Martes, Hunyo 10, 2008

Kaliwang Komunismo: Sakit ng Musmos - ni V.I.Lenin

Kaliwang Komunismo: Sakit ng Musmos - ni V.I.Lenin

I. ISTORIKONG KONTEKSTO

Isinulat ni Lenin ang Kaliwang Komunismo nuong Abril-Mayo 1920. Ginawa niya ito sa panahong kinukonsolida ng Ikatlong Internasyunal ang mapagpasyang tagumpay laban sa kanang oportunismo ng Ikalawang Internasyunal at ibinaling ng Internasyunal na proletaryado ang atensyon sa pakikibaka sa kaliwang adbenturismo.

Tagumpay Laban sa Oportunismo

Mula nang isilang ang Bolshevismo nuong 1903, ito’y pangunahing sumulong sa pakikibaka sa Kanang oportunismo ng Ikalawang Internasyunal na pinamumunuan ng rebisyunistang si Karl Kautsky. Ang pambansang ekspresyon nito sa Rusya ay ang ekonomismo at Menshevismo.

Pagsiklab ng Unang Imperyalistang Daigdigang Digmaan (1914-17), lubusang nahinog ang oportunismo sa anyo ng sosyal-chauvinismo, ang pagtataguyod sa imperyalistang islogang “Ipagtanggol ang Bansa!” Ito’y walang ibang kahulugan kundi pagsuporta at pagdepensa sa mapanalasang imperyalistang interes ng sariling burgesya laban sa proletaryado.

Ang pampulitikang pagkabangkarote ng Ikalawang Internasyunal ay kagyat na tumungo sa ganap na pagsukong pang-ideolohiya sa burgesya. Ang prenteng Sosyal Demokratiko ay itinutok, di na laban sa mga kaaway sa uri ng proletaryado, kundi laban sa kilusang komunista sa buong daigdig na nuo’y pursigidong sumulong sa bandila ng Bolshevismo.

Matapos ang tagumpay ng Rebolusyong Oktubre sa Rusya, pinasimulan ni Lenin ang pagbubuo ng bagong Internasyunal. Marso 1919, idinaos ang Unang Kongreso ng Komunistang Internasyunal. Dito binuo ang Ikatlong Internasyunal sa pamumuno ni Lenin upang wasakin at halinhan ang dilawang Ikalawang Internasyunal na nuo’y matagal nang naagnas sa rebisyunismo.

Sa pagkabuo ng Ikatlong Internasyunal, nakamit ang mapagpasyang tagumpay laban sa Ikalawang Internasyunal at nakabig sa pandaigdigang saklaw ang rebolusyonaryong proletaryado sa Marxista-Leninistang teorya at taktika ng Bolshevismo.

Pero ang makasaysayang tagumpay na ito ay tagumpay pa lamang sa isa sa dalawang kaaway ng internasyunal na proletaryado sa loob ng kilusang komunista. Ang ikalawang kaaway ay ang “Kaliwang” Komunismo, ang sakit ng musmos na mga rebisyonista sa loob ng kilusang proletaryo. Lahat ng desisyon ng Ikalawang Konggreso ng Ikatlong Internasyunal (Hulyo-Agosto 1920) ay ibinatay sa mga ideya ng klasikong aklat ni Lenin na “Kaliwang” Komunismo.

Pakikibaka sa Kaliwang Doktrinaismo

Lumalaganap nuon sa loob ng internasyunal na kilusang komunista, laluna sa Kanlurang Europa at Amerika, ang “Kaliwang” tunguhin ng doktrinaismo o dogmatismo – ang pagtangging gumawa ng anumang taktikal na maniobra at pagpupumilit sa tuwid na landas ng rebolusyon sa layong “magpakadalisay” sa doktrina ng Marxismo. Ang mga manipestasyon nito ay ang pagtatakwil sa anumang pagkilos sa reaksyonaryong mga unyon at parlamento at sa pagpasok sa anumang tipo ng kompromiso.

Ang anarkismo – ang ninuno ng “Kaliwang” Komunismo – ay “karaniwang tipo ng parusa”, ayon kay Lenin, “sa oportunistang mga kasalanan ng kilusan ng uring manggagawa”. Ang istorikal na sirkumstansya ng paglaganap ng “Kaliwang” sakit na ito ay maiuugnay sa petiburges na pagkadismaya at pagkamuhi ng mga rebolusyonaryong elemento sa sosyal-chauvinismo ng maraming Sosyal Demokratikong lider ng Ikalawang Internasyunal; paglitaw ng aristokrasya at mga tinyente ng burgesya sa kilusang paggawa na umuuod sa mga unyon; at pagdami ng mga kareristang burgis sa hanay ng mga Sosyal Demokratikong deputado sa parlamento. Ang reaksyon nila dito ay ang pagbaling sa kabilang dulo, ang petiburges na rebolusyonismo.

Umunlad, lumakas at napanday ang Bolshevismo sa pakikibaka sa Kanang oportunismo, ang pangunahing kaaway nuon sa loob ng kilusang komunista. Ang tatak na ito ng Bolshevismo ay bantog sa buong mundo. Ang di gaanong alam ay ang pagsulong ng Bolshevismo sa proseso ng pakikibaka sa “Kaliwang” Komunismo, laluna nuong 1908 (tunggalian sa paglahok sa reaksyonaryong Duma) at nuong 1918 (tunggalian sa kompromisong Tratadong Brest-Litovsk).

Ang pakikibaka nina Lenin sa mga “Kaliwang” Bolshevik kaugnay ng Tratadong Brest-Litovsk ay isang mapagpasyang pakikibakang ang nakataya ay ang kaligtasan ng bagong tatag na republikang Sobyet. Tutol ang mga “Kaliwang” Bolshevik sa negosasyon sa kapayapaan at itinaguyod ang adbenturistang patakarang isubo ang bagong republikang Sobyet sa isang “rebolusyonaryong digmaan” laban sa imperyalistang Alemanya. Ang grupong anti-Partido ng mga “Kaliwang” Bolshevik na pinamunuan ni Bukharin at sinuportahan ni Trotsky, ay nagtangkang igiit sa Partidong Bolshevik ang ganitong patakaran. Kung ito’y nasunod, namiligro sanang mawasak ang diktadura ng proletaryado sa Rusya. Tinawag ni Lenin ang mga “Kaliwang” Komunista na “instrumento ng imperyalistang probokasyon”.

Pinirmahan ang tratado sa pagitan ng Rusyang Sobyet at ng Central Powers (Alemanya, Austria-Hungary, Bulgaria at Turkey) nuong Marso 3, 1918. Ang mga kundisyong kapalit ng kapayapaan ay tutoong napakasama at napakalupit sa panig ng Rusyang Sobyet. Alinsunod sa tratado, maraming bahagi ng Rusyang Sobyet ay napailalim sa kontrol ng Central Powers.

Inamin ni Lenin na ito’y kompromiso sa mga imperyalista. Pero isang kailangang kompromiso. Binigyan nito ng pagkakataon ang estadong Sobyet na makahinga sa pananakal ng lahat ng imperyalistang bansa, ng ispasyo para kunsolidahin ang bagong republika, ng panahon para lansagin ang lumang hukbo at itayo ang Pulang Hukbo, ibwelo ang sosyalistang konstruksyon at ipunin ang lakas sa pakikibaka sa kontra-rebolusyon sa loob ng bansa at interbensyong militar ng mga imperyalista.

Mahigpit na binatikos ng Partido, sa pamumuno ni Lenin, ang mapanubong linya nina Trotsky at mga “Kaliwang” Bolshevik. Sila’y mapagpasyang ibinukod at ginapi. Nobyembre 13, 1918, matapos ang rebolusyong Nobyembre sa Alemanya na nagbagsak sa monarkistang rehimen, pinawalang bisa ng republikang Sobyet ang mapanalasang Tratadong Brest-Litovsk.

II. SALIGANG NILALAMAN

Kung ang aklat na Dalawang Taktika ang obra maestra ni Lenin na gumuguhit sa linya ng pagsulong ng proletaryong pakikibaka na pinalalabo ng mga Kanang oportunista, ang Kaliwang Komunismo naman ang maituturing na katambal nito sa paglilinaw ng mga prinsipyong gumagabay sa mga porma ng pakikibaka’t pag-oorganisa ng proletaryado na itinatakwil ng mga Kaliwang adbenturista.

Ang Kaliwang Komunismo ay paglalagom ng karanasan ng tatlong rebolusyon sa Rusya at pagtatatag ng estadong Sobyet. Sa aklat na ito, pinaunlad at tinalakay ni Lenin sa popular na paraan ang teorya ng proletaryong rebolusyon at diktadura ng proletaryado, binalangkas ang Marxistang istratehiya at mga taktika, ipinaliwanag ang Internasyunal na kabuluhan ng rebolusyonaryong karanasan ng mga Bolshevik at inilinaw ang relasyon sa pagitan ng mga lider, partido, uri at masa.

Sa lahat ng ito, pinatampok ni Lenin ang pangangailangan ng praktikal na pamumuno sa praktikal na pakikibaka para sa rebolusyonaryong mga layunin at alinsunod sa rebolusyonaryong mga prinsipyo. Kasabay ng matinding pagkundena sa oportunistang mga lider ng Ikalawang Internasyunal, masinsin at puspusang pinuna ni Lenin ang “Kaliwang” tunguhin bilang isa pang kaaway sa loob ng kilusang proletaryo.

Ang buong aklat ay maningning na eksposisyon ng pundamental na prinsipyo ng kumbinasyon ng pleksibilidad sa taktika at katatagan sa simulain na batayan ng saligang mga taktika ng ligal na pagkilos at pakikiisang prente, ang pagtutulungan ng ligal at iligal na mga porma ng pakikibaka at ng pagpasok sa mga kompromiso at alyansa sa bentahe ng proletaryado.

Ayon kay Lenin: “Isang bagay na lang ang kulang para tayo’y makapagmartsa nang mas may kumpyansa at tatag patungo sa tagumpay, at ito’y walang iba kundi ang unibersal at puspusang kamulatan ng lahat ng Komunista sa lahat ng bansa ng pangangailangang ipakita ang sukdulang pleksibilidad sa kanilang mga taktika.

Sa pleksibilidad na ito sa mga taktika, walang inirereseta si Lenin na depinidong mga pormula o istriktong mga alintuntunin bukod sa pamatnubay na prinsipyong dapat magsilbi ang mga ito sa iisang layuning isulong ang rebolusyon sa gawa at hindi sa salita; itaas at hindi ibaba ang kamalayan ng taliba at pangkalahatang antas ng masa; ilapit at hindi ilayo ang taliba sa malawak na masa; igiit at hindi isuko ang nagsasariling linya ng rebolusyonaryong proletaryado; at ituro at hindi iligaw ang mamamayan sa tamang direksyon ng pagsulong.

Inilinaw ni Lenin ang pundamental na batas ng lahat ng rebolusyon bilang patnubay sa praktikal na aktibidad: “Hindi sapat ang propaganda at ahitasyon lamang, “ ayon kay Lenin, para ang buong uri, ang malawak na masa ng anakpawis ay tumindig sa rebolusyonaryong paninindigan. “Para dito dapat magkaroon ng sariling karanasang pampulitika ang masa. Ito ang pundamental na batas ng lahat ng dakilang rebolusyon...”

Alinsunod sa prinsipyong ito ng sukdulang pleksibilidad sa mga taktika, idiniin ni Lenin ang kahalagahan ng pagkilos sa mga unyon kahit ang mga ito’y nasa impluwensya ng mga tinyente ng burgesya sa paggawa; ng paglahok sa mga parlamentong burgis kahit pa ang mga ito’y sukdulang reaksyonaryo; at ang pagpasok sa mga kompromiso at alyansa kahit ang mga katrato at kaanib ay maibibilang sa mga reaksyonaryo.

Kaugnay ng pagkilos sa mga unyon, ganito ang sabi ni Lenin, “Kahit saang panig ng mundo, di naganap at di magaganap ang pag-unlad ng proletaryado nang di sa pamamagitan ng mga unyon, sa pamamagitan ng nagtutulungang aksyon sa pagitan nila at ng partido ng uring manggagawa... Ang tumangging kumilos sa reaksyonaryong mga unyon ay nangangahulugan ng pag-iwan sa di pa sapat na umuunlad o atrasadong masa ng mga manggagawa sa ilalim ng impluwensya ng reaksyonaryong mga lider, ng mga ahente ng burgesya, ng mga aristokrata sa paggawa...”

Kaugnay sa paglahok sa mga parlamento, ganito ang sabi ni Lenin: “Ang partisipasyon sa mga parlamentaryong eleksyon at sa pakikibaka sa parlamentaryong bulwagan ay obligado sa isang partido ng rebolusyonaryong proletaryado para sa ispisipikong layuning bigyan ng edukasyon ang atrasadong seksyon ng sariling uri at para sa layuning pukawin at turuan ang di pa maunlad, busabos at ignoranteng masa ng kanayunan”.

Kaugnay ng pagpasok sa mga kompromiso, ganito ang sabi ni Lenin: “Ang mas makapangyarihang kaaway ay maari lamang gapiin sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lubusang pagsisikap, at sa pamamagitan ng pinakapuspusan, maingat, mapagmatyag, mahusay at obligadong paggamit ng anumang hidwaan, kahit ang pinakamaliit, sa pagitan ng mga kaaway, anumang banggaan ng interes sa hanay ng burgesya ng iba’t ibang bansa at sa hanay ng iba’t ibang grupo at tipo ng burgesya sa loob ng iba’t ibang bansa; at gayundin, ng pagsamantala ng anumang pagkakataon, kahit ang pinakamaliit, para kumabig ng pangmasang alyado, kahit na ang alyadong ito ay pansamantala, nagdadalawang-isip, di istable, di maaasahan at kundisyunal. Yaong di nakaiintindi nito ay nagpapakita ng kabiguang makaintindi ng kahit pinakamaliit na butil ng Marxismo, ng makabagong syentipikong sosyalismo sa pangkahalatan.”

III. SINOPSIS NG MGA KABANATA

1. SA ANONG KAHULUGAN MAARI TAYONG MAGSALITA NG INTERNASYUNAL NA KABULUHAN NG REBOLUSYONG RUSO?

Ang pinaksa ni Lenin na internasyunal na kabuluhan ng rebolusyong Ruso ay hindi pa ang epekto nito sa lahat ng bansa. Ang kanyang tinutukoy ay ang internasyunal na bisa o pag-uulit ng ilang pundamental na katangian ng rebolusyong Ruso na aplikable sa lahat ng bansa. Ayon kay Lenin, “naririto ang internasyunal na `kabuluhan’ (sa makitid na pakahulugan ng salita) ng kapangyarihang Sobyet, at pundamental na mga teorya at taktikang Bolshevik”.

2. ISANG ESENSYAL NA KUNDISYON SA TAGUMPAY NG MGA BOLSHEVIK

Isang esensyal na kundisyon sa tagumpay ng mga Bolshevik sa burgesya ay ang “absolutong sentralisasyon” at “mahigpit na disiplina ng proletaryado”.

Ayon kay Lenin: “Tanging ang kasaysayan ng Bolshevismo sa buong panahon ng pag-iral nito ang mahusay na makapagpapaliwanag kung bakit nagawa nitong buuin at imantina, sa ilalim ng napakahirap na mga kundisyon, ang disiplinang bakal na kailangan para sa tagumpay ng proletaryado”.

Paano minamantina, sinusubok at pinalalakas ang disiplinang ito ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado?

Ayon kay Lenin: “Una, sa pamamagitan ng kamalayan sa uri ng proletaryong taliba at sa pamamagitan ng katapatan nito sa rebolusyon, ng katapangan, pagpapakasakit at kagitingan. Ikalawa, sa pamamagitan ng kakayahang umugnay, imantina ang pinakamahigpit na ugnay, sa malawak na masa ng anakpawis. Ikatlo, sa pamamagitan ng katumpakan ng pampulitikang istratehiya at taktika nito, sa kundisyong nakikita ng malawak na masa, mula sa kanilang karanasan, na ang mga ito ay wasto”.

Nagawa ng Bolshevismo nuong 1917-20 na imantina ang pinakaistriktong sentralisasyon at disiplinang bakal sa ilalim ng walang kapantay na pagsubok dahil sa ilang istorikal na partikularidad ng Rusya.

Una, sumibol nuong 1903 ang Bolshevismo sa napakatatag na pundasyon ng Marxistang teorya. Nakamit ng Rusya ang Marxismo, ayon kay Lenin, sa kurso ng kalahating siglo ng walang kapantay na dusa’t sakripisyo. At dahil sa pampulitikang emigrasyong ibinunga ng panunupil ng tsarismo, nagkaroon ito ng malawak na internasyunal na mga kuneksyon at mahusay na impormasyon sa mga porma at teorya ng pandaigdigang kilusang rebolusyonaryo.

Ikalawa, ang Bolshevismo ay nagdaan sa 15 taon ng praktikal na kasaysayan (1903-1917) na walang kapantay sa buong daigdig sa yaman ng karanasan. Sa 15 taong ito, ayon kay Lenin, walang bansa ang nagkaruon ng maikukumparang rebolusyonaryong karanasan gaya ng naganap sa Rusya, karanasan sa mabilis na pagpapalitan ng iba’t ibang porma ng kilusan – ligal at iligal, mahinahon at maligalig, lihim at hayag, lokal na mga sirkulo at mga kilusang masa, at ang parlamentaryo at teroristang mga porma.

3. ANG PRINSIPAL NA MGA YUGTO NG KASAYSAYAN NG BOLSHEVISMO

Ang mga taon ng paghahanda para sa rebolusyon (1903-05). Natantya’t pinaghandaan ng mga kinatawan ng tatlong pangunahing uri – ang liberal na burgesya, ang petiburgesyang demokratiko at ang proletaryong rebolusyonaryo – ang nalalapit na hayagang tunggalian ng uri sa pamamagitan ng paglulunsad ng pinakamatitinding tunggalian sa mga usapin ng programa at taktika. Ayon kay Lenin, “inihahanda ng mga uri ang kailangang sandata sa pulitika at ideolohiya para sa nalalapit na mga labanan”.

Ang mga taon ng Rebolusyon (1905-07). Walang kapantay sa buong mundo ang lawak at igting ng kilusang welga. Ang welgang pang-ekonomiya ay umunlad sa welgang pampulitika at ang huli’y tumungo sa insureksyon. Sa ispontanyong pag-unlad ng pakikibaka, lumitaw ang Sobyet na porma ng organisasyon. Ang pagpapalitan ng parlamentaryo at di parlamentaryo, ligal at iligal na mga porma ng paglaban, ng mga taktikang boykot at partisipasyon sa parlamento at gayundin, ang kanilang inter-relasyon at kuneksyon – lahat ng ito’y tinampukan ng pambihirang yaman sa nilalaman. Ayon kay Lenin, “kung wala ang ‘pagsasanay’ ng 1905, imposible ang Rebolusyong Oktubre ng 1917".

Ang mga taon ng reaksyon (1907-10). Nanalo ang tsarismo. Lahat ng partidong rebolusyonaryo at oposisyon ay nawasak. Gayunman, ang malaking pagkatalong ito ang nagturo ng importanteng aral sa rebolusyonaryong uri at mga partido, isang aral sa istorikong diyalektiko, sa pag-unawa ng pakikibakang pampulitika at sa sining at syensa ng paglulunsad ng pakikibaka.

Obligadong kompletuhin nila ang kanilang edukasyon. Matapos matutong umatake, nag-aral silang maayos na umatras. Kailangang matuto sa mapait na karanasan ang mga rebolusyonaryong uri na imposible ang tagumpay hangga’t di ito natututong umatake at umatras ng maayos. Sa lahat ng partido, ang mga Bolshevik ang nakagawa ng pinakamaayos na pag-atras. Nagawa nila ito, ayon kay Lenin, “dahil walang awa nilang inilantad at itiniwalag ang mga rebolusyonaryong maiingay lang sa salita, yaong mga ayaw umintindi na kailangang umatras, na kailangang matutong umatras at kailangang absolutong matuto kung paano kumilos ng ligal sa pinakareaksyonaryong mga parlamento, sa pinakareaksyonaryong mga unyon...”

Mga taon ng pag-ahon (1910-14). Sa simula, ang pagsulong ay mabagal. Ngunit matapos ang masaker sa Lena nuong 1912, bumilis ang pagsulong. Pinangibabawan ng mga Bolshevik ang walang kaparis na kahirapan. Ayon kay Lenin: “Kailanman ay di magtatagumpay ang mga Bolshevik sa pagsasagawa nito kung di nila sinunod ang tamang mga taktika ng pagkukombina ng iligal na gawain sa paggamit ng ‘ligal na mga oportunidad’, na tiniyak nila ang pagsasagawa”.

Ang Unang Imperyalistang Daigdigang Digmaan (1914-17). Napakalaki ng naging silbi sa mga Bolshevik ng ligal na parlamentarismo, na may sukdulang reaksyonaryong “parlamento”. Lubusan nilang ginamit ang “parlamento” para ilantad ang iba’t ibang kulay ng oportunismo kaugnay ng imperyalistang digmaan hanggang sa ipatapon sa Siberia ang mga deputadong Bolshevik. Ayon kay Lenin: “Isa sa pangunahing mga dahilan kung bakit nagtagumpay ang mga Bolshevik nuong 1917-20 ay sapagkat, mula nuong pagtatapos ng 1914, walang patawad nitong inilantad ang pagkasalaula at pagkababoy ng sosyal chauvinismo at ‘Kautskyismo’. . at sa kalaunan, ang masa’y nakumbinsi, mula sa sariling karanasan, sa katumpakan ng mga pananaw na Bolshevik”.

Ang Ikalawang Rebolusyon sa Rusya (Pebrero hanggang Oktubre 1917). Pagbagsak ng tsarismo, ang Rusya ay natransporma sa isang demokratikong republikang burgis. Sa loob lamang ng ilang linggo, lubusang natutunan ng mga Menshevik at Sosyalista-Rebolusyonaryo (S-R) ang lahat ng pamamaraan at pag-uugali, pangangatwiran at pagmamarunong ng taga-Europang mga “bayani” ng Ikalawang Internasyunal at iba pang oportunistang palaboy.

Ayon kay Lenin: “Sinimulan ng mga Bolshevik ang matagumpay na pakikibaka sa parlamentarismo at (sa katotohanan) burgis sa republika at sa mga Menshevik, sa isang napakaingat na paraan at ang mga preparasyong ginawa nila para dito ay di masasabing simple. Sa simula ng yugtong binabanggit, di tayo nananawagan para sa pagbabagsak ng gubyerno, bagkus ipinaliwanag na imposible itong ibagsak nang di muna binabago ang komposisyon at timplada ng mga Sobyet. Di tayo nagproklama ng boykot ng parlamentong burgis, ng Asembliyang Constituent, bagkus, ang ating sinabi’y... ang isang republikang burgis na walang Asembliyang Constituent pero ang isang ‘republika ng manggagawa’t magsasaka’, ang republikang Sobyet, ay mas mahusay kaysa alinmang burgis-demokratiko, parlamentaryong republika. Kung wala ang gayung masinop, maingat at mahabang mga preparasyon, di sana natin nakamit ang tagumpay ng Oktubre 1917 o nakonsolida ang tagumpay na iyon”.

4. SA PAKIKIBAKA LABAN SA ALINMANG MGA KAAWAY SA LOOB NG KILUSAN NG URING MANGGAGAWA NA TULUNGAN ANG BOLSHEVISMO NA UMUNLAD, LUMAKAS AT MAPANDAY

Bantog sa buong daigdig ang pakikibaka ng mga Bolshevik laban sa oportunismo na itinuring ni Lenin na prinsipal na kaaway sa loob ng kilusan ng uring manggagawa. Ngunit iba pagdating sa isa pang kaaway ng Bolshevismo.

Ayon kay Lenin: “Di gaanong alam sa ibang bansa ang katotohanang ang Bolshevismo ay nagkahugis, umunlad at napanday sa mahabang mga taon ng pakikibaka laban sa rebolusyonismong petiburges na may pagkakapareho sa anarkismo o may hiram mula rito...”

Ang anarkismo ay karaniwang tipo ng parusa sa oportunistang mga kasalanan ng kilusan ng uring manggagawa. Nag-aayudahan ang dalawang halimaw na ito. Pero sa Rusya, na mas petiburges kaysa ibang bansa sa Europa, di gaanong nakaimpluwensiya ang anarkismo sa panahon ng dalawang rebolusyon (1905 at1917). Una, ito’y dahil sa walang awa at walang kompromisong pakikibaka ng Bolshevismo sa oportunismo. Ikalawa, nagkaroon ng pagkakataon ang anarkismo na umunlad ng mas maaga (1870s) sa Rusya at ilantad ang absolutong kamalian.

Ang pakikibaka ng Bolshevismo sa mga “Kaliwang” paglihis sa loob ng sariling partido ay partikular na lumaki sa dalawang okasyon: nuong 1908, sa usapin ng pagsali o hindi sa isang reaksyonaryong “parlamento” at sa ligal na mga samahang manggagawa; at muli nuong 1918 (ang Tratadong Brest-Litovsk), sa usapin ng kung katanggap-tanggap ang anumang “kompromiso”.

Tumanggi ang mga “Kaliwang” Bolshevik nuong 1908 na lumahok sa reaksyonaryong parlamento. Partikular nilang pinagbatayan ang matagumpay na karanasan ng boykot nuong 1905. Ang boykot ng Bulygin Duma nuong 1905 ay napatunayang wasto nuon, ayon kay Lenin, “di sapagkat ang di paglahok sa reaksyonaryong mga parlamento ay tama sa pangkahalatan, kundi wasto nating nataya ang obhetibong sitwasyon, na tumungo sa mabilis na pag-unlad ng mga aklasang masa, una bilang welgang pampulitika, pagkatapos bilang rebolusyonaryong welga at hanggang sa maging pag-aalsa... Kung wala at di magkaruon ng anumang katiyakan na ang obhetibong sitwasyon ay parehas na klase at kung walang katiyakan ng parehas na tunguhin at parehas na kumpas ng pag-unlad, ang boykot ay hindi tama”.

Tinanggap ni Lenin na mali ang boykot ng mga Bolshevik ng Duma nuong 1906 (bagamat menor at madaling remedyuhang pagkakamali). Ang boykot ng Duma nuong 1907, 1908 at sumunod na mga taon ay isang napakaseryosong pagkakamali at mahirap remedyuhan dahil, sa isang banda, di maaasahan ng mabilis na pagtaas ng rebolusyonaryong agos at transpormasyon nito ang pag-aalsa. Sa kabilang banda, hinihingi ng buong istorikal na sitwasyon, batay sa mga pagbabagong mukha’t kilos ng monarkiyang burgis, ang pagkukumbina ng ligal at iligal na mga aktibidad. Ayon kay Lenin: “Nuong 1908-14, di sana napreserba (bukod pa ang palakasin at paunlarin) ng mga Bolshevik ang ubod ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, kung di nila itinaguyod sa mahigpit na tunggalian, ang pananaw na obligadong ikumbina ang ligal at iligal na mga porma ng pakikibaka at obligadong lumahok kahit sa pinakareaksyonaryong parlamento at sa marami pang institusyon, inakala ng mga “Kaliwang” Bolshevik na ang Tratadong Brest-Litovsk ay isang kompromiso sa mga imperyalista na di mapapatawad sa antas ng prinsipyo at nakapipinsala sa proletaryong partido. Ayon kay Lenin: “Tutoo ngang ito’y kompromiso sa mga imperyalista, pero isang kompromiso na, sa sirkumstansya nuon ay kailangang gawin”.

Gumawa si Lenin ng isang simpleng pagkukumpara. Halimbawa, hinoldap ang iyong kotse ng mga armadong bandido. Ibinigay mo sa kanila ang iyong pera, pasaporte, baril at kotse. Kapalit nito’y nakaligtas ka sa mga bandido. Walang pagdududa na ito’y isang kompromiso. Ayon kay Lenin, “ mahirap maghanap ng isang matinong tao na magdedeklera na ang ganuong kompromiso ay ‘di katanggap-tanggap na prinsipyo’, o tatawagin ang nakipagkompromiso na kasabwat ng mga bandido... Ang ating kompromiso sa mga bandido ng imperyalistang Alemanya ay ganitong klase ng kompromiso”. Ang itinuturing ni Lenin na pakikipagsabwatan sa pandarambong ay ang Kompromiso ng mga sosyal-chauvinista ng iba’t ibang bansa sa kanilang mga bandidong burgesya laban sa proletaryado kaugnay ng imperyalistang digmaan.

Ayon kay Lenin: “Ang itakwil ang mga kompromiso, ‘batay sa prinsipyo’ ay itakwil sa pangkalahatan ang pagiging katanggap-tanggap na mga kompromiso, anumang klase ito, ay kamusmusan na mahirap bigyan ng seryosong pagsasaalang-alang. Ang isang lider pampulitika na gustong maging kapaki-pakinabang sa rebolusyonaryong proletaryado ay dapat matutong kumilala ng kongkretong mga kaso ng kompromisong di mapapatawad at ekspresyon ng oportunismo at kataksilan...”

5. “KALIWANG” KOMUNISMO SA ALEMANYA, ANG MGA LIDER, ANG PARTIDO, ANG URI, ANG MASA

Taglay ng mga Komunistang Aleman ang lahat ng sintomas ng “sakit ng musmos”, ang “Kaliwang” Komunismo. Di lang sila tutol sa pagkilos sa reaksyonaryong mga parlamento’t unyon at pagpasok sa lahat ng uri ng kompromiso. Tutol rin sila sa tinatawag nilang “diktadura” ng Partido, ng mga lider, na kanilang ikinokontra sa kanilang itinataguyod na “diktadura” ng uri, ng masa.

Ayon kay Lenin, sa prisentasyon pa lang ng usapin – “diktadura ng partido o diktadura ng uri, diktadura ng mga lider o diktadura ng masa?” – ay nagpapakita na ng sukdulang kalituhan ng pag-iisip.

Kinikilala ni Lenin ang paglitaw sa ilang kapitalistang bansa ng isang tipo ng taksil, oportunista at sosyal-chauvinistang mga lider na nagtataguyod sa interes ng kanilang mga “aristokrasya sa paggawa”. Bunga nito napahiwalay sa malawak na masa ang oportunistang mga lider.

Ngunit para kay Lenin, lubusang hungkag at istupido kung dahil lang dito’y pagkukontrahin, sa pangkahalatan, ng mga “Kaliwang” Komunista ang diktadura ng masa sa diktadura ng mga lider. Ayon kay Lenin: “Pagtatakwil ng prinsipyo ng Partido – ito ang kinahahantungan ng oposisyon. At ito’y nangangahulugan ng ganap na pagdidisarma sa proletaryado para sa interes ng burgesya”.

Maari lamang itakwil ang prinsipyo ng partido (paglaho ng Partido) sa mataas na antas ng komunismo. At ito’y mangangahulugan di lamang ng abolisyon ng mga panginoong maylupa at kapitalista. Abolisyon din ito ng maliitang mga prodyuser ng kalakal sa pagtatransporma at pagtuturo sa kanila sa kaparaanan ng matagalan, mabagal at maingat na gawaing pang-organisasyon. Sa panahong ito, pinalilibutan nila ang proletaryado ng impluwensya ng petiburges. Kailangan ang pinakaistriktong sentralisasyon at disiplina sa loob ng partido ng proletaryado para labanan ang masamang impluwensiya nito, upang ang pang-organisasyong papel ng proletaryado ay magampanan ng wasto at matagumpay.

Ayon kay Lenin “Ang diktadura ng proletayado ay nangangahulugan ng pursigidong pakikibaka – madugo at di madugo, marahas at mapayapa, pangmilitar at pang-ekonomiya, pang-edukasyon at pang-administratibo – laban sa mga pwersa at tradisyon ng lumang lipunan. Ang pwersa ng ugali ng milyon at ilampung milyon ay isang napakalakas na pwersa... Ilang libong mas madaling gapiin ang sentralisadong malaking burgesya kaysa “gapiin” ang milyun-milyong maliit na nagmamay-ari... Sinumang gumawa ng kahit pinakamaliit na pagpapahina sa disiplinang bakal ng partido ng proletaryado (laluna sa panahon ng diktadura) ay aktwal na tumutulong sa burgesya laban sa proletaryado”.

6. DAPAT BANG KUMILOS ANG MGA REBOLUSYONARYO SA REAKSYONARYONG MGA UNYON?

Ipinaliwanag ni Lenin, batay sa karanasan ng Rusya, ang tamang ugnayan sa pagitan ng mga lider, partido, uri at masa, at gayundin, ang aktitud ng diktadura ng proletaryado at ng partido sa mga unyon: Ang diktadura ay ipinatutupad ng proletaryadong organisado sa mga Sobyet; ang proletaryado ay pinapatnubayan ng Partido Komunista ng mga Bolshevik; sa kanyang mga gawain ang Partido ay tuwirang umaasa sa mga unyon at ipinatutupad ang mga gawain sa pamamagitan ng mga Sobyet. Ganito ang pangkalahatang mekanismo ng proletaryong kapangyarihang pang-estado mula sa pananaw ng praktikal na implementasyon ng diktadura.

Ang mga unyon sa Rusya, sa pormal na antas, ay di bahagi ng Partido bagamat ang pamunuan ng mayorya ng mga ito ay mga Komunista at ipinatutupad ang lahat ng direktiba ng Partido. Kaya ayon kay Lenin, “sa kabuuan, mayroon tayong pormal na di Komunista, pleksible at relatibong malawak at lubusang makapangyarihang aparatong proletaryo na sa pamamagitan nito’y naisasagawa ang makauring diktadura sa ilalim ng pamumuno ng Partido”.

Batay sa ganitong sistema, lahat ng satsat tungkol sa diktadura ng mga lider o diktadura ng masa, atbp., ay “katawa-tawa at musmos na kabalbalan gaya ng diskusyon kung ang kaliwa o ang kanang paa ang mas kapaki-pakinabang sa isang tao”.

Itinuturing din ni Lenin na kabalbalan ang mga diskurso ng mga “Kaliwang” Aleman na di dapat kumilos ang mga Komunista sa reaksyonaryong mga unyon, na katanggap-tanggap na tanggihan ang ganitong mga gawain, na kailangang atrasan ang mga unyon, at umimbento ng bago’t walang dungis na organisasyong tinatawag nilang “Unyon ng mga Manggagawa”.

Idiniin din ni Lenin : “Kahit saang panig ng mundo, di umunlad at di maaring umunlad ang proletaryado kundi sa pamamagitan ng mga unyon, sa pamamagitan ng nagtutulungang aksyon sa pagitan ng mga unyon at ng partido ng uring manggagawa”. Dapat bigyan ng edukasyon at gabay ng partido ang unyon at tandaan na ang mga ito’y “paaralan ng komunismo” at isang “preparatoryong iskwelahan na nagsasanay sa mga proletaryo na isagawa ang kanilang diktadura...”

Ayon kay Lenin: “Tayo’y naglulunsad ng pakikibaka sa ‘aristokrasya’ sa paggawa sa ngalan ng masang manggagawa at para makabig sila sa ating panig... Ang tumangging kumilos sa reaksyonaryong mga unyon ay nangangahulugan ng pag-iwan sa mga di pa gaanong umuunlad o atrasadong masa ng manggagawa sa ilalim ng impluwensya ng reaksyonaryong mga lider...” Kinutya ni Lenin ang rebolusyonaryo pero adelantadong mga “kaliwang” Komunista na walang ginawa kundi magsisisigaw ng “ang masa, ang masa!” ngunit ayaw kumilos sa loob ng mga unyon sa katwirang ang mga ito’y “reaksyonaryo” at nag-iimbento na lang ng bago’t walang dungis na maliliit na “Unyon ng mga Manggagawa” ng walang bahid ng anumang hibo ng demokrasyang burgis.

Kung talagang gusto nilang tulungan ang masa at kunin ang kanilang simpatya, ayon kay Lenin, di nila dapat katakutan ang mga kahirapan, kundi dapat “absolutong kumilos kung saan matatagpuan ang masa”, tiisin ang anumang sakripisyo para “magsagawa ng sistematiko, masikhay, pursigido at matyagang propaganda’t ahitasyon duon sa mga institusyon at asosasyon – kahit ang pinakareaksyonaryo – kung saan matatagpuan ang masang proletaryo o malaproletaryo”. At ang mga unyon ang mismong mga organisasyon kung saan matatagpuan ang masa.

7. DAPAT BA TAYONG LUMAHOK SA MGA PARLAMENTONG BURGIS?

Ang mga “Kaliwang” Aleman ay tutol sa pagbabalik sa lahat ng porma ng parlamentaryong pakikibaka na kanilang itinuturing na “lipas na sa kasaysayan at sa pulitika”.

Pero para kay Lenin, pwede lang ideklera na lipas na sa kasaysayan ang parlamentarismo sa pakahulugang pampropaganda, mula sa punto de bista ng kasaysayang pandaigdig. Ibig sabihi’y “tapos na ang panahon ng parlamentarismong burgis, at nagsisimula na ang panahon ng proletaryong diktadura”. Ngunit kinukwenta ang kasaysayang pandaigdig nang deka-dekada, at sa dahilang ito, “isang napakalinaw na kamaliang teoretikal ang gamitin ang panukat ng kasaysayang pandaigdig sa praktikal na pulitika”.

Ibang bagay ang sabihing ang parlamentarismo ay lipas na sa punto de bista ng pulitika. Nagtataka si Lenin kung paano nilang nasasabi na lipas na sa pulitika ang parlamentarismo kung inaamin nila na milyun-milyong proletaryo sa Alemanya ay di lamang pumapabor pa sa parlamentarismo sa pangkahalatan kundi tahasang mga “kontra-rebolusyonaryo”.

Ipinagkakamali ng mga “Kaliwa” ang kanilang kagustuhan, ang kanilang pampulitika-pang-ideolohiyang aktitud na siyang obhetibong realidad. Idiniin ni Lenin: “Tutoo naman talaga na ‘lipas na sa pulitika’ ang parlamentarismo para sa mga Komunista sa Alemanya; pero – at ito ang kabuuang punto – huwag nating tratuhin ang anumang lipas na para sa atin bilang bagay na lipas na rin para sa uri, para sa masa”.

Dito’y makikita na naman na ang mga “Kaliwa” ay di marunong gumalaw bilang partido ng isang uri, bilang partido ng masa. Pinangaralan sila ni Lenin: “Di tayo dapat lumubog sa antas ng masa, sa antas ng atrasadong seksyon ng uri. Iyan ay di dapat pagtalunan pa. Dapat ninyong sabihin sa kanila ang mapait na katotohanan. Tungkulin ninyong tawagin ang kanilang burgis-demokratiko at parlamentaryong mga maling pananaw kung ano ang mga ito – mga maling pananaw. Pero kasabay nito ay dapat mahinahon ninyong subaybayan ang aktwal na katayuan ng kamalayan-sa-uri at kahandaan ng buong uri (di lang ng komunistang taliba nito), at ng lahat ng anakpawis (di lang ng abanteng mga elemento nila).”

Para kay Lenin, kahit di milyun-milyon kundi malaki-laking minorya ng mga manggagawang industriyal at manggagawang bukid ang sumusunod pa rin sa pamumuno ng mga reaksyonaryo – walang duda na ang parlamentarismo sa Alemanya ay di pa rin lipas sa pulitika, at ang “partisipasyon sa parlamentaryong mga eleksyon at sa pakikibaka sa parlamentaryong bulwagan ay obligado sa partido ng rebolusyonaryong proletaryado para sa ispisipikong layuning bigyan ng edukasyon ang atrasadong seksyon ng sariling uri... at masa sa kanayunan. Hangga’t wala kayong lakas na alisin ang mga parlamentong burgis at bawat tipo ng reaksyonaryong institusyon, kailangang kumilos kayo sa loob ng mga ito dahil dito matatagpuan pa rin ang mga manggagawang nililinlang...”

Di ipinagpapareho ni Lenin ang mga kundisyon sa Rusya at sa Kanlurang Europa. Pero kaugnay ng partikular na usapin ng kahulugan ng konseptong “ang parlamentarismo ay lipas na sa pulitika”, dapat isaalang-alang ang karanasan ng mga Bolshevik.

Noong Setyembre-Nobyembre 1917, mas may karapatan ang mga Bolshevik na ideklara ang ganitong pahayag. Ito‘y dahil ang punto‘y di kung gaano na katagal o kaiksing umiiral ang mga parlamentong burgis kundi gaano na kahanda (sa ideolohiya, pulitika at praktika) ang masang anakpawis na tanggapin ang sistemang Sobyet at lusawin ang parlamentong burgis-demokratiko (o hayaan itong malusaw). At noon ding Setyembre-Nobyembre 1917, ang mga manggagawa, magsasaka at sundalo sa Rusya, dahil sa ilang ispesyal na kundisyon, ay may pambihirang kahandaang tanggapin ang sistemang Sobyet at lansagin ang pinakademokratiko sa mga parlamentong burgis. Gayunman, di binoykot ng mga Bolshevik ang Constituent Asssembly, kundi sumali sila sa mga eleksyon kapwa bago at matapos maagaw ng proletaryado ang kapangyarihang pampulitika.

Ganito ang kongklusyon ni Lenin mula sa ganitong karanasan: “Kaysa magbunga ng pinsala sa rebolusyonaryong proletaryado, napatunayang ang partisipasyon sa isang burgis-demokratikong parlamento, kahit ilang linggo bago ang tagumpay ng republikang Sobyet at kahit matapos ang gayong tagumpay, ay aktwal na nakatulong sa proletaryado na mapatunayan sa mga atrasadong masa kung bakit ang gayong mga parlamento ay dapat lusawin; pinadadali nito ang matagumpay na paglusaw, at tumutulong na gawing lipas sa pulitika ang parlamentarismong burgis.”

Binatikos rin ni Lenin ang mga argumento ng mga “Kaliwang” Dutch para sa di paglahok sa mga parlamento.

Una, inilinaw ni Lenin na ang “aksyon ng masa, halimbawa, isang malaking welga, ay mas importante kaysa parlamentong aktibidad sa lahat ng panahon, at di lamang sa panahon ng rebolusyon o sa isang rebolusyonaryong sitwasyon.” Ang karanasang idinidiin dito ni Lenin ay ang “importansya ng pagkukombina ng ligal at iligal na pakikibaka.”

Ikalawa, kung ang isang parlamento ay magiging organo at “sentro ng kontra-rebolusyon”, gaya ng sinasabi ng mga “Kaliwang” Dutch (bagamat di pa ito nangyari at di mangyayari), kung gayon, mas dapat maghanda (sa ideolohiya, pulitika at teknikal) ang mga manggagawa para sa pakikibaka ng mga Sobyet laban sa parlamento at paglansag nito. Ngunit ayon kay Lenin, “hindi umaalinsunod na ang paglalansag na ito ay sinasagkaan, o hindi pinadadali, ng pagkakaroon ng oposisyong Sobyet sa loob ng kontra-rebolusyonaryong parlamento.”

Nakakalimutan na nila, dagdag ni Lenin, “ ang karanasan ng karamihan, kundi man lahat ng mga rebolusyon, na nagpapakita ng malaking kabuluhan, sa panahon ng rebolusyon, ng kombinasyon ng aksyong masa sa labas ng reaksyonaryong parlamento sa isang oposisyon sa loob na sumisimpatya (o mas mahusay, direktang sumusuporta) sa rebolusyon.”

Kaugnay ng taktikang boykot, inilinaw ni Lenin, “Ibinibigay sa atin ng karanasang Ruso ang isang matagumpay at wastong halimbawa (1905), at isa namang mali (1906) ng paggamit ng boykot ng mga Bolshevik. Kung susuriin ang unang kaso, makikitang nagawa nating pigilan ang isang reaksyonaryong gobyerno na pulungin ang isang reaksyonaryong parlamento sa isang sitwasyong napakabilis na sumusulong ang ekstra-parlamentaryong rebolusyonaryong aksyong masa (welga sa partikular), nuong wala man lamang kahit isang seksyon ng proletaryado at ng magsasaka ang sumusuporta sa reaksyonaryong gobyerno sa anumang paraan, at nuong ang rebolusyonaryong proletaryado ay lumalaki ang impluwensya sa mga atrasadong masa sa pamamagitan ng kilusang welga at sa pamamagitan ng kilusang agraryo”

Naiintindihan ni Lenin kung bakit sa Kanlurang Europa at Amerika ay naging kasuklam-suklam sa taliba ng uring manggagawa ang mga parlamento. Isang dahilan nito’y ang kataksilan at oportunismo, sa panahon at matapos ang digmaan, ng malawak na mayorya ng Sosyal Demokratikong deputado sa mga parlamento. Ngunit, ayon kay Lenin, di dapat patangay sa ganitong pagkasuklam sa pagpapasya kung paano lalabanan ito. Napakadaling ipakita ang “rebolusyonaryong” damdamin sa simpleng pag-alipusta sa mga parlamento.

Ngunit ang mismong pagiging madali nito ang mismong dahilan kung bakit hindi ito ang magiging solusyon sa isang napakahirap na problema. Kaya nga, para kay Lenin, “absolutong kamusmusan ang tangkaing ‘paikutin’ ang kahirapang ito sa pag-iwas sa mahirap na gawain ng paggamit sa reaksyonaryong mga parlamento para sa rebolusyonaryong mga layunin.”

Inirereklamo ng mga “kaliwang” Aleman ang masasamang “lider” ng kanilang partido. Pinayuhan sila ni Lenin: “Ang mga pagpuna – ang pinakamatalas, walang patawad at walang kompromisong pagpuna – ay dapat ituon, di laban sa parlamentarismo o parlamentaryong aktibidad, kundi laban sa mga lider, at laluna laban duon sa mga tumatanggi, na hindi nagagawang gamitin ang parlamentaryong eleksyon at ang parlamentaryong bulwagan sa rebolusyonaryo at komunistang paraan.”

8. WALANG MGA KOMPROMISO

Ikinumpara ni Lenin ang mga “kaliwang” komunista sa mga Blanquista nuong panahon ng Paris Commune na itinuring ang mga sarili na Marxista pero nalilimutan ang mga pundamental na katotohanan ng Marxismo.

Inaakala ng mga Blanquistang ito na sila’y mga komunista dahil nais nilang kamtin ang komunistang layunin “nang di tumitigil sa mga intermedyang istasyon, nang walang mga kompromiso, na umaantala sa araw ng tagumpay at nagpapatagal sa panahon ng pagkaalipin.” Sinipi ni Lenin ang sinabi ni Engels kaugnay ng bagay na ito: “Anong inosenteng kamusmusan ang iprisenta ang sariling pagkainip bilang argumentong teoretikal na animo’y nakakakumbinsi.”

Ayon kay Lenin: “Bawat proletaryo ay nagdaan na sa mga welga at nakaranas ng mga ‘kompromiso’ sa kinasusuklamang mga kapitalista, kapag sila’y kailangang bumalik sa trabaho nang walang anumang naipanalo o kaya’y pumayag na lang sa parsyal na tagumpay. Nakikita ng bawat proletaryo – bunga ng mga kundisyon ng pakikibakang masa at matinding intensipikasyon ng makauring mga antagonismo sa kanyang paligid – ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang tipo ng kompromiso. Sa isang banda, ang kompromisong ipinwersa ng obhetibong mga kundisyon (gaya ng kakulangan ng pondo sa welga, walang panlabas na suporta, gutom at pagod). Ito’y kompromiso na, sa anumang paraan, ay di nakakabawas sa rebolusyonaryong katapatan at kahandaang ipagpatuloy ang pakikibaka. Sa kabilang banda, ang kompromiso ng mga traydor na isinisi sa obhetibong mga dahilan ang kanilang makasariling interes, ang kanilang karuwagan, kagustuhang humimod sa mga kapitalista, at kahandaang sumuko sa intimidasyon, minsa’y pangungumbinsi, minsa’y mga limos, at minsa’y pang-uuto ng mga kapitalista.

Syempre, may mga indibidwal na kaso na lubhang kumplikado’t mahirap, at kailangan ang malaking pagsisikap para sa tamang pagtataya ng aktwal na karakter ng ganito’t ganoong “kompromiso.” Sa pulitika, kapag ito’y usapin ng kumplikadong mga relasyon – nasyunal at internasyunal – sa pagitan ng mga uri at partido, maraming kaso ang lilitaw na hamak na mas mahirap kaysa usapin ng lehitimong “kompromiso” sa isang welga o isang mapagkanulong “kompromiso” ng isang iskirol na lider.

Ayon kay Lenin: “Hungkag na magbalangkas ng isang resipi o pangkalahatang alituntunin (‘bilang mga kompromiso’) na bumabagay sa lahat ng kaso. Kailangang gamitin ang sariling utak at kayanin ang tamang paghuhusga sa bawat partikular na kaso.”

Aakalain ng mga taong torpe at kapos sa karanasan na dahil pinahihintulutan sa pangkalahatan ang mga kompromiso ay sapat na ito para burahin ang anumang pag-iiba sa pagitan ng oportunismo at Marxismo. Sa bawat partikular na istorikal na sitwasyon, importanteng tukuyin at labanan yaong nagpapakita ng prinsipal na tipo ng mga kompromisong kumakatawan sa oportunismo.

Nagtataka si Lenin kung bakit hindi kinukundena ng mga “kaliwang” komunista ang Bolshevismo na ang kasaysayan, kapwa bago matapos ang Rebolusyong Oktubre, ay puno ng mga kaso ng mga pagbabago ng diskarte, mga taktikang mapagkasundo at mga kompromiso sa ibang mga partido, pati sa mga partidong burgis.

Ayon kay Lenin: “Ang mas makapangyarihang kaaway ay maaaring gapiin sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng lubusang pagsisikap, at sa pamamagitan ng pinakapuspusan, maingat, mapagmatyag, dalubhasa at obligadong paggamit ng anumang hidwaan, kahit ang pinakamaliit, sa pagitan ng mga kaaway, anumang banggaan ng mga interes sa hanay ng burgesya sa loob ng iba’t ibang bansa at gayundin, ang pagsasamantala sa anumang pagkakataon, kahit ang pinakamaliit, para makakabig ng alyadong masa, kahit ang alyadong ito ay pansamantala, mabuway, di matatag, di maaasahan at kundisyunal. Yaong di nakaiintindi nito ay nagpapakita ng kabiguang makaunawa ng kahit pinakamaliit na butil ng Marxismo, ng modernong syentipikong sosyalismo sa pangkalahatan.”

Isinalaysay ni Lenin ang mahabang kasaysayan at mga kongkretong kaso ng iba’t ibang kompromisong pinasok ng mga Bolshevik bago at matapos ang Rebolusyong Oktubre. Ngunit sa bawat kasong ito ng mga kompromisong pinasok ng mga Bolshevik sa iba’t ibang partido at pwersang pampulitika, sa mga lider ng liberalismong burgis, oportunismo, pati ng sosyal-chauvinismo – sa bawat kasong ito ng mga kompromiso – kailanman ay di ikinokompromiso ng mga Bolshevik ang walang tigil at walang patawad na pang-ideolohiya at pampulitikang pakikibaka laban sa kanilang mga katrato sa kompromiso.

Para kay Lenin, “ito’y usapin ng kaalaman kung paano isasapraktika ang mga taktikang ito upang itaas – hindi ibaba – ang pangkalahatang antas ng proletaryong kamalayan-sa-uri, rebolusyonaryong diwa, at kakayahang lumaban at magtagumpay.” Dito’y tinutukoy ni Lenin, na ang tagumpay ng mga Bolshevik laban sa mga Menshevik ay nangangailangan ng mga “taktika ng pagbabago ng diskarte, konsilyasyon at mga kompromiso”, hindi lamang bago kundi matapos ang Rebolusyong Oktubre.

Kaugnay ng di maiiwasang pagdadalawang-isip ng mga demokratang petiburgis, ang tamang komunistang taktika ayon kay Lenin, “ay dapat binubuo ng paggamit sa mga pagdadalawang-isip na ito, hindi ang pagbabalewala sa mga ito; ang paggamit sa pagdadalawang-isip na ito ay nangangailangan ng mga konsesyon sa mga elementong bumabaling palapit sa proletaryado – kailanman at sa antas na sila’y bumaling sa proletaryado – bukod pa sa paglaban sa mga bumaling palapit sa burgesya... Ito’y isang mahabang proseso, at ang padalos-dalos na ‘desisyong’ – Walang mga kompromiso, walang mga maneobra – ay makapipinsala lang sa pagpapalawak ng impluwensya ng rebolusyonaryong proletaryado at pagpapalawak ng pwersa nito.”

9. KALIWANG KOMUNISMO SA GREAT BRITAIN

Ang sagka sa pagbubuo ng nagkakaisang Partido Komunista sa Britanya ay umiinog sa di pagkakaisa sa usapin ng partisipasyon sa parlamento at kung ito’y dapat sumapi sa luma, unyonista, oportunista at sosyal-chauvinistang Labour Party na ang kalakha’y binubuo ng mga unyon. Ang mga “kaliwang” komunista sa Britanya ay tutol sa paglahok sa parlamentaryong pakikibaka at sa pagsapi sa Labour Party.

Pinuri ni Lenin ang mga “kaliwang” komunista sa kanilang proletaryong poot sa mga pulitikong burgis. Ngunit kasabay nito, prangkahang sinasabi sa kanila ni Lenin na ang ganitong “proletaryong poot, “ kung ito lang, ay di sapat para pamunuan ang masa sa isang dakilang rebolusyon.

Tutoong ang mga Henderson, Clyne, Mcdonald at Snowden (mga lider ng Labour Party at Independent Labour Party) ay mga reaksyonaryo. Tutuo ring gusto nilang maupo sa poder, gusto nilang maghari alinsunod sa lumang linyang burgis, at kapag sila’y naluklok sa poder, sila’y kikilos gaya ng mga cheidemann at Noske (mga lider ng sukdulang kanan, oportunistang seksyon ng German Social-Democratic Party). Ayon kay Lenin: “Lahat ng iyan ay tutuo. Pero di umaalinsunod na ang pagsuporta sa kanila ay mangangahulugan ng pagkakanulo sa rebolusyon...”

Para kay Lenin, ang mga komunista ng Britanya ay dapat lumahok sa parlamentaryong aksyon; dapat tulungan ang masa ng manggagawa, mula sa loob ng parlamento, na makita sa praktika ang mga resulta ng isang gubyernong Henderson at Snowden; tulungan ang mga ito na talunin sina Lloyd (punong ministro, lider ng Liberal Party) at Churchill (lider ng mga Conservative). Ang kumilos ng salungat dito ay mangangahulugan ng pagsagka sa simulain ng rebolusyon, dahil ang rebolusyon ay imposibleng sumulong nang walang pagbabago sa pananaw ng mayorya ng uring manggagawa. Isang pagbabagong bunga ng karanasang pampulitika ng masa, at di kailanman ng propaganda lamang.

Inilinaw ni Lenin ang isang pundamental na batas ng rebolusyon: “Para maganap ang isang rebolusyon, di sapat na makita ng mga inaapi’t pinagsasamantalahang masa na imposible nang mamuhay sa lumang paraan, at humingi ng pagbabago; para maganap ang isang rebolusyon, esensyal na ang mapagsamantala ay di na makapamuhay at makapaghari sa lumang paraan. Tanging kapag ang nakabababang mga uri ay ayaw nang mamuhay sa lumang paraan at ang ‘nakatataas na mga uri’ ay di na makapagpatuloy sa lumang paraan, magaganap ang tagumpay ng rebolusyon.”

Ginawang konkreto ni Lenin ang kanyang mungkahi: Dapat pag-isahin ang apat na partido at grupong komunista sa Britanya sa isang Partido Komunista batay sa mga prinsipyo ng Ikatlong Internasyunal at obligadong partisipasyon sa parlamento; ito’y makipagkasundo sa mga Henderson at Snowden laban sa alyansa nina Lloyd at Churchill pero imantina ang ganap na kalayaan sa ahitasyon, propaganda at aktibidad pampulitika. Kung wala ang huling kundisyon, hindi dapat pumayag sa isang bloke, dahil ang gayon ay magiging kataksilan. Dapat igiit at kunin ng mga komunistang British ang ganap na kalayaang ilantad ang mga Henderson at Snowden.

Ayon kay Lenin, kapag tinanggap ng mga Henderson at Snowden ang isang bloke sa ganitong kundisyon, ang mga komunista ang makikinabang (di pa sa bilang ng mga parlamentaryong pwesto dahil di ito ang importante) “sapagkat isasagawa natin ang ating ahitasyon sa hanay ng masa sa panahong si Lloyd George mismo ang ‘gumagalit’ sa kanila, at di lamang tutulungan natin ang Labour Party na mas maagang itatag ang gubyerno nito, kundi tutulungan ang masa na mas maagang intindihin ang Komunistang propagandang ating isasagawa laban sa mga Henderson, nang walang pagpigil o omisyon.

Kapag tinanggihan naman nila ang isang bloke sa ganitong mga kundisyon, “mas malaki ang ating magiging pakinabang, dahil agad nating maipapakita sa masa... na mas ginusto ng mga Henderson ang kanilang malapit na relasyon sa mga kapitalista kaysa pagkakaisa ng lahat ng manggagawa.”

Mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga komunistang British na pakinggan ng masa sa ganitong parlamentaryong taktika. Ayon kay Lenin: “Kung ako’y haharap bilang komunista at mananawagan sa kanila na bumoto para kina Henderson at laban kay Lloyd George, tiyak na ako’y kanilang pakikinggan. At magagawa kong ipaliwanag sa popular na paraan, di lang kung bakit mas mahusay ang mga Sobyet kaysa isang parlamento at bakit mas mahusay ang diktadura ng proletaryado kaysa diktadura ni Churchill (ikinukubli sa karatulang demokrasyang burgis) kundi, gayundin, na sa aking boto, gusto kong suportahan si Henderson gaya ng pagsuporta ng lubid sa leeg ng isang binitay...”

Kung tutol ang mga “kaliwa” na ang mga taktikang ito’y masyadong “pino” o “kumplikado” sa masa para maintindihan, ang sagot ni Lenin ay: “Huwag ipaako sa masa ang inyong pagkahumaling sa doktrina! Walang duda na ang masa sa Rusya ay di mas edukado kaysa sa Britanya; kung anuman, mas mababa ang kanilang antas. Gayunman, naintindihan ng masa ang mga Bolshevik...”

10. ILANG KONGKLUSYON

Ipinakikita ng kasaysayan ng kilusan ng uring manggagawa na ito’y sumusulong sa lahat ng bansa sa pakikibaka, pangunahin laban sa Menshevismo (oportunismo at sosyal-chauvinismo), at bilang katambal, laban sa “kaliwang” komunismo. Ang una’y sumusulong sa pakikipagtuos ng Ikatlong Internasyunal laban sa Ikalawang Internasyunal sa lahat ng bansa. Ang huli’y nasasaksihan sa Alemanya, Great Britain, Italya, Amerika at Pransya.

Ayon kay Lenin, “esensyal na mulat na isaalang-alang ng mga komunista ng bawat bansa kapwa ang pundamental na mga layunin ng pakikibaka laban sa oportunismo at “kaliwang” doktrinaismo, at ang kongkretong mga katangian na tataglayin at di maiiwasang taglayin ang pakikibakang ito sa bawat bansa.

Inilinaw ni Lenin: “Hangga’t umiiral ang pambansa at pang-estadong distinksyon sa hanay ng mga bayan at bansa... ang hinihingi ng pagkakaisa ng internasyunal na mga taktika ng komunistang kilusan ng uring manggagawa ay di ang eliminasyon ng pagkakaiba o pagsupil sa mga pambansang kaibhan... kundi ang aplikasyon ng pundamental na mga prinsipyo ng komunismo (kapangyarihang Sobyet at diktadura ng proletaryado), na siyang wastong mag-aangkop sa mga prinsipyong ito sa ilang partikularidad” ng iba’t ibang bayan.

Sa mapagpasyang tagumpay laban sa Ikalawang Internasyunal, laban sa oportunismo, nakabig na sa ideolohiya ang proletaryong taliba. “Ito ang pangunahing bagay”, ayon kay Lenin. “Kung wala ito, di magagawa kahit ang unang hakbang patungong tagumpay.” Ito ang pundamental na layunin ng pakikibaka sa oportunismo – ang kabigin ang taliba.

Pero napakalayo pa nito sa tagumpay. Ayon kay Lenin: “Ang tagumpay ay di makakamit sa pamamagitan lang ng taliba. Hindi lang kagaguhan kundi isang krimen ang isugod ang taliba sa mapagpasyang labanan bago pumusisyon ang buong uri, ang malawak na masa, ng direktang pagsuporta sa taliba o kahit man lang kumikiling na nyutralidad para dito at walang pagsuporta sa kaaway. Hindi sasapat ang propaganda at ahitasyon lamang para gawin ng buong uri, ng buong masa ng anakpawis, ng mga inaapi ng kapital, ang ganitong paninindigan. Para dito, ang masa ay kailangang magkaroon ng sariling karanasang pampulitika. Ganyan ang pundamental na batas ng lahat ng dakilang rebolusyon...

Ang kagyat na layunin ng taliba ay pamunuan ang malawak na masa patungo sa kanilang bagong pusisyon. Ayon kay Lenin: “Kung ang unang istorikal na layunin (ang pakabig sa mulat-sa-uring taliba ng proletaryado sa panig ng kapangyarihang Sobyet at diktadura ng uring manggagawa) ay hindi sana maaabot nang walang ganap na tagumpay sa ideolohiya at pulitika laban sa oportunismo at sosyal-chauvinismo, ang ikalawa at kagyat na layunin na binubuo ng kakayahang pamunuan ang masa sa isang bagong posisyon na titiyak sa tagumpay ng taliba sa rebolusyon, ay walang lubusang eliminasyon ng mga pagkakamali nito.”

Inilinaw rin ni Lenin ang mga katangian ng rebolusyonaryong sitwasyon, ang mga signos na nalalapit na ang mapagpasyang labanan: (1) sapat na ang pagkakabuhol-buhol ng kalabang mga makauring pwersa sa kanilang mga banggaan, sapat na ang kanilang panghihina sa labanang lampas sa kanilang kakayahan: (2) lahat na mabuway, intermedyang elemento – ang petiburgesya at mga demokratikong petiburgis (iba pa sa burgesya) ay sapat na rin ang pagkakalantad bunga ng kanilang praktikal na pagkabangkarote; at (3) sa hanay ng proletaryado, lumitaw na malakas na yumayabong ang masang sentimyento para sa lubusang determinado, mapangahas at dedikadong rebolusyonaryong aksyon laban sa burgesya.

Tampok ang pagpapahalaga ni Lenin sa mga pagkakaiba sa pagitan ng mga kaaway (mga kaaway sa loob at labas ng kilusan). Kung tatanawin ang mga ito sa punto de bista ng komunistang prinsipyo, walang gaanong importansya ang mga pagkakaibang ito (sa puntong pare-pareho lang silang mga reaksyonaryo). Ngunit mula sa paninindigan ng praktikal na pagkilos, ang mga ito’y napakaimportante. Ang bigyan ng kaukulang pansin ang mga pagkakaibang ito, at itakda ang sandali na ang di maiiwasang mga banggaan ay puputok na magpapahina sa kanilang buong hanay – ito ang tungkulin ng isang komunistang “nais maging praktikal na lider ng masa sa rebolusyon at hindi lang mulat-sa-uri at kumbinsidong propagandista ng mga ideya.” Ayon kay Lenin, kailangang ikawing ang pinakaistriktong debosyon sa mga ideya ng komunismo sa abilidad na gumawa ng kailangang mga praktikal na kompromiso, diskarte, maneobra para sa mga konsilyasyon, pagpapasikut-sikot, pag-atras at iba pa.

Ang rebolusyon ay gawa ng makauring pagkamulat, kapasyahan, init ng damdamin at imahinasyon ng ilampung milyong inuudyukan ng pinakamatinding tunggalian ng mga uri. Dalawang mahalagang praktikal na konklusyon ang hinalaw ni Lenin mula dito: Una, pagpapakahusay sa lahat ng porma ng panlipunang aktibidad nang walang pagtatangi. Ikalawa, kahandaan sa pinakamabilis at biglaang pagpapalit ng isang porma ng iba pa. Ang alinmang hukbo na di nagsasanay para gamitin ang lahat ng sandata, ang lahat ng paraan ng pakikidigma na gamit ng kaaway o maaaring gamitin, ay gumagalaw sa di matalino o kriminal na paraan. Mas higit ang kaangkupan nito sa pulitika kaysa sining ng digmaan.

Ang mga rebolusyonaryong salat sa karanasan ay malimit isipin na ang ligal na mga paraan ng pakikibaka ay oportunista dahil pinakamadalas na nalilinlang ng burgesya ang mga manggagawa sa larangang ito, samantalang ang iligal na mga paraan ay rebolusyonaryo. Ito ay mali. Ayon kay Lenin: “Ang mga rebolusyonaryong walang kakayahang ikumbina ang iligal na mga porma ng pakikibaka sa bawat porma ng ligal na pakikibaka ay tunay ngang mahihinang rebolusyonaryo. Hindi mahirap na maging rebolusyonaryo kung kailan sumiklab na ang rebolusyon... Hamak na mas mahirap – at hamak na mas mahalaga – ang maging rebolusyonaryo kung kailan di pa umiiral ang mga kundisyon para sa direkta, hayag, rebolusyonaryong pangmasa at tunay na rebolusyonaryong pakikibaka...”

Ikinakatwiran ng ilang komunista na iba ang parlamentarismo sa kanilang mga bansa sa parlamentarismo sa Rusya para igiit ang kanilang pagtangging lumahok sa parlamento. Ang kongklusyong ito, ayon kay Lenin, ay mali. Ang mga komunista ay “dapat matutong lumikha ng isang bago, di karaniwan, di oportunista, at di kareristang parlamentarismo... Hindi man lang sila dapat magsikap na ‘kumuha ng mga pwesto’ sa parlamento, bagkus dapat subukang pag-isipin ang mga tao sa lahat ng lugar at akitin sila sa pakikibaka, hamunin ang burgesya sa kanyang salita at gamitin ang praktikal na mga tungkulin, na higit kailanman ay mas maraming klase at mas kunektado sa bawat larangan ng buhay panlipunan, at gapiin ang burgesya nang larangan sa larangan.

Sa lahat ng bansa, napapanday at lumalakas ang komunismo. “Isang bagay lang ang kulang,” ayon kay Lenin, “upang tayo’y makapagmartsa pasulong sa tagumpay nang may kumpyansa’t katatagan, ito’y walang iba kundi ang unibersal at puspusang kamulatan ng lahat ng komunista sa lahat ng bansa sa pangangailangang ipamalas ang lubusang pleksibilidad sa kanilang mga taktika. Ang kilusang komunista na umuunlad, sa ngayo’y nagkukulang, laluna sa mga abanteng mga bansa, ng ganitong kamulatan, at abilidad na dapat nitong isapraktika.”

Dapat magpunyagi ang mga komunista na idirihe ang kilusan ng uring manggagawa at panlipunang pag-unlad sa pangkalahatan sa pinakatuwid at pinakamaiksing landas patungo sa tagumpay. Walang pagtatalo sa katotohanang ito. Ngunit isang maliit na hakbang lang papalayo – isang hakbang na wari’y nasa parehas na direksyon – at ang tutuo’y magiging mali. Ayon kay Lenin: “Sabihin lang natin, gaya ng sinasabi ng mga kaliwang komunistang Aleman at British, na kinikilala lang natin ay isang landas, ang direktang landas lang... at ito’y magiging kamaliang magbubunga... ng lubhang malalang pinsala sa komunismo. Iginiit ng kanang doktrinaismo na kilalanin ang mga lumang porma lamang, at ito’y lubusang nabangkarote, dahil hindi nito napansin ang bagong nilalaman. Iginigiit ng kaliwang doktrinaismo ang pagtatakwil, sa lahat ng kundisyon, ng ilang lumang porma dahil di nito nakikita na ang bagong nilalaman ay ipinwersa ang sarili sa lahat at magkakaibang porma; di nito nakikita na tungkulin nating mga komunista na magpakahusay sa lahat ng porma, na matuto kung paano madadagdagan ang isang porma ng iba pa, mapalitan ang isa ng iba pa sa pinakamabilis na paraan, at iangkop ang ating mga taktika sa anumang pagbabago...”

Walang komento: