal. Ayon kay Lenin: "Ang proletaryado ay nakikibaka, ang liberal na burgesya ay nagnanakaw ng poder."

ANG ISPLIT SA R.S.D.L.P.: DALAWANG PARTIDO, DALAWANG TAKTIKA

Kasabay ng pagtindi ng krisis ng Tsarismo't pagsiklab ng rebolusyon ay ang paglala ng krisis sa loob ng Partidong Ruso na humantong sa isplit sa pagitan ng mayorya [Bolshevik] at minorya [Menshevik]. Ang kawalan ng nagkakaisang partido ay nagbunga ng kawalan ng nagkakaisang taktika, at ito'y naging mapagpasyang salik sa pagkatalo ng rebolusyon.

May mahabang kasaysayan ang krisis na ito. Noong 1898, idinaos ang Unang Kongresong nagtatag ng R.S.D.L.P. at bumalangkas sa mga layunin nito. Ang Ikalawang Kongreso ay ginanap noong 1903. Binalangkas dito ang programa ng Partido, pinagtibay ang mga resolusyon sa taktika, at sinikap buuin, sa unang pagkakataon, ang isang intigral na organisasyon ng Partido.

Nabigo ang Ikalawang Konggreso sa pagsisikap na ito. Tumangging sumunod sa mayorya at nagpakana ng isplit ang mga Menshevik na minorya sa Konggresong ito. Ang unang hakbang, ayon kay Lenin, patungo sa isplit na ito ay ang pagtangging ipatupad ang mga desisyon ng Ikalawang Konggreso at kilalanin ang pamumuno ng sentral na mga organong itinatag nito.

Ang ikalawang hakbang ay ang pagtangging lumahok sa Ikatlong Konggreso. Lahat ng organisasyon ng Partido, Bolshevik o Menshevik man, ay inimbita sa Konggreso para lutasin ang krisis ng Partido at magkaisa sa organisasyon at taktika. Ang malawak na mayorya ng mga organisasyong ito, kabilang ang halos lahat ng mga komite at organisasyong Menshevik, ay naghalal ng kanilang mga delegado para dumalo sa Konggreso. Pero ang mga delegado ng minorya ay sinabat ng ilang lider ng mga Menshevik, di pinadalo sa Konggreso (ginanap sa London, Mayo, 1905), at sa halip, pinapunta sa sarili nilang "Kumperensya" (kasabay na ginanap sa Geneva).

Ang pagdaraos ng sariling Konggreso (na tinawag nilang "Kumperensya" dahil kakaunti ang mga delegado) ang ikatlong hakbang patungo sa ganap na isplit. Ang mga di pagkakaisa sa usapin ng taktika ay nagpapalala sa isplit na nagsimula sa mga di pagkakaisa sa mga usapin ng organisasyon. Sa pagsusuma ni Lenin ng sitwasyon: "Dalawang Konggreso--dalawang partido".

Iisa ang mga usaping pantaktikang tinalakay sa Konggreso at Kumperensya. Pero ang narating na mga desisyon ay ganap na magkasalungat. Ang kanilang magkakahiwalay na mga resolusyon ay nagbunyag ng lalim ng mga pagkakaiba sa taktika't prinsipyo sa pagitan ng mga Bolshevik at Menshevik. Ang pag-iral ng dalawang partido ay nagbunga ng dalawang taktika ng Sosyal Demokrasya sa demokratikong rebolusyon sa Rusya.

Taktikal na linya ng Ikatlong Konggreso ng Partido

Bagamat burgis ang rebolusyon, bagamat di ito pwedeng lumampas sa hangganan ng sistemang kapitalista, ang proletaryado ang pangunahing interesado sa kumpletong tagumpay nito; sila ang tanging may kakayahang isulong ito sa kumpletong tagumpay. Samakatwid, ang proletaryado ang dapat mamuno sa demokratikong rebolusyon; tiyakin ng pamumunong ito ang direktang transisyon ng rebolusyong burgis patungong sosyalismo.

Bagamat burgis ang rebolusyon, bagamat hinahawan nito ang pag-unlad ng kapitalismo, walang interes ang burgesya na gawin itong kumpleto dahil sa kanilang pusisyon bilang uri sa lipunang kapitalista; dahil alam nilang ang ganap na kalayaang pampulitika ay makapagpapalakas sa proletaryado; dahil kailangan nila ang mga labi ng awtokrasya bilang latigo laban sa masang anakpawis. Samakatwid, ang taktika ng proletaryado ay huwag hayaang maagaw ng burgesya ang pamumuno sa rebolusyon; ilantad ang mga pagtatangka nitong makipagkasundo sa Tsarismo laban sa rebolusyon.

Bagamat kabilang sa uring magsasaka ang malawak na bilang ng mga elementong petiburgis, matatag nilang itataguyod ang demokratikong rebolusyon sapagkat tanging sa kumpletong tagumpay nito makakamit nila ang lahat sa larangan ng repormang agraryo; tanging sa isang sistemang demokratiko mabibigyan ng eksaktong ekspresyon ang kanilang interes bilang uri. Samakatwid, ang taktika ng proletaryado ay tratuhin ang mga magsasaka bilang natural at pinakamaaasahang alyado nito sa demokratikong rebolusyon.

Kung susumahin, ang taktikang Bolshevik ay: Magtatagumpay lamang ang rebolusyon kung nasa pamumuno ng proletaryado; kung ang proletaryado ay makikipag-alyado sa magsasaka; kung maibubukod ang liberal na burgesya; kung ang Partido ay mangunguna sa pag-oorganisa ng armadong pag-aalsa laban sa Tsarismo; kung bunga ng matagumpay na insureksyon ay maitatatag ang rebolusyonaryong gubyernong probisyunal na dudurog sa kontra-rebolusyon at magbubuo ng constituent assembly; kung ang Partido ay lalahok sa gubyernong ito (kung paborable ang mga sirkumstansya) para isulong ang rebolusyon sa kumpletong tagumpay.

Taktikal na linya ng Kumperensyang Menshevik

Sapagkat burgis ang rebolusyon, ipaubaya ng proletaryado ang pamumuno sa burgesya; sapagkat burgis ang rebolusyon, ang proletaryado ay makipag-alyado, di pa sa uring magsasaka, kundi sa liberal na burgesya; sapagkat burgis ang rebolusyon, iwasan ng proletaryado ang mga demokratikong islogang maaaring "magpaatras sa burgesya", pag-atras na makakabawas sa "saklaw at lakas" ng rebolusyon; sapagkat burgis ang rebolusyon, ang proletaryado sa anumang kalagayan, ay di dapat lumahok sa isang rebolusyonaryong gubyernong probisyunal dahil di sosyalista ang karakter nito – at higit sa lahat – dahil baka sa paglahok na ito'y matakot at umatras ang burgesya; sapagkat burgis ang rebolusyon, ang Partido ay dapat manatiling "partido ng sukdulang oposisyon" upang di "malusaw sa demokrasyang burgis" at makapanatiling tumutunton sa "dalisay na patakarang makauri".

B. SALIGANG NILALAMAN

Ang Dalawang Taktika ang isa sa pinakaimportanteng kontribusyon ni Lenin sa Marxistang Teorya. Ito'y di lamang tungkol sa kongkretong mga taktika ng proletaryado sa bisperas ng insureksyon at tagumpay ng demokratikong rebolusyon. Nilalaman ng mga taktikang ito ang pundamental na mga prinsipyong ambag ni Lenin sa Marxistang teorya ng rebolusyon. Ang istorikong konteksto ng Dalawang Taktika ay kaugnay ng pagsiklab ng rebolusyong 1905 at preparasyon para sa insureksyon. Ngunit ang unibersal na kabuluhan nito'y nasa buong istorikong konteksto ng proletaryong pakikibaka sa panahon ng transisyon mula sa rebolusyong burgis patungong sosyalistang rebolusyon.

Pinaunlad at pinagyaman ni Lenin ang orihinal na mga ideya nina Marx at Engels tungkol sa proletaryong rebolusyon sa pamamagitan ng bagong mga linya ng pagsusulong ng proletaryong pakikibaka. May tatlong pundamental na punto ang Dalawang Taktika na maituturing na mga saligang ambag ni Lenin sa Marxistang teorya ng proletaryadong rebolusyon.

1) Ang pangunahing prinsipyong tumatagos sa buong aklat ay ang Leninistang teoryang dapat pamunuan ng proletaryado ang burgis-demokrating rebolusyon, itatak ang marka ng proletaryadong makauring pamumuno sa rebolusyong burgis. Ito ang teorya ng bagong tipong burgis demokratikong rebolusyon.

Kinikilala ni Lenin ang burgis na kalikasan ng rebolusyon. Pero ayon sa kanya: "Di natin maaring lundagan ang burgis-demokratikong mga hangganan ng rebolusyong Ruso, ngunit maaring malawakang palaparin ang mga hangganang ito, at sa loob ng mga hangganang ito'y maaari at dapat tayong makibaka para sa kagyat na mga interes ng proletaryado at para sa mga kundisyong magpapahintulot na ihanda ang mga pwersa nito para sa kumpletong tagumpay sa hinaharap."

Ang susi sa "pagpapalapad ng mga hangganang" ito ay ang makauring pamumuno ng proletaryado sa rebolusyon. Hindi nito "nilulundagan ang mga hangganan" sapagkat ang makauring pamumunong ito'y di nangangahulugan ng kagyat na implimentasyon ng maksimum na programa (sosyalismo) kundi pagtitiyak ng minimum na programa (demokrasya) na siyang kagyat na interes ng proletaryado. Ang pagtatayo ng rebolusyonaryo-demokratikong diktadura ng proletaryado at magsasaka ang titiyak sa mga "Kundisyon" para sa kumpletong tagumpay sa hinaharap.

Ang minimum na programa ng proletaryado, na kumakatawan sa kumpleto, determinado at kunsistent na pagsulong ng demokratikong rebolusyon, ay wala sa interes, intensyon at kakayahang ipatupad ng burgesya. Inuugat ito ni Lenin sa mismong pusisyon ng burgesya bilang uri sa sistemang kapitalista. Dahil naman mismo sa pusisyon ng proletaryado sa lipunan ring ito, siya ang tanging may interes, intensyon at kakayahang pamunuan at isulong ang rebolusyong burgis sa kumpletong tagumpay.

Idiniin ni Lenin: "Itinuturo ng Marxismo sa proletaryado na huwag lumayo sa rebolusyong burgis, huwag ipagwalang bahala ito, huwag pabayaang mahawakan ng burgesya ang pamumuno sa rebolusyon, bagkus, lumahok nang buong sigasig dito, makibaka nang buong tatag para sa kunsistent na demokrasyang proletaryado, para sa pagsusulong ng rebolusyon hanggang sa wakas."

Upang ang posibilidad ng proletaryadong pamumuno ay maging realidad, dalawang kundisyon ang dapat matupad: Una, kailangang makabig ang uring magsasaka sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado, maging matatag na alyado nito at mailayo sa reaksyonaryong impluwensya ng burgesya. Ikalawa, kailangang ilantad, ibukod at gapiin ng proletaryado ang prinsipal na katunggali nito sa pamumuno-- ang burgesya. Hindi uubrang dalawa ang lider ng rebolusyon.

Ayon kay Lenin: "Magsisimulang taglayin ng rebolusyong Ruso ang tunay na lawak at lakas... tanging kapag umatras dito ang burgesya at kapag ang masa ng magsasaka ay lumitaw bilang aktibong mga rebolusyonaryong kaagapay ng proletaryado."

2) Ang ikalawang prinsipyo, na intergral na bahagi ng una, ay ang usapin ng rebolusyonaryong pag-agaw ng kapangyarihan sa isang demokratikong rebolusyon; ang pag-agaw ng mamamayan sa estado poder sa pamumuno ng proletaryado; ang pagtatayo ng isang rebolusyonaryong gubyerno na ang makauring esensya'y rebolusyonaryo-demokratikong diktadura ng proletaryado at uring magsasaka. Ito ang salalayan sa teorya ng popular na konseptong demokratikong gubyernong bayan o diktadurang bayan.

Ayon kay Lenin: "Ang tanging pwersang may kakayahang kamtin ang isang mapagpasyang tagumpay laban sa Tsarismo ay ang mamamayan, ibig sabihi'y ang proletaryado at ang magsasaka, kung kukunin natin ang pangunahin, malalaking pwersa at ikakabit sa dalawa ang petiburgesya ng kanayunan at kalunsuran (kabilang rin sa mamamayan). Ang mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon laban sa Tsarismo ay ang rebolusyonaryo-demokratikong diktadura ng proletaryado at magsasaka."

Nilinaw ni Lenin na ang diktadurang ito'y demokratiko hindi sosyalista. Hindi nito maapektuhan nang walang mga serye ng intermedyang yugto ng rebolusyonaryong pag-unlad ang mga pundasyon ng kapitalismo. Ito'y nasa balangkas pa rin ng sistemang burgis.

Gayunpaman, kahit ang gubyernong ito'y di sosyalista at nasa balangkas pa rin ng sistemang burgis, wasto lamang sa prinsipyo, ayon kay Lenin, na lumahok ang proletaryado sa gubyernong ito. Katunayan, hindi lang lumahok kundi agawin ang kapangyarihan sa gubyernong ito bilang diktadura ng proletaryado at magsasaka.

Matinding binatikos ni Lenin ang mga Menshevik sa pagtangging humawak ng kapangyarihan sa isang demokratikong rebolusyon sa baluktot na katwirang "baka matali ang kamay ng proletaryado sa paglaban sa inkonsistent na burgesya"; baka umatras ang burgesya sa rebolusyon at mabawasan ang saklaw at lakas nito sa sandaling lumahok ang proletaryado sa ganitong gubyerno. Para sa mga Menshevik, sapagkat burgis ang rebolusyon at ang gubyernong probisyunal ay di naman sosyalista, wasto lang sa prinsipyo at angkop sa praktika na huwag lumahok sa gubyernong ito, huwag humawak ng kapangyarihan, ipaubaya na lang ito sa burgesya, manatili na lang na "partido ng sukdulang oposisyon" at manunton sa dalisay na patakarang makauri – upang sa gayo'y ang Sosyal Demokrasya ay "di malusaw sa demokrasyang burgis" at "huwag umatras ang burgesya sa rebolusyon."

Para kay Lenin, walang mapagpipilian ang proletaryado kundi pamunuan at isulong ang rebolusyon sa mapagpasyang tagumpay. Ito'y sapagkat dadalawa ang posibleng hantungan ng rebolusyon: Magwakas ito sa isang "mapagpasyang tagumpay" alinsunod sa sukatan ng Bolshevik o kapusin ito at magwakas sa isang kasunduan sa pagitan ng Tsar at burgesya.

Ayon kay Lenin: "Kung magtatagumpay ang burgesya na biguin ang rebolusyong Ruso sa pakikipagkasundo sa Tsarsismo, totoong matatali ang kamay ng Sosyal Demokrasya sa pakikibaka sa burgesya: maglalaho ang Sosyal Demokrasya sa demokrasyang burgis sa puntong ang proletaryado ay mabibigong itatak ang malinaw na marka nito sa rebolusyon, mabibigong makipagsingilan sa Tsarismo sa proletaryong paraan o gaya ng minsa'y sinabi ni Marx, sa paraan ng masa."

Tanging sa kalagayang kumpleto ang tagumpay ng demokratikong rebolusyon, tanging sa kalagayang naitatag ang diktadura ng proletaryado't magsasaka malaya ang kamay ng proletaryado sa pakikibaka sa di konsistent na burgesya. Tanging sa gayung kalagayan di sila malulusaw sa demokrasyang burgis, tanging sa gayung kalagayan maitatatak ang proletaryo o proletaryong- magsasakang marka sa buong rebolusyon.

3) Ang ikatlong prinsipyo, na karugtong na naunang dalawa, ay ang pagtitiyak na ang tagumpay ng demokratikong rebolusyon ay kagyat na maghahawan ng landas para sa sosyalismo; ang mulat na pagdidirihe sa demokratikong rebolusyon patungong sosyalistang rebolusyon. Ito ang karugtong na lohika ng makauring pamumuno ng proletaryado at rebolusyong burgis, ng pagtatag ng diktadura ng proletaryado at magsasaka. Ito'y di lamang nagsisilbi sa pagtitiyak ng kumpletong tagumpay ng demokratikong rebolusyon; tinitiyak rin nito ang transisyon ng rebolusyong burgis patungong sosyalismo. Ito ang Leninistang teorya ng direktang transisyon ng rebolusyong burgis patungong sosyalistang rebolusyon, ang teorya ng tuluy-tuloy na rebolusyon.

Ang teoryang ito ni Lenin ay nakabatay sa matalas, malalim at kumpletong pag-intindi sa esensyal na kahulugan ng pagiging burgis ng rebolusyon sa punto de bista ng proletaryado. Ito'y nginunguya-nguya lang ng mga Menshevik ngunit di nila makatas ang tamang kahulugan at magawang proletaryong mga taktika.

Dahil ang demokratikong rebolusyon ay tutungo sa desperadong mga pagtatangka ng burgesya na agawin sa proletaryado ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong panahon, "ang proletaryado na nakibaka sa harapan ng lahat at sa unahan ng lahat," ayon kay Lenin, "ay di dapat kalimutan kahit isang sandali ang tungkol sa bagong mga antagonismo na likas sa demokrasyang burgis at tungkol sa bagong pakikibaka."

At upang matiyak na di mababawi ng burgesya ang mga tagumpay ng proletaryado sa demokratikong rebolusyon; upang mas makinabang ang proletaryado kaysa burgesya sa rebolusyong ito, upang maihanda ang mga pwersa nito para sa panibagong tunggalian ng uri; at upang paralisahin ang instabilidad ng burgesya – kailangang pamunuan ng proletaryado ang rebolusyong burgis, isulong ito sa mapagpasyang tagumpay at itatag ang diktadura ng proletaryado't magsasaka. Nilalaman ng mga taktika o tungkuling ito ang lohika ng direktang transisyon ng rebolusyong burgis patungong sosyalistang rebolusyon. Sa ganitong lohika, hindi na magkakaroon ng mahabang istorikal na interbal sa pagitan ng dalawang rebolusyong ito, bagkus, magaganap ang direktang transisyon mula sa una patungo sa ikalawa.

Ayon kay Lenin: "Dapat tapusin ng proletaryado ang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pakikipag-alyado sa masa ng uring magsasaka upang pwersahang durugin ang paglaban ng awtokrasya at upang paralisahin ang instabilidad ng burgesya. Dapat kamtin ng proletaryado ang sosyalistang rebolusyon sa pamamagitan ng pakikipag-alyado sa masa ng malaproletaryong elemento ng populasyon upang pwersang durugin ang paglaban ng burgesya at upang paralisahin ang instabilidad ng uring magsasaka at ng petiburgesya."

Ang alyansa ng proletaryado't magsasaka ang titiyak sa makauring hegemonya ng proletaryado laban sa burgesya sa demokratikong rebolusyon at titiyak na ito'y magiging tunay na rebolusyong bayan. Ang alyansa ng proletaryado't malaproletaryado sa sosyalistang rebolusyon ang titiyak sa batayan ng pagsulong nito bilang rebolusyon ng mayorya ng populasyon, isang tunay na rebolusyong anakpawis.

C. SINOPSIS NG MGA SEKSYON

PAUNANG SALITA

Ang layunin ng pamplet ay pag-aralan ang mga taktikal na resolusyon ng Konggreso at Kumperensya para ipaliwanag kung anong mga paglihis mayroon ang mga ito sa mga prinsipyo ng Marxismo at magkaroon ng malinaw na pag-intindi sa kongkretong mga tungkulin ng proletaryado sa demokratikong rebolusyon.

Ang sentro ng pagtatalo sa pagitan ng mga Bolshevik at Menshevik ay ang usapin ng makauring pamumuno sa demokratikong rebolusyon. Para kay Lenin, "ang resulta ng rebolusyon ay depende kung ang uring manggagawa ay gaganap ng papel ng subsidyaryo sa burgesya, isang subsidyaryong makapangyarihan ang pwersa ng pag-atake sa awtokrasya pero inutil sa pulitika, o kung gaganap itong lider ng rebolusyon ng mamamayan."

Kaugnay na pamumuno, itinatanong ni Lenin: "Magagawa ba nating magturo ng anuman sa rebolusyon? Magagawa ba nating magamit ang katumpakan ng ating doktrinang Sosyal Demokratiko, ang ating ugnay sa tanging lubusang rebolusyonaryong uri, ang proletaryado, para itatak ang proletaryadong marka sa rebolusyon, para isulong ang rebolusyon sa isang tunay at mapagpasyang tagumpay, hindi sa salita kundi sa gawa, at para maparalisa ang kawalang tatag, kawalang sigla at katrayduran ng demokratikong burgesya?"

Isinulat ang pamplet sa panahong sumisiklab na ang rebolusyong 1905 sa Rusya. Ayon kay Lenin: "Sa rebolusyonaryong panahon, wala nang mas mapanganib pa kaysa pagmamaliit sa importansya ng mga islogang taktikal na tumpak sa prinsipyo... Lubhangmahalaga ang pagsasagawa ng tamang mga desisyong pantaktika para sa isang partido na naghahangad, sa diwa ng tumpak na mga prinsipyo ng Marxismo, na pamunuan ng proletaryado, at di magpakaladkad lang sa buntot ng mga pangyayari."

1. ISANG MAHIGPIT NA USAPING PAMPULITIKA

Nagbabanggaan noon ang mga pwersang panlipunan sa Rusya sa isyu ng pagbubuo ng isang popular constituent assembly.

Ang interes ng Tsaristang gubyerno ay imantina ang awtokrasya kaya't ito'y para lang sa isang inutil na asembliyang tagapayo na ni hindi representatibo ang komposisyon. Ang interes ng proletaryado ay ganap na paglilipat ng kapangyarihan sa constituent assembly kaya't ito'y para sa pagpapabagsak ng Tsarismo at pagtatayo ng rebolusyonaryong gubyernong probisyunal. Ang interes ng liberal na burgesya ay maksimum na kapangyarihan para sa sarili't minimum sa mamamayan kaya't ang linya nito'y pagkasunduin ang Tsarismo't mamamayan sa isang monarkiyang konstitusyunal.

Nang sumiklab ang rebolusyong 1905, naging mahigpit na usapin kung paano itatatag ang constituent assembly, sino ang magtatayo at magbibigay ng awtoridad sa asembliyang ito. Lumitaw ang bagong usapin sa gitna ng ganitong sitwasyon. Ito'y ang usapin ng rebolusyonaryong gubyernong probisyunal.

Para sa malinaw, makaprinsipyo at matatag na mga taktika ng partidong proletaryo, kailangang linawin, ayon kay Lenin, ang sumusunod na punto: 1) kabuluhan ng rebolusyonaryong gubyernong probisyunal sa demokratikong rebolusyon at sa kabuuang pakikibaka ng proletaryado; 2) aktitud ng proletaryado sa gubyernong ito; 3) ang eksaktong mga kundisyon ng Sosyal Demokratikong partisipasyon sa gubyernong ito; at 4) ang mga kailangang kundisyon para ipresyur mula sa ibaba ang gubyernong ito.

2. ANO ANG ITINUTURO SA ATIN NG RESOLUSYON NG IKATLONG KONGGRESO NG R.S.D.L.P. TUNGKOL SA REBOLUSYONARYONG GUBYERNONG PROBISYUNAL ?

Batay sa titulo, ang resolusyon ng Konggreso ay "pumapaksa lang sa rebolusyonaryong gubyernong probisyunal at wala nang iba pa; dahil dito, ganap nitong iniiwan, halimbawa, ang usapin ng `pag-agaw ng kapangyarihan' sa pangkalahatan."

Ang kabuluhan ng rebolusyonaryong gubyernong probisyunal ay kaugnay ng pangangailangan ng proletaryado ng ganap na kalayaang pulitikal para sa kagyat at ultimong interes nito. Ang ganap na kalayaang pulitikal ay mangangahulugan ng pagbabagsak sa Tsarismo at pagtatayo ng demokratikong republika.

Para itatag ang isang republika, kailangan ang isang asembliyang tunay na representatibo at may kapangyarihan. Para di mauwi sa isang hungkag na islogan, kailangan ng isang rebolusyonaryong gubyernong probisyunal na maglalatag ng materyal na mga kundisyon para ang asembliyang ito ay maging tunay na popular at constituent.

Ayon kay Lenin: "Kailangang may magpatawag ng constituent assembly; kailangang may maggarantiya na malaya't parehas ang mga eleksyon; kailangang may maggawad sa asembliyang ito ng ganap na kapangyarihan at awtoridad. Isang reboluyonaryong gubyerno lamang, na organo ng insureksyon, ang pwedeng maghangad nito nang buong katapatan at may kapasidad na gawin ang lahat ng kailangan para ito'y matamo. Di maiiwasang salungatin ito ng Tsaristang gubyerno. Ang isang liberal na gubyerno, na makikipagkasundo sa Tsar at di lubusang umaasa sa popular na pag-aalsa, ay di matapat na hahangarin ito, at kahit may matapat na hangarin ay di ito magagawa".

Di kumpleto at huwad ang magiging ibalwasyon ng kabuluhan ng gubyernong probisyunal kung di titingnan ang makauring kalikasan ng demokratikong rebolusyon. Sa isang banda, "palalakasin ng rebolusyon ang paghahari ng burgesya" at ito'y di maiiwasan sa ilalim ng kapitalistang sistema. Pero agad ring inilinaw ni Lenin ang kumpletong katuturan nito sa proletaryong pakikibaka. Dahil ang demokratikong rebolusyon ay tutungo sa desperadong mga pagtatangka ng burgesya na agawin sa proletaryado ang tagumpay ng rebolusyonaryong panahon, "ang proletaryado na nakibaka sa harapan ng lahat at sa unahan ng lahat, ay di dapat kalimutan kahit isang sandali ang tungkol sa bagong mga antagonismo na likas sa demokrasyang burgis at tungkol sa bagong pakikibaka." Hinahawan ng demokratikong rebolusyon ang bagong tunggalian ng uri.

Tungkol sa pangkalahatang aktitud ng proletaryado sa rebolusyonaryong gubyerno: Una, tanawin ng uring manggagawa ang pagbubuo ng gubyernong ito bilang istorikal na pangangailangan sa ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyon at transisyon patungong sosyalismo. Ikalawa, balangkasin para sa gubyernong ito ang isang programa ng pagkilos na umaayon sa mga obhetibong kundisyon ng istorikong panahon at may mga layunin ng proletaryong demokrasya. Ito ang kabuuang minimum na programa ng proletaryong rebolusyon sa demokratikong yugto nito.

Nilagom ni Lenin ang kalikasan at mga layunin ng gubyernong ito: "Sa pinagmulan at pundamental na kalikasan, ang gayong gubyerno ay dapat maging organo ng popular na insureksyon. Ang dapat na pormal na layunin ay magsilbing instrumento sa pagbubuo ng isang popular na constituent assembly. Ang dapat na nilalaman ng mga aktitud nito'y ipatupad ang minimum na programa ng proletaryong demokrasya, ang tanging programang may kakayahang mangalaga sa mga interes ng mamamayang nag-alsa laban sa awtokrasya.

Sa pagbatikos ni Lenin sa ideya ng kagyat na implementasyon ng maksimum na programa (sosyalismo), kanyang idiniin ang tamang istorikal na daan sa sosyalistang rebolusyon: "Sa pagsagot sa mga pagtutol ng mga anarkista na ipinagpapaliban natin ang sosyalistang rebolusyon, sinasabi natin: di natin ito ipinagpapaliban kundi ginagawa nga natin ang unang hakbang tungo rito sa tanging paraang posible, sa tanging wastong daan, ang daan ng demokratikong republika. Sinumang naghahangad marating ang Sosyalismo sa pamamagitan ng ibang daan bukod sa demokrasyang pampulitika ay tiyak na aabot sa mga kongklusyon na hungkag at reaksyunaryo sa kahulugan sa ekonomiya't pulitika.

Sa paglilinaw ni Lenin na katanggap-tanggap sa prinsipyo na lumahok ang mga Sosyal Demokrata sa rebolusyonaryong gubyernong probisyunal, inihiwalay ng mga Bolshevik ang sarili kapwa sa mga anarkista na tutol sa paglahok na ito sa batayan ng prinsipyo at sa mga Menshevik na tinatakot ang proletaryado sa "prospek ng sitwasyong maaaring umobliga" sa kanila na lumahok sa ganitong gubyerno.

Pero di nilulutas ng katumpakan sa prinsipyo ang usapin ng praktikal na kaangkupan. Bagamat walang ipinirming mga kongkretong kalagayan ang resolusyon ng Konggreso para sa paglahok sa gubyernong ito, tiniyak nito ang kalikasan at layunin ng anumang paglahok. Una, ang walang tigil na pakikibaka sa mga kontra-rebolusyonaryong pagtatangka. Ikalawa, ang pagtatanggol sa nagsasariling interes ng uring manggagawa. Sa paglahok na ito, idiniin ni Lenin na di dapat mawaglit sa pananaw, kahit isang sandali, ang layunin ng pagsusulong ng isang ganap na sosyalistang rebolusyon at ang istorikong kontrol sa mga kinatawan ng Partido sa gubyerno.

Ang pagbubuo ng rebolusyonaryong gubyernong probisyunal at paglahok dito ng proletaryado ang tinutukoy ni Lenin na "pagkilos sa itaas". Ito'y dapat isanib sa "pagkilos sa ibaba". At ayon kay Lenin, "para magamit ang presyur na ito mula sa ibaba, dapat maging armado ang proletaryado...at dapat pamunuan ng Partido Sosyal Demokratiko. Ang layon ng armadong presyur nito'y `ipagtanggol, ikonsolida at palawakin ang mga tagumpay ng rebolusyon', ang mga tagumpay na mula sa batayan ng interes ng proletaryado ay dapat binubuo ng implementasyon ng ating minimum na programa."

3. ANO ANG "MAPAGPASYANG TAGUMPAY NG REBOLUSYON LABAN SA TSARISMO"?

Sa pamagat pa lamang ng resolusyon ng Kumperensya ("Ang pag-agaw ng kapangyarihan at partisipasyon sa gubyernong probisyunal") ay mahahalata na ang kalituhan ng mga Menshevik. Di nila alam kung ano ang pag-uusapan: ang demokratiko o sosyalistang rebolusyon.

Ayon kay Lenin: "Sa isang banda, iniharap ang usapin sa paraang makitid; tinalakay lang nito ang paglahok sa gubyernong probisyunal at di ang mga tungkulin ng Partido kaugnay ng rebolusyonaryong gubyernong probisyunal sa pangkalahatan. Sa kabilang banda, ipinagkakamali ang dalawang ganap na magkaibang usapin, ang usapin ng paglahok sa isa sa mga yugto ng demokratikong rebolusyon sa usapin ng sosyalistang rebolusyon.

Sa direktang kahulugan o karaniwang gamit nina Lenin, ang pag-agaw ng kapangyarihan ng Sosyal Demokrasya ay pumapatungkol sa isang sosyalistang rebolusyon. Kung magpapalusot ang mga Menshevik na ang ibig nilang tukuyin ay ang pag-agaw ng kapangyarihan sa isang demokratikong rebolusyon, ang tanong ay bakit pinakikitid nila ito sa usapin lang ng partisipasyon sa gubyernong probisyunal.

Ayon pa sa resolusyon ng mga Menshevik, maaaring maging tanda ng mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon ang alin sa dalawang bagay: ang matagumpay na insureksyon o ang desisyong magtatag ng isang constituent assembly. "Hindi nabanggit ng Kumperensya" ani Lenin, "na ang matagumpay na popular na insureksyon at pagtatayo ng gubyernong probisyunal ay mangangahulugan ng tutoong tagumpay ng rebolusyon, samantalang ang `desisyon' na magtatag ng isang constituent assembly ay mangangahulugan ng tagumpay ng rebolusyon sa salita lamang."

Ang mga Menshevik ay nahuhulog sa parehas na kamalian ng liberal na burgesya. Una, sila'y nagsasasatsat tungkol sa constituent assembly pero mahiyaing ipinipikit ang mga mata sa katotohanang ang poder at awtoridad ay nananatili sa kamay ng Tsar." Ikalawa: "malayung-malayo pa ang pagpapatibay ng isang `desisyon'...sa pagpapatupad ng desisyong ito." Ikatlo, "hangga’t ang poder ay nananatili sa kamay ng Tsar, lahat ng mga desisyong pinagtibay ng kahit sinong representante ay mananatiling hungkag at miserableng satsat."

Inugat ni Lenin ang ganitong pagkakamali ng mga Menshevik sa patuloy na pag-iral ng iba't ibang tunguhin sa loob ng Partido na hawig sa Ekonomismo. Ang "taktika-bilang-proseso" ng mga Menshevik ay sumusunod lang sa "teorya ng mga yugto" na pinauso ng mga Ekonomista. "At ngayon," ani Lenin, "tayo'y magalang na iniimbita na hatiin rin antimano ang rebolusyon sa sumusunod na mga yugto: 1) tinipon ng Tsar ang isang representatibong kapulungan; 2) `dinisisyunan' ng representatibong kapulungang ito, sa presyur ng mamamayan, na magtatag ng constituent assembly; 3) "...di pa nagkakasundo ang mga Menshevik tungkol sa ikatlong yugto."

Para kay Lenin, anuman ang gustong ipakahulugan ng mga Menshevik sa kanilang resolusyon, ipagpalagay na ang kanilang isinulat ay mispormulasyon, ang punto'y "di mapapahintulutan para sa isang Sosyal Demokrata na lumikha ng kalituhan sa isip ng mga manggagawa tungkol sa tunay na rebolusyonaryong landas, di mapahihintulutan na ilarawan, sa paraang Osvobosdeniye, bilang mapagpasyang tagumpay yaong di nagtataglay ng pangunahing rekisito ng tagumpay.

Ang malimutan ng mga Menshevik na mabanggit ng kahit isang salita ang tungkol sa republika ay tanda ng "antas ng paglikas ng rebolusyonaryong diwa sa kanila, antas ng pagkabulag nila sa militanteng mga tungkulin ng panahon bunga ng walang latoy na pagmamarunong." Ayon kay Lenin: "Ang mag- usap ng `tagumpay' ng insureksyon ng bayan, ang pagtatatag ng isang gubyernong probisyunal nang di tinutukoy ang kaugnayan ng mga `hakbang' at kilos na ito sa pagkakamit ng republika--ay nangangahulugan ng pagsusulat ng isang resolusyon di para gabayan ang pakikibakang proletaryo kundi para sa layuning paika-ikang bumuntot sa kilusang proletaryo."

4. ANG ABOLISYON NG SISTEMANG MONARKISTA AT ANG REPUBLIKA

Di simpleng nakalimutan ng mga Menshevik ang pagkawala ng islogan para sa isang republika sa kanilang resolusyon. Ito ang mismong tatak ng kanilang pagkilos. Hilig nila ang gumawa ng pangkalahatang diskripsyon ng isang proseso nang walang sinasabing kongkretong layunin ng aktibidad ng proletaryado sa prosesong ito.

Malinaw ito sa pagkukumpara ni Lenin sa mga resolusyon ng Kumperensya at Konggreso. Sa resolusyon ng Konggreso, inilinaw na ang Partido ng proletaryado ang dapat magsagawa ng abolisyon ng sistemang monarkista; ang patunay ng abolisyon ng lumang sistema ay ang pagtatatag ng demokratikong republika. Ang resolusyon naman ng Kumperensya ay nagdiskurso lang tungkol sa abolisyon ng lumang sistema sa "proseso ng paglalabanan ng iba't ibang uri sa lipunan."

Ayon kay Lenin: "Ang isang resolusyon ay nagpapahayag ng sikolohiya ng aktibong paglaban, ang isa'y nagpapahayag ng sikolohiya ng pasibong tagamasid; umaalingawngaw sa isa ang panawagan para sa masiglang aksyon, ang isa'y nakalublob sa walang latoy na pagmamarunong."

Nagkaisa ang dalawang resolusyon sa burgis na katangian ng rebolusyon. Ngunit sila'y pundamental na nagkakaiba kung paano kikilos ang proletaryado sa rebolusyong ito.

Ayon kay Lenin: "Ginagamit ng resolusyon ng Konggreso ang luma't walang kupas na mga ideya ng Marxismo (tungkol sa burgis na katangian ng demokratikong rebolusyon) bilang pambungad o unang salalayan na paghahalawan ng mga kongklusyon tungkol sa mga progresibong tungkulin ng abanteng uri....Ang resolusyon ng Kumperensya ay di nakakaraos sa pambungad, paulit-ulit na nginunguya ito at nagtatangkang maging magaling sa bagay na ito."

Mababakas sa pagkakaibang ito ang matagal nang istorikal na pagkakahati ng mga Marxistang Ruso: ang "nangangaral" at militanteng mga panig sa panahon ng ligal na Marxismo at ang "ekonomista" at pulitikal na mga panig sa panahon ng sumisibol na kilusang masa. Sa pagtatalo ng Konggreso at Kumperensya, muling lumitaw ang parehas na kontrobersya, sa iba nga lang na sirkumstansya at ibang porma.

Nagkakasundo ang magkabilang panig na ang demokratikong rebolusyon ay malayo pa sa pagiging sosyalista, na di lamang ang mga walang ari-arian ang "interesado rito, na ang rebolusyong ito'y malalim na nakaugat sa mga pangangailangan ng lipunang burgis.

Pero mula sa iisang batayang ito, magkaiba ang kanilang mga kongklusyon.

Mula sa mga batayang ito, ayon kay Lenin: "Ang abanteng uri ay dapat lalo pang maging mapangahas sa pagbabalangkas ng kanyang mga demokratikong layunin, ipahayag ito ng mas matalas at kumpleto, ihapag ang direktang islogan para sa isang republika, palaganapin ang ideya na kailangan ang isang rebolusyonaryong gubyernong probisyunal, at kailangang walang awang durugin ang kontra-rebolusyon."

Baligtad naman ang mga Menshevik. Ayon kay Lenin, para sa mga Menshevik, "dapat di lubusang ipahayag ang mga demokratikong kongklusyon, maaaring alisin sa mga praktikal na islogan ang islogan para sa isang republika, pwedeng iwasan ang pagpapalaganap ng ideya na kailangan ang isang rebolusyonaryong gubyernong probisyunal, pwedeng tawaging mapagpasyang tagumpay ang isang simpleng desisyong magbuo ng constituent assembly, di natin kailangang isulong ang tungkuling labanan ang kontra-rebolusyon bilang layunin kundi pwedeng ilubog ito sa isang malabong...pagtukoy sa isang proseso ng paglalabanan."

Sa madaling salita, para kay Lenin, dahil mismo sa burgis ang rebolusyon, mas dapat igiit ng proletaryado ang sariling demokratikong programa't mga islogan, mas dapat itatak ng proletaryado ang proletaryadong marka sa rebolusyon, [di dapat] magpaubaya na lang ang proletaryado sa burgesya kesyo hindi kanya ang rebolusyong ito kundi sa burgesya.

Ayon kay Lenin, ang mga Menshevik ay "magagaling magmartsa pero masasamang lider, kanilang minamaliit ang materyalistang konsepto ng kasaysayan sa kanilang pagbabalewala sa aktibo, pangunahin ay pamatnubay na papel sa kasaysayan na maari at dapat gampanan ng mga partido na nakaiintindi sa materyal na mga rekisito ng isang rebolusyon at nangunguna sa mga progresibong uri."

5. PAANO DAPAT "ISULONG ANG REBOLUSYON"?

Pinagtibay ng Kumperensya ng mga Menshevik ang isang resolusyong naglalaman ng magagandang salita tungkol sa pangangailangang isulong ang demokratikong rebolusyon, pero sa katotohanan ay hinahatak nila ito paatras.

Ayon kay Lenin, ang rebolusyon ay di maisusulong ng sinumang di nakakaintindi sa panganib ng burgis na teorya ng kompromiso sa pagitan ng Tsar at mamamayan; ng sinumang inaakalang mapagpasyang tagumpay ang isang simpleng "desisyong" pagpatawag ng constituent assembly; ng sinumang di nakakakita sa pangangailangang ipalaganap ang mga islogan para sa isang rebolusyonaryong gubyernong probisyunal at para sa isang republika.

Ang rebolusyon ay hinahatak paatras ng mga taong maganda man ang intensyon ay nagdadala naman sa praktika ng mga islogang walang ipinag-iba o di lumalampas sa mga islogan ng burgesya. Ito'y sapagkat ang layon ng burgesya sa kanilang mga islogan ay di isusulong ang rebolusyon kundi ikompromiso ito.

Para kay Lenin, upang maisulong ang rebolusyon nang lampas sa nais ng burgesya, kailangang aktibong isulong, idiin at igiit sa pinakaunahan ang mga islogang gaya ng rebolusyonaryong gubyernong probisyunal at republika na paparalisa sa pagiging inkonsistent ng mga demokratang burgis. Sa panig ng mga Menshevik, ganap nilang kinalimutan ang islogan para sa republika habang ang islogan naman para sa rebolusyonaryong gubyernong probisyunal ay ipinantay lang sa islogang constituent assembly ng mga liberal na burgis. Ito'y sapagkat tinatawag nila ang alinman sa dalawa na "mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon."

Sa paratang ng mga Menshevik na binabalewala ng mga Bolshevik ang "peligro na ang proletaryado ay maagnas sa tabi ng demokratikong burgesya," ganito ang sagot ni Lenin: "Ang isang Partidong Sosyal Demokratiko, na gumagalaw sa isang lipunang burgis, ay di makakalahok sa pulitika nang di nagmamartsa, sa anumang pagkakataon, ng kabalikat ang demokratikong burgesya. Ang pagkakaiba sa pagitan natin sa puntong ito ay kami'y nagmamartsang kabalikat ang rebolusyonaryo at republikanong burgesya, nang di sumasanib dito, habang kayo'y nagmamartsang kabalikat ang liberal at monarkistang burgesya, nang di rin sumasanib dito."

Ayon kay Lenin: "Sa kanilang resolusyon, di sinasadyang bumaba ang Kumperensya sa antas ng liberal at monarkistang burgesya. Ang Konggreso ng Partido, sa resolusyon nito, ay mulat na itinataas sa sarili nitong antas yaong mga elemento ng rebolusyonaryong demokrasya na may kakayahang maglunsad ng pakikibaka at hindi umakto bilang mga broker."

Ang malawakang tagapagtaguyod ng rebolusyonaryo at republikanong demokrasya ay ang masa ng magsasaka. Kaugnay nito, binalangkas ni Lenin sa ibang paraan ang naunang kongklusyon: "Sa isang rebolusyonaryong panahon, ang Kumperensya, sa mga pambansang islogang pampulitika nito ay di sinasadyang bumababa sa antas ng karamihan ng mga panginoong maylupa. Itinataas ng Konggreso ng Partido, sa mga pambansang islogang pampulitika nito, ang masa ng magsasaka sa rebolusyonaryong antas.

Ayon kay Lenin, kapag ang rebolusyon ay tumigil sa isang "mapagpasyang tagumpay" sa pakahulugan ng mga liberal na burgis, sa porma ng isang representatibong asembliyang pinulong ng Tsar, ito ay isang rebolusyong ang makalalamang ay ang elementong panginoong maylupa at malaking burgis. Sa kabilang banda, "kung tayo'y papalaring dumaan sa isang tunay na dakilang rebolusyon, kung pipigilan ng kasaysayan ang isang "pagkaagas" sa pagkakataong ito, kung tayo'y may sapat na lakas para isulong ang rebolusyon sa matagumpay ng kongklusyon, sa isang mapagpasyang tagumpay, hindi sa pakahulugan ng Osvobosdeniye o ng bagong Iskra, kung gayon, ito'y isang rebolusyong ang makalalamang ay ang elementong magsasaka at proletaryado."

6. SA ANONG DIREKSYON NAGMUMULA ANG PELIGRONG MATALI ANG KAMAY NG PROLETARYADO SA PAKIKIBAKA SA INKONSISTENT NA BURGESYA?

Idiniin ni Lenin ang importansya ng tamang pag-intindi sa burgis na kalikasan ng rebolusyon di lamang para sa kalinawang teoretikal kundi sa katuturan nito sa praktikal na pulitika. Sa pag-intinding ito'y makikita na obligadong imantina ng proletaryong partido ang "ganap na makauring kasarinlan" sa pagsanib nito sa kilusang demokratiko.

Burgis ang karakter ng demokratikong rebolusyon dahil sa sosyal at ekonomikong nilalaman nito, "isang rebolusyong di lumalampas sa mga hangganan ng burgis, kapitalistang sosyal at ekonomikong sistema." Ang mga repormang demokratiko sa sistemang pulitikal na itinataguyod ng burgis na rebolusyon, at ang sosyal at ekonomikong reporma nito, sa kanilang sarili, ay di nangangahulugan ng pagsira sa kapitalismo.

Kapwa nasa interes ng burgesya at proletaryado ang demokratikong rebolusyon. Kailangan ito ng burgesya dahil hinahawan nito ang pag-unlad ng kapitalismo at ang posibilidad ng kanilang paghahari bilang isang uri. Kailangan ito ng proletaryado dahil ang daan patungong sosyalismo ay hinahawan ng kapitalismo at di ito mararating nang walang demokrasya.

Ang pundamental na usapin ay kung sino ang mas makikinabang sa rebolusyong burgis--ang burgesya ba o ang proletaryado. Para kay Lenin, ito'y kumporme sa antas at paraan ng pagsulong ng demokratikong rebolusyon.

"Ito'y sa bentahe ng burgesya," ani Lenin, "kung di gaanong papawiin ng burgis na rebolusyon ang lahat ng labi ng nakaraan, bagkus, iiwan ang ilan sa mga ito, ibig sabihi'y kung ang rebolusyong ito'y di ganap na kunsistent, kung hindi ito kumpleto, at kung hindi ito determinado't walang humpay".

Mas kapaki-pakinabang naman ito sa proletaryado kung: Una, "kapag mas kumpleto at determinado, mas kunsistent ang rebolusyong burgis, mas matitiyak ang proletaryong pakikibaka sa burgesya para sa sosyalismo." Ikalawa, "kapag ang mga kailangang pagbabago sa direksyon ng demokrasyang burgis ay mangyayari sa pamamagitan ng rebolusyon at di sa pamamagitan ng reporma; dahil ang paraan ng reporma ay paraan ng pag-aantala, ng pagpapaliban-liban, ng masakit at mabagal na pagkaagnas ng mga bulok na parte ng pambansang organismo."

Batay sa kumprehensibong pag-aaral ng mga batas ng pag-unlad ng demokratikong rebolusyon, inihapag ni Lenin ang teorya ng bagong tipo ng rebolusyong burgis. Isang rebolusyong ang lider ay hindi ang burgesya kundi ang proletaryado. Tanging sa ilalim ng proletaryong pamumuno magagawang mas kumpleto, determinado at kunsistent ang pagsulong ng rebolusyong burgis; magagawang mas kapaki-pakinabang sa kagyat at ultimong interes ng proletaryado; at magagawang isalin ito sa isang tunay na rebolusyong bayan, isang rebolusyon ng magsasaka't proletaryado.

Para kay Lenin, walang interes, intensyon at kakayahan ang burgesya na gawing kumpleto, determinado at kunsistent ang demokratikong rebolusyon dahil mismo sa pusisyon nito bilang uri sa lipunang kapitalista. Taksil ang burgesya sa sariling rebolusyon dahil takot itong palakasin ng demokratikong proseso ang kanyang kaaway na uri – ang proletaryado. Sa panig ng proletaryado, walang mawawala kundi ang kanilang kadena, pero sa tulong ng demokrasya, ang buong mundo ay kanilang maipagwawagi.

Idiniin ni Lenin na di dapat payagan ng proletaryado na maagaw ng burgesya ang pamumuno sa rebolusyong burgis at buong tatag na makibaka para sa kunsistent na demokrasyang proletaryo, para sa pagsusulong ng rebolusyon hanggang tagumpay.

Ayon kay Lenin: "Mahusay ngang Marxista ang sinuman, na sa panahon ng demokratikong rebolusyon, ay di nakakakilala ng pagkakaiba sa pagitan ng mga antas ng demokrasya, ng pagkakaiba ng iba't ibang porma nito at magkasya na lamang sa matatalinong pahayag, na [gaya ng] kung tutuusin, rebolusyong burgis naman ito, mga bunga ng rebolusyong burgis." Kinutya ni Lenin ang mga Menshevik na nagkakasya na lang sa pagdidiskurso tungkol sa burgis na karakter ng rebolusyon kung kailan at saan kailangang gumuhit ng pag-iiba sa pagitan ng republikano-rebolusyonaryo at monarkistang liberal na demokrasyang burgis, bukod pa sa pag-iiba sa pagitan ng inkunsistent na demokratismong burgis at kunsistent na demokratismong proletaryo."

Mapagpasya ang pag-iibang ito dahil ito ang maglilinaw kung anong tipo ng demokratikong rebolusyon ang isusulong ng proletaryado, kung ano ang magiging resulta ng demokratikong rebolusyon, at kung saang direksyon nag-aamba ang peligrong matali ang kamay ng proletaryado sa inkunsistent na burgesya.

Ayon kay Lenin, may dalawang posibleng maging resulta ng rebolusyon: isang mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon laban sa Tsarismo o kapusin ito at magwakas sa isang kasunduan sa pagitan ng Tsar at liberal na burgesya.

Ang mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon sa Tsarismo ay ang rebolusyonaryo-demokratikong diktadura ng proletaryado at uring magsasaka. Ang diktadurang ito ang makauring esensya ng konsepto ng "mapagpasyang tagumpay." Ang tanging pwersang makapagtatamo ng "mapagpasyang tagumpay" ay ang mamamayan, ibig sabihi'y ang proletaryado't magsasaka kabilang na ang peti-burgesya ng kalunsuran at kanayunan.

Kung di sapat ang lakas ng pwersang ito, magkakaroon ng panahon ang Tsarismo't burgesya na tapusin ang kasunduang kanilang inihahanda laban sa mamamayan. Ayon kay Lenin: "Ang buong usapin ay magwawakas sa isang nakagapos na konstitusyon o kung lalala pa'y isang niyurakang konstitusyon. Ito'y `rebolusyong burgis' pa rin, pero isang pagkaagas, kulang sa buwan ng pagsilang, isang mongrel."

Alin sa dalawang posibleng resultang ito tutuong matatali ang Sosyal Demokrasya sa paglaban sa inkunsistent at makasariling burgesya, tutuong "malulusaw" sa demokrasyang burgis?

Malinaw ang sagot ni Lenin: "Kung magtatagumpay ang burgesya na biguin ang rebolusyong Ruso sa pakikipagkasundo sa Tsarismo, totoong matatali ang kamay ng Sosyal Demokrasya sa pakikibaka sa burgesya; maglalaho ang Sosyal Demokrasya `sa demokrasyang burgis,' sa puntong mabibigo ang proletaryado na itatak ang malinaw na marka nito sa rebolusyon, mabibigong makipagsingilan sa Tsarismo sa proletaryong paraan, o gaya ng minsa'y sinabi ni Marx, `sa paraan ng masa'."

Tanging sa kalagayang kumpleto ang tagumpay sa demokratikong rebolusyon malaya ang kamay ng proletaryado sa pakikibaka sa inkunsistent na burgesya, tanging sa gayong kalagayan di sila "malulusaw" sa demokrasyang burgis, bagkus, iiwan nila ang proletaryo o proletaryo-magsasakang marka sa buong rebolusyon.

"Sa madaling sabi," ayon kay Lenin, "para di matali ang kamay sa pakikibaka sa inkunsistent na mga demokratikong burgis, ang proletaryado ay dapat sapat na mulat sa uri at malakas para pukawin ang magsasaka sa rebolusyonaryong kaisipan, pamunuan ang atake nito, at alinsunod sa nagsasariling itaguyod ang linya ng kunsistent na demokratikong proletaryo."

Kaya't para kay Lenin, ang nakaambang peligro ay magmumula sa panig ng mga Menshevik na lumilihis patungong Kanan dahil ang mga taktikang itinataguyod ng kanilang resolusyon, sa obhetibong kabuluhan, ay umaayon sa interes ng demokratikong burgis. Ang peligrong tinutukoy ni Lenin ay di nagmumula sa suhetibong kagustuhan ng mga Menshevik sa likod ng kanilang mga taktika kundi sa obhetibong epekto nito, hindi sa pormal na pustura kundi sa materyal na resulta.

7. ANG TAKTIKA NG "PAG-AALIS NG MGA KONSERBATIBO SA GUBYERNO";

8. OSVOBOSDENIYE-ISMO AT BAGONG ISKRA-ISMO

Sa dalawang seksyong ito, mas kongkretong pinatunayan ni Lenin ang kanyang mga kongklusyon sa seksyon 6. Sa seksyon 7, ginamit niya ang artikulo ng isang simple at prangkang Menshevik mula sa Tiflis para ilarawan ang kabalbalan ng mga taktikang nilalaman ng resolusyon ng Kumperensya. Ang reseta ng Menshevik na ito kaugnay ng "pag-aalis ng mga konserbatibo sa gubyerno" ay ikinumpara ni Lenin sa bantog na "pulbos na pamuksa ng langaw"; hulihin ang langaw, budburan ng pulbos at mamamatay ang langaw! Sa Seksyon 8, ipinakita ni Lenin kung sino ang gumagamit sa bagong islogan ng mga bagong Iskra-ista. Walang iba kundi ang Osvobosdeniye, ang dyornal ng liberal na burgesya.

9. ANO ANG KAHULUGAN NG PAGIGING PARTIDO NG SUKDULANG OPOSISYON SA PANAHON NG REBOLUSYON?

Sa kanilang resoluyon, tutol ang mga Menshevik sa pag-agaw ng kapangyarihan sa isang gubyernong probisyunal. Ito'y sa kabila ng pahayag na handa rin silang magpakahirap na ibagsak ang Tsarismo, ibagsak sa pamamagitan ng matagumpay na insureksyon, insureksyong sisikapin nilang impluwensyahan at pamunuan, insureksyong magluluwal ng gubyernong probisyunal.

Iisa lang ang kahulugan nito para kay Lenin. Ang mga Menshevik, na walang anumang nagsasariling pusisyon, ay ayaw humawak o umagaw ng kapangyarihan "para di nila mismo magamit ang mga bunga ng tagumpay kundi ipasa nang buung-buo sa burgesya ang lahat ng bungang ito. Ito ang tinatawag nilang paggamit ng insureksyon para sa interes ng uring manggagawa.

Kaysa humawak ng kapangyarihan, kahit may pagkakataon, mas nais ng mga Menshevik na "manatiling partido ng sukdulang rebolusyonaryong oposisyon." Ayon kay Lenin, talagang minamalas ang mga Menshevik! Kahit manghiram lang ng tamang proposisyong Sosyal Demokratiko – ang konsepto ng "partido ng sukdulang oposisyon," – di naman nila alam kung paano ito gagamitin ng tama.

Ang konseptong ito ay nasa kategorya ng parlamentaryong pakikibaka na sumasalamin sa isang sitwasyong walang namumuong insureksyon. Ngunit kapag sumiklab na ang rebolusyon, kapag walang parlamento, kapag mayroong gera sibil, kapag naganap ang mga pag-aalsa, nababago't natatransporma ang mga konsepto't termino ng parlamentong pakikibaka at hinahalinhan ng mga konsepto't termino ng insureksyon, ng armadong pakikibaka. Sa ganitong panahon, ang papel ng Partido ay hindi ang manguna sa "sukdulang oposisyon" kundi maging lider ng insureksyon na ang layunin ay agawin ang estado poder.

10. "MGA REBOLUSYONARYONG KOMYUN" AT ANG REBOLUSYONARYO-DEMOKRATIKONG DIKTADURA NG PROLETARYADO AT MAGSASAKA

Bahagyang tinanggihan ng Kumperensya ang mala-anarkistang proposisyon ng bagong Iskra (Martov-Martynov) tungkol sa ganap na di paglahok ng mga Sosyalista sa isang gubyernong probisyunal na kasama ang petiburgesya. Bahagyang tinanggap nito ang posibilidad ng limitadong paglahok sa isang porma ng gubyernong probisyunal (mga "rebolusyonaryong komyun") sa ilang piling syudad o distrito.

Binatikos ni Lenin ang mga restriksyong ipinataw ng Kumperensya sa pagbubuo ng rebolusyonaryong gubyerno at partisipasyon dito, at pagpapauso ng hiram na mga termino gaya ng "komyun". Itinuring ni Lenin ang mga restriksyon at terminong ito na panakip lamang sa di malinaw na pag-iisip ng mga Menshevik. Ang kanilang teorya ay mukhang "mas malalim" pero ang tutuo ay mas malabo't mas magulo. Para kay Lenin, parehas ang mga batayan at prinsipyo sa pag-agaw ng kapangyarihan--parsyal man o pangkalahatang pag-agaw. Kaya't walang dahilan para magkasya na lang sa pagbubuo ng ilang komyun sa ilang lugar kung kakayanin rin lang na ibaksak ang buong gubyerno at itayo ang kapalit na gubyerno sa pambansang saklaw.

Kinutya ni Lenin ang mga Menshevik: "ang pagkalito ng rebolusyonaryong kaisipan ay nagdadala sa kanila, gaya ng madalas mangyari, sa rebolusyonaryong pag-iingay.... Di lang minsan kinundina ni Marx ang ganitong pag-iingay, ang paggamit ng kawili-wiling mga salita mula sa nakaraan para itago ang mga tungkulin sa hinaharap."

_________________________________

Ang mga komentaryo ni Lenin tungkol sa dulong bahagi ng resolusyon ng Kumperensya ay mga dagdag na ilustrasyon o pagpapalawig sa mga naunang puntong kanyang tinalakay. Sa mga pagpapalawig na ito, mahalagang punto ang diskusyon sa teoretikal na batayan ng pagkakaisa ng proletaryado't magsasaka sa isang rebolusyonaryo-demokratikong diktadura na sumasalamin sa matibay na batayan ng kanilang pagkakaisa sa yugto ng demokratikong rebolusyon. Ayon kay Lenin, kung sa pakikibaka para sa Sosyalismo ay walang "iisang kapasyahan" ang proletaryado at "magsasakang burgesya", sa pakikibaka laban sa awtokrasya, monarkiya, pyudal na pang-aalipin, sila'y may "iisang kapasyahan", sapagkat sa pakikibakang ito'y mayroon silang pagkakaisa ng mga interes.

11. ISANG PAHAPYAW NA PAGKUKUMPARA SA ILANG RESOLUSYON NG IKATLONG KONGGRESO NG R.S.D.L.P. AT MGA RESOLUSYON NG "KUMPERENSYA"

Ito'y inukol ni Lenin sa ilang karagdagang punto na nagkukumpirma sa pagkakaiba sa prinsipyo sa pagitan ng mga tunguhing pantaktika ng mga resolusyon ng Konggreso at Kumperensya.

Tungkol sa pakikibaka para sa "8-oras na araw ng paggawa": Sa bisperas ng rebolusyon, ang panawagan ng Konggreso ay ipagwagi ito sa "rebolusyonaryong paraan," samantalang ang Kumperensya ay naroon pa rin sa paghiling na "isabatas" ito.

Tungkol sa "usapin ng magsasaka": Sa Konggreso, binigyan ng pangunahing importansya ang "tungkulin ng paggabay sa malawak na rebolusyonaryo-demokratikong kilusan para sa pangkalahatang pambansang interes ng pakikibaka sa Tsarismo." Sa Kumperensya, "ang usapin ay pinakitid sa isang simpleng `gawain' sa hanay ng isang partikular na seksyon ng lipunan." Sa una, inihayag ang panawagan para sa kagyat na pag-oorganisa ng mga rebolusyonaryong komiteng magsasaka para isagawa ang lahat ng demokratikong pagbabago. Sa huli, iniharap ang "kahilingan para sa pag-oorganisa ng mga komite" sa isang constituent assembly.

Ayon kay Lenin: "Lahat ng desisyon nito (ang Kumperensya) ay sumasalamin sa pangkalahatang ideya na ating natunton – na sa rebolusyong burgis ang dapat lamang nating asikasuhin ay ang ating ispesyal na gawain nang di itinatakda sa ating sarili ang layuning pamunuan ang buong kilusang demokratiko at nagsasariling gawain ito. Kung paano laging inuulit ng mga Ekonomista ang ideya ng kailangang pagkaabalahan ng mga Sosyal Demokrata ang pakikibakang pang-ekonomiya at hayaan ang mga liberal na asikasuhin ang pakikibakang pampulitika, ganoon din ang inuulit ng mga bagong Iskra-ista sa lahat ng kanilang diskusyon: na tayo'y dapat gumapang sa isang hamak na sulok, doon sa di makakasagabal sa rebolusyonaryong burgis at hayaan ang burgesya na akuin ang aktibong gawain ng pagsulong sa rebolusyon."

12. NABABAWASAN BA ANG SAKLAW AT LAKAS NG DEMOKRATIKONG REBOLUSYON KUNG AATRASAN ITO NG BURGESYA?

Sa Kumperensya ng mga bagong maka-Iskra sa Caucasia, pinagtibay ang isang resolusyon na ayon sa mga editor ng Iskra ay parehas sa pusisyon ng "Buong Rusong" Kumperensya ng mga Menshevik. Pinuri nila ang mga pormulasyong taktikal nito bilang "angkop na angkop" sa rebolusyong burgis.

Ang resolusyong ito ang epektibong nagbubunyag sa esensya ng pilosopiya ng mga Menshevik: sapagkat burgis ang rebolusyon, samakatwid, ang proletaryado'y dapat yumuko sa pilistinismong burgis at bigyang daan ito. Sa takot ng mga Menshevik na "umatras ang burgesya" sa kanyang sariling rebolusyon--at sa pag-atras na ito'y "mababawasan ang saklaw at lakas" ng rebolusyong burgis--kusa na nilang iniatras ang proletaryong pakikibaka, kusa nilang isinusuko sa burgesya ang pamumuno at ikinukompromiso ang kapakanang pampulitika ng proletaryado.

Ayon kay Lenin: "Kung tayo'y ginagabayan, kahit bahagya, kahit sandali, ng kunsiderasyong ang partisipasyon natin ay pwedeng maging sanhi ng pag-atras ng burgesya, kung gayo'y isuko na lang natin ng buung-buo sa mga uring burgis ang pamumuno sa rebolusyon. Kung gayo'y buung-buo nating ipailalim ang proletaryado sa pangangalaga ng burgesya (habang nirereserba ang kumpletong `kalayaan sa pamumuna'!!), pwersahin ang proletaryado na maging kimi at pino para huwag magkadahilan ang burgesya na umatras. Kapunin natin ang pinakaesensyal na mga pangangailangan ng proletaryado, ang mga pangangailangang pampulitika nito – na kailanman ay di maintindihan ng tama ng mga Ekonomista at mga disipulo nito – para huwag umatras ang burgesya. Kapalit ng larangan ng pakikipagtawaran sa burgesya, lubusan nating iwanan ang larangan ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa demokrasya sa antas na kailangan ng proletaryado, ipagkanulo ang ating mga prinsipyo, ipagkanulo ang rebolusyon para bilhin ang kusang pagpayag ng burgesya (`nang huwag itong umatras')."

Sa dalawang maikling linya ng kanilang resolusyon, nabulgar ang taksil na linyang Menshevik, ang taktika ng pagkakanulo sa rebolusyon at pagtatransporma sa proletaryado na maging hamak na buntot sa burgesya. Ang tendensyang inugat ni Lenin sa Ekonomismo ay isa nang klaro't depenidong prinsipyo: ang bumuntot sa monarkistang burgesya.

Kung susuriin ang lohika ng mga Menshevik, dapat itakwil ng proletaryado ang islogang republika sapagkat ang pagtatatag ng republika'y magpapaatras sa burgesya. At sapagkat bawat matatag at konsistent na demokratikong islogan ng proletaryado ay nakahihindik sa burgesya saan mang panig ng mundo – kung susundan ang lohika ng mga Menshevik – magtago na lang sa lungga ang proletaryado, huwag mangarap gamitin ang rebolusyong burgis para sa kanyang mga demokratiko't sosyalistang interes, huwag gamiting instrumento para sa kanyang makauring pakikibaka ang demokratikong estado, at ireserba na lang sa sarili ang "kalayaan sa pamumuna."

Pinalalabas ng mga Menshevik na kapag umatras ang burgesya, mababawasan ang saklaw at lakas ng rebolusyon. Ibig sabihi'y magiging mas makapangyarihan ang suyod ng rebolusyon kung ito'y ilulunsad ng liberal na burgesya na ang hangad ay kompromiso, di tagumpay sa Tsarismo; kung ang magiging resulta ng rebolusyon ay ang "ikalawang posibilidad," ang pagkakasundo ng monarkistang burgesya at awtokrasya.

Anumang satsat ng mga Menshevik tungkol sa "popular" na insureksyon, "pagkukumpleto" ng rebolusyon, pagsandig sa "ordinaryong" mamamayan, ay pawang miserableng pag-iingay dahil sa kanilang ideyang ang "suyod ng rebolusyon ay mababawasan kapag umatras ang burgesya."

Di naiintindihan ng mga Menshevik kung aling mga pwersang panlipunan ang tunay na nagpapakitid at nagpapahina sa rebolusyon at kung alin ang tunay na nagbibigay ng saklaw at lakas dito. Sabi ni Lenin: "Alam nating mga Marxista, mula sa teorya't araw-araw, oras-oras na pag-obserba sa ating mga liberal... na ang burgesya ay inkunsistent, makasarili at duwag sa pagsuporta sa rebolusyon. Sa kabuuan, ang burgesya'y tiyak na babaling sa kontra-rebolusyon, sa awtokrasya, laban sa rebolusyon at laban sa mamamayan; sa sandaling matugunan ang kanilang makitid, makasariling interes, agad silang "aatras" mula sa konsistent na demokrasya (at sila nga'y umaatras na rito!)."

Ang tanging maasahan ay ang mamamayan, ibig sabihi'y ang proletaryado't uring magsasaka. Ang proletaryado sapagkat tanging sila ang "maaasahang magmartsa hanggang dulo sapagkat malayo pa ang kanilang lalakbayin lampas sa demokratikong rebolusyon." Ang magsasaka sapagkat, una, tanging ang kumpletong tagumpay ng rebolusyon ang magbibigay sa magsasaka ng lahat sa larangan ng repormang agraryo," at ikalawa, "tanging isang demokratikong sistema ang may kakayahang magbigay ng eksaktong ekspresyon sa kanilang mga interes at magtitiyak ng kanilang pangingibabaw bilang nakararami."

Kabilang sa mga magsasaka ang malaking bilang ng mga malaproletaryado pati mga elementong petiburges. Dahilan ito para sila rin ay maging di istable pero "ang pagiging di istable ng magsasaka ay radikal na naiiba sa di pagiging istable ng burgesya sapagkat sa kasalukuyan ang magsasaka ay interesado di pa gaano sa preserbasyon ng pribadong pag-aari kundi sa kumpiskasyon ng malalaking lupain na isa sa prinsipal na mga porma ng pribadong pag-aari."

Ang susi para kay Lenin ay maintindihan ang papel ng magsasaka sa demokratikong rebolusyon at tanging yaong di nakakaintindi sa papel na ito ang mag-iisip na ang "suyod ng rebolusyon ay mababawasan kapag umatras ang burgesya."

"Katunayan," ayon kay Lenin, "ang Rebolusyong Ruso ay magsisimulang magtaglay ng tunay na lawak at lakas, tunay na magtataglay ng pinakamalawak na rebolusyonaryong suyod na posible sa panahon ng burgis-demokratikong rebolusyon, tanging kapag umatras dito ang burgesya at kapag ang magsasaka ay lumitaw bilang aktibong mga rebolusyonaryong kaagapay ng proletaryado."

Dito'y inilinaw ni Lenin ang makauring esensya ng kanyang konsepto ng proletaryong rebolusyong nahahati sa dalawang yugto: ang demokratikong yugto at ang sosyalistang yugto.

"Dapat tapusin ng proletaryado ang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pakikipag-alyado sa masa ng uring magsasaka upang pwersahang durugin ang paglaban ng awtokrasya at upang paralisahin ang instabilidad ng burgesya. Dapat kamtin ng proletaryado ang sosyalistang rebolusyon sa pamamagitan ng pakikipag-alyado sa masa ng mga malaproletaryadong elemento ng populasyon upang pwersahang durugin ang paglaban ng burgesya at upang paralisahin ang instabilidad ng uring magsasaka at ng petiburgesya."

Ito ang pundamental na mga tungkulin ng proletaryado na pinakikitid ng mga Menshevik sa lahat ng kanilang mga argumento at resolusyon hinggil sa saklaw at lakas ng rebolusyon. Dito pundamental na nag-iiba ang mga Bolshevik sa Menshevik--sa pundamental na kalikasan ng pagkilos ng proletaryado at wastong direksyon nito.

13. KONGKLUSYON: MANGANGAHAS BA TAYONG MAGTAGUMPAY?

Kinakatawan ng katanungang "Mangangahas ba tayong magtagumpay?" ang pinakamalinaw na ekspresyon ng hidwaan sa pagitan ng mga Bolshevik at Menshevik.

Samantalang ang mga Bolshevik ay determinadong ganap na ipagwagi ang demokratikong rebolusyon "sa kabila ng" pag-atras ng burgesya, ang mga Menshevik naman ay tutol sa pag-agaw o paghawak ng kapangyarihan sa demokratikong rebolusyon dahil baka "umatras ang burgesya at mabawasan ang saklaw at lakas" ng rebolusyong ito.

Ayon kay Lenin: "Isinaulo ng mga Ekonomista na ang pulitika'y nakabatay sa ekonomiya at ang 'pag-intinding' ito'y nangahulugang ang pakikibakang pampulitika ay dapat pakitirin sa pang-ekonomiyang pakikibaka. Isinaulo ng mga bagong Iskra-ista na ang batayan ng demokratikong rebolusyon ay ang rebolusyong burgis, at ang `pag-intinding' ito'y nangahulugang ang demokratikong mga layunin ng proletaryado ay ibaba sa antas ng burgis na moderasyon, sa mga hangganang lampas rito'y `aatras ang burgesya'."

Ang mga Menshevik ay mga disipulo ng mga Ekonomista sa paraan ng presentasyon nila ng mga tungkuling pantaktika ng proletaryado sa demokratikong rebolusyon. At ang masahol, ikinakatwiran pa nila sa ganitong paninindigan na sinusunod lang nila ang isang "dalisay na patakarang makauri." Ito'y sa palusot na ang demokratikong rebolusyon ay isang rebolusyong burgis at ayaw nilang sumanib sa rebolusyong ito.

Sa pangkalahatan, lahat ng mga kalayaang pulitikal na nakabatay sa kapitalistang relasyon sa produksyon ay mga kalayaang burgis. Ngunit di dahil ito'y mga kalayaang burgis ay dapat nang tanggihan o maliitin ang pakikibaka para sa mga kalayaang ito. Ayon kay Lenin: "Dapat alam nating mga Marxista na wala at di magkakaroon ng ibang landas patungo sa tunay na kalayaan para sa proletaryado at magsasaka kaysa landas ng burgis na kalayaan at burgis na progreso. Di dapat kalimutan na wala at di magkakaroon, sa kasalukuyang panahon, ng ibang paraan ng paglapit sa sosyalismo kundi sa ganap na kalayaang pampulitika, kundi sa isang demokratikong republika, kundi sa rebolusyonaryo-demokratikong diktadura ng proletaryado at magsasaka.

Idiniin ni Lenin na bilang mga kinatawan ng pinakasulong at pinakarebolusyonaryong uri, tungkulin ng mga Sosyal Demokrata na ihayag sa mamamayan, sa paraang pinakamalawak, pinakamapangahas, ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyon. Ayon kay Lenin: "Ang paghamak sa mga tungkuling ito ay nangangahulugan sa teorya ng pagyurak sa Marxismo, pagbaluktot sa paraang pilistino, samantalang sa praktikal na pulitika'y nangangahulugan ng pag-alay ng mga simulain ng rebolusyon sa kamay ng burgesya, na di maiiwasang umatras sa tungkulin ng pursigidong pagsusulong ng rebolusyon."

Katakut-takot ang mga kahirapan sa landas ng ganap na tagumpay. Di maaaring sisihin ninuman ang mga kinatawan ng proletaryado kung, matapos gawin ang lahat sa abot ng kapangyarihan nila, ay mabigo pa rin sa kanilang mga pagsisikap bunga ng paglaban ng reaksyon, ng katrayduran ng burgesya at ng kamangmangan ng masa. "Pero ang Sosyal Demokrasya," ayon kay Lenin, "ay kukundenahin ng lahat, laluna ng proletaryadong mulat sa uri, kung pipigilin nito ang rebolusyonaryong enerhiya ng demokratikong rebolusyon at patatamlayin ang rebolusyonaryong init dahil takot itong magtagumpay, dahil ito'y inuudyukan ng konsiderasyong baka umatras ang burgesya."

Pangwakas ni Lenin: "Sa unahan ng buong sambayanan, laluna ng magsasaka--para sa kumpletong kalayaan, para sa konsistent na demokratikong rebolusyon, para sa isang republika! Sa unahan ng lahat ng anakpawis at pinagsasamantalahan--para sa Sosyalismo! Sa praktika'y ganyan dapat ang maging patakaran ng rebolusyonaryong proletaryado, ganyan ang makauring islogan na dapat tumagos at magtakda ng solusyon sa bawat taktikal na problema, sa bawat praktikal na hakbang ng partido ng mga manggagawa sa panahon ng rebolusyon."

Walang komento: