Martes, Hunyo 10, 2008

Estado at Rebolusyon - ni V. I. Lenin

Estado at Rebolusyon

ni V.I.Lenin

I. Istorikong Konteksto ng Akda

Ang akda ay sinulat noong Agosto-Setyembre 1917, habang si Lenin ay nagtatago sa Helsingfors, Finland dahil sa pang-uusig na ginagawa ng Gobyernong Probisyonal sa Rusya. Sinulat ito ni Lenin sa isang sitwasyong patuloy na tumitindi ang imperyalistang gera at muling namumuno ang rebolusyonaryong krisis sa Rusya at iba pang bayan sa Europa.

Nagaganap ang isang imperyalistang gera na pinangungunahan ng malalaking kapitalistang bansa – ang Inglatera, Pransya, Alemanya, atbp. – sa layuning pagharian ang maliliit at mahihinang bansa, itayo ang pandaigdigang dominasyong pang-ekonomya, at muling paghati-hatian ang mga nadambong na kolonya’t malakolonya sa Europa.

Ani Lenin, sa pagtindi ng gera, pinabibilis at pinatitindi rin nito ang makauring tunggalian sa loob ng mga nasasangkot na bayan. Mabilis na nahihinog ang rebolusyonaryong krisis sa bawat bansa na nagbabantang sumambulat sa anyo ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Naunang sumambulat ang rebolusyonaryong krisis sa Rusya sa kagaganap na Rebolusyong Pebrero, na nagbagsak sa tsarismo at nagtatag ng panimulang pundasyon ng paghaharing proletaryado sa Rusya – ang mga Sobyet. Sa pagpapatuloy ng gobyernong Ruso (ang gobyernong probisyonal na pinamumunuan ni Kerensky) ng patakaran ng paglahok sa imperyalistang gera, lalong bumilis ang kumpas ng rebolusyon tungo sa ganap na pag-agaw ng proletaryado ng kapangyarihang estado.

Sa kabila ng napakainam na kalagayan sa pagpapatindi ng rebolusyonaryong pakikibaka, ang malaking bahagi ng kilusang manggagawa sa Europa ay nahulog sa bitag ng oportunismo. Dalawang pangunahing tunguhing oportunista ang sumulpot sa hanay ng mga sosyalistang partido sa Europa. Ito ang kumatawan sa naging pagkakahati at sa naging pagbagsak ng Ikalawang Internasyonal, na bago nito’y siyang tumatayong sentro ng kilusang manggagawa sa daigdig.

Una’y ang sosyal sobinismo. Ito’y sosyalismo sa salita, pero sobinismo sa gawa na nangangahulugan ng pangangayupapa ng mga “lider ng sosyalismo” sa interes di lamang ng “kanilang” lokal na burgesya, kundi sa interes ng “kanila” mismong estado. Ang kanilang islogan sa imperyalistang gera ay “Ipagtanggol ang Inang Bayan!” Si Plekhanov ang pangunahing tagapagdala ng ganitong tunguhin sa loob ng Ikalawang Internasyonal.

Ikalawa’y ang tunguhing tinaguriang “Sentro” na binubuo ng mga taong nag-uurong-sulong sa pagitan ng sosyal sobinismo at tunay na internasyonalismo. Nananawagan sila ng “kapayapaan” sa kanilang gobyerno at sa kanilang burgesya, at sa pagtigil ng pakikitunggali sa mga sosyal-sobinista sa loob ng kilusang paggawa. Si Kautsky ang pangunahing tagapagbandila ng ganitong tunguhin sa Ikalawang Internasyonal.

Dahil sa mga nabanggit, pinagdiinan ni Lenin ang kahalagahan ng pag-aaral ng estado bilang isang buong teorya, at bilang praktikal na usaping pampulitika. Idiniin niya ang pakikibaka para sa paglaya ng mga anakpawis mula sa impluwensya’t kontrol ng burgesya sa pangkalahatan, at ng imperyalistang burgesya sa partikular, ay imposible nang hindi nakikibaka laban sa mga oportunistang haka-haka hinggil sa “estado.” Ayon kay Lenin, sa kondisyon ng nahihinog na sosyalistang rebolusyon sa Rusya at iba pang bansa, ang mga usapin kaugnay sa papel ng estado – laluna ng relasyon ng proletaryong rebolusyon sa estado – ay nagkaroon di lamang ng praktikal na halagang pampulitika, kundi ng kahalagahan bilang kagyat na ikikilos ng mamamayan para palayain ang kanilang sarili mula sa pagsasamantala’t pang-aalipin ng kapitalismo.

II. Saligang Nilalaman ng Akda

Ang Estado at Rebolusyon ay isang natatanging ambag ni Lenin sa pagpapayaman ng pang-ideolohiya at teoretikal na arsenal ng mga rebolusyonaryong partido sa usapin ng estado at rebolusyong proletaryo.

Ang akda ay nakasentro sa usapin ng diktadura ng proletaryado. Ang diktadura ng proletaryado ay hindi lamang ang pagpapalit ng tauhan ng gobyerno, kundi ang pagbubuo ng bagong estado, na may bagong mga organo ng kapangyarihan, sentral man at lokal, isang estado ng proletaryado na iluluwal sa guho ng lumang estado o ng estado ng burgesya.

Ang pinakabuod ng diktadurang ito ay ang paghahari – na hindi natatakdaan at nalilimitahan ng batas, kundi batay sa dahas – ng proletaryado laban sa burgesya, isang paghaharing nagtatamasa ng simpatya at suporta ng mga pinagsasamantalahang anakpawis.

Sa akdang ito, sinuri ni Lenin ang malawak na usapin kaugnay ng teorya ng estado at relasyon nito sa rebolusyong proletaryo. Masikhay na inorganisa ni Lenin ang mga sinulat ni Marx at Engels hinggil sa estado, habang lalong inililinaw at idinidiin ang unibersal at walang kupas na kahalagahan ng mga aral na ito sa karanasan ng proletaryado at ng lahat ng inaaping uri sa daigdig.

Sa akda, inilatag ni Lenin nang komprehensibo ang relasyon sa pagitan ng estado at ng makauring lipunan at rebolusyon – sinusuri ang pinagmulan, esensya, at katangian ng estado; tinukoy ang wastong aktitud ng proletaryado sa burgis na estado; inilinaw ang direksyon at kahahantungan ng estado at ng rebolusyong proletaryo; at pinatunayan sa pamamagitan nito ang lohika at katiyakan ng pag-agaw ng uring manggagawa sa kapangyarihang pang-estado.

III. Sinopsis ng mga Kabanata

Unang Kabanata: Makauring Lipunan at Estado

Mula sa pagsusuring ginawa ni Engels sa akdang Ang Pinagmulan ng Pamilya, Pribadong Pag-aari at Estado, inorganisa at nilinaw pa ni Lenin sa bahaging ito ang buod ng pananaw ng Marxismo hinggil sa pinagmulan, katangian, esensya at hinaharap ng burgis na estado at ng estado sa kabuuan.

1. Ang Estado Bilang Produkto ng Di Pagkakasundo ng Makauring Antagonismo

Sa paksang ito inilinaw ang Marxistang teorya sa pinagmulan ng estado.

Sabi ng Engels: “Ang estado (kung gayon) ay hindi isang kapangyarihang ipinataw sa lipunan mula sa labas... Sa halip, ito’y produkto ng lipunan sa isang takdang yugto ng pag-unlad; ito’y pagtanggap na ang lipunan ay nagkabuhul-buhol sa di malutas-lutas na kontradiksyon sa loob nito, na ito’y nahahati sa di-mapagkakasundong antagonismo, na ito mismo’y walang kapangyarihang iwaksi. Ngunit upang ang antagonismong ito, [upang] ang mga uring may magkakasalungat na interes pang- ekonomya ay hindi wasakin ang sarili at ang lipunan sa walang saysay na tunggalian, kailangan ang isang kapangyarihang wari’y nakatayo sa ibabaw ng lipunan sa layuning kalmahin (moderate) ang tunggalian at ilagay sa hangganan ng “kaayusan” ang kapangyarihang itong iniluwal ng lipunan, subalit inilalagay ang sarili sa ibabaw nito at mabilis na inihihiwalay ang sarili mula dito, ay ang Estado”.

Malinaw na ang estado ay “produkto at manipestasyon ng di-pagkakasundo (irreconciliability) ng makauring tunggalian (class antagonisms). Sumusulpot ito kung saan, kailan at habang ang tunggaliang makauri ay obhetibong di-mapagkasundo. Sa ibang salita, ang pag-iral ng estado ay patunay rin na ang makauring labanan ay di-mapagkakasundo.” Ito ang batayang ideya ng Marxismo sa usapin ng makasaysayang papel at kahulugan ng estado.

Habang inililinaw ni Lenin ang batayang ideyang ito ng Marxismo hinggil sa estado, tinutuligsa niya ang mga petiburges at oportunistang elemento sa loob ng kilusang paggawa sa Europa sa pambabaluktot na ito, ani Lenin, ay pangunahing nagaganap sa dalawang paraan.

Una, ang “interpretasyong” pinalalaganap ng mga burgis, partikular ng mga petiburges na elemento sa kilusang paggawa. Habang tinatanggap – dahil sa presyur ng di-matatawarang istorikong datos – na ang estado ay umiiral lamang kapag mayroong makauring antagonismo at makauring tunggalian, “iwinawasto” nila si Marx sa pagpapalabas na ang estado ay isang organo para sa rekonsilasyon ng mga uri.

Ikalawa, ang “interpretasyon” ng mga Kautskyista (tinagurian ni Lenin, na mga taong “nag-uurong-sulong sa repormismo at Marxismo”). Ayon kay Lenin, mas pino ang pambabaluktot ng mga Kautskyista sa usapin ng estado. Sa antas ng “teorya”, hindi nga nila itinatangging ang estado ay organo ng makauring paghahari, o ang makauring antagonismo ay di-mapagkakasundo, subalit kanila namang itinatanggi ang pundamental na prinsipyo kaugnay ng pag-agaw ng proletaryado ng kapangyarihang pampulitika – ang pangangailangan ng marahas na rebolusyon para wasakin ang estado.

2. Espesyal na Pwersang Binubuo ng Armadong Tauhan, Kulungan, Atbp.

Sa paksang ito inilinaw ang saligang katangian ng estado.

Sinabi ni Engels na kumpara sa sinaunang sistema ng organisasyong panlipunan (batay sa tribo at angkan), agad maitatangi ang estado sa dalawang paraan: “Ang unang natatanging kaibhan ng estado ay ang paghahati nito sa kanyang nasasakupan sa batayan ng teritoryo... Ikalawa’y ang pagtatayo ng isang kapangyarihang masa na di na ganap na hawig sa dating pagkakaorganisa mismo ng populasyon bilang armadong pwersa. Kailangan ang espesyal na kapangyarihang masa dahil naging imposible na ang kusang pagkakabuo ng populasyon bilang armadong grupo mula nang mahati ang lipunan sa mga uri... Ang kapangyarihang masang ito ay umiiral sa bawat estado; binubuo ito di lamang ng armadong tauhan kundi ng mga materyal na galamay, kulungan at lahat ng klase ng institusyon ng panunupil (coercion) – mga bagay na hindi nababatid ng sinaunang lipunan...”

Tinawag ni Lenin ang “kapangyarihang masang” ito bilang “espesyal na pwersa (special bodies) ng armadong tauhan – na siyang nangangalaga ng mga kulungan, institusyong mapanupil, atbp. Inilinaw ni Lenin ang pagkakaiba ng espesyal na pwersang ito ng armadong tauhan, na siyang pekulyar na katangian ng bawat estado, sa “armadong populasyon” na mayroong “kusang-umaaktong (self-acting) armadong organisasyon,” na siya namang katangian ng armadong pwersa, sa loob ng sinaunang lipunan o lipunang walang uri.

Pagsusuma ni Lenin: “Nabuo ang isang estado, nalikha ang isang espesyal na kapangyarihan sa anyo ng espesyal na pwersa ng armadong katao, at ang bawat rebolusyon, sa pamamagitan ng pagwasak ng aparato ng estado, ay nagpapakita sa atin kung paano ang [nagwaging] naghaharing uri ay naglalayong ipanumbalik ang espesyal na pwersang ito para sa kanilang interes, at kung paano ang inaaping uri ay nagtatangkang lumikha ng isang bagong organisasyon ng ganitong tipo, subalit maglilingkod hindi sa interes ng mga nagsasamantala, kundi sa mga pinagsasamantalahan.”

3. Ang Estado Bilang Isang Instrumento ng Pagsasamantala sa mga Inaaping Uri.

Sa bahaging ito ng akda, pinagdiinan ni Lenin ang esensya ng umiiral na estado bilang instrumento ng pagsasamantala sa mga inaaping uri.

Bago ito, iniharap ni Lenin ang pahayag ni Engels hinggil sa pribilehiyo at karapatang tinatamasa ng mga nagpapatakbo ng estado. Ani Engels, nagaganap ito dahil hawak ng mga opisyales ng estado ang “kapangyarihang masa,” ang karapatang magbuwis, at ang karapatang lumikha ng mga batas.

Inugat ni Engels ang batayan ng kanilang pangingibabaw sa lipunan: “Dahil iniluwal ang estado sa pangangailangang pigilan ang [pagsambulat ng] makauring antagonismo, at dahil iniluwal ito sa gitna ng tunggaliang makauri, sa pangunahin, ito’y isang estado ng pinakamakapangyarihang uri, ng uring nagdodomina sa ekonomiya, na sa pamamagitan ng estado ay siya ring uring nakadodomina sa pulitika at nakapagtataglay ng mga bagong pamamaraan ng paghahari at pagsasamantala sa mga inaaping uri.”

Binanggit ni Engels na tulad ng lipunang alipin at pyudal, kung saan ang estado ay tumatayong organo sa pagsasamantala sa mga alipin at busabos na magsasaka, ang makabagong representatibong (parlamentaryong) estado ay “isang instrumento lamang ng pagsasamantala ng Kapital sa Paggawa.” Ang pagsasamantalang ito ng kapital sa paggawa, ani Engels, ay nagaganap kahit sa demokratikong republika kung saan ang “yaman (wealth) ay nag-angkin ng kapangyarihan sa di-tuwiran, ngunit mas epektibong paraan.” Nagaganap ito sa pamamagitan ng: una, “tuwirang korupsyon ng mga opisyales” ng gubyerno (tulad ng halimbawa ng Amerika); at ikalawa, sa pamamagitan ng “alyansa ng gubyerno sa stock exchange” (halimbawa’y Pransya at Amerika).

Idinagdag ni Lenin na sa ilalim ng imperyalismo, “pinaunlad” nito bilang isang sining ang parehong paraan ng paggigiit ng walang-hanggang kapangyarihan (omnipotence) ng kapital na nagaganap sa anupamang tipo ng demokratikong republika. Ayon sa kanya, ang kapangyarihan ng yaman ay higit pa ngang matatag sa isang demokratikong republika, dahil ito ang pinakamainam na balangkas-pampulitika (political shell) para sa kapitalismo, “dahil kapag nakuha ng Kapital ang kontrol sa balangkas-pampulitikang ito, itatatag nito ang kanyang kapangyarihan nang higit na matibay, at higit na matatag na walang anumang pagbabago ng namumuno, institusyon o partido sa ilalim ng burgis na republika ang makakayanig.”

Kahit ang karapatang bumoto (suffrage) na tatak ng isang demokratikong republika ay itinuturing nina Engels bilang isang paraan ng dominasyong burgis. Ang karapatang ito, ani Engels, ay “isang sukatan ng matyuridad ng uring manggagawa, at hindi ito maaaring mangahulugan ng anupaman – kundi ito lamang – sa ilalim ng burgis na estado.”

Ayon kay Lenin, ang pananaw na ito ni Engels sa karapatang bumoto ay kaiba sa sinasabi ng mga petiburges na demokrata, ng mga SRs at Mensheviks, at ng mga sosyal-sobinista at oportunista ng Europa, na umaasa ng higit pa mula sa karapatang ito. Nagkakalat sila ng maling ideya na ang karapatang bumoto sa burgis na estado ay nangangahulugan ng kakayahang tunay na ihayag ang kagustuhan ng mayorya ng mga anakpawis at siguruhin ang katuparan nito.

4. Ang Pagkalusaw (“Withering Away”) ng Estado at ang Marahas na Rebolusyon

Ayon kay Lenin, sa mga teorya ng Marxismo hinggil sa estado, isa lamang punto ang naging integral na bahagi ng sosyalistang kaisipan sa hanay ng mga “sosyalistang” partido noon sa Europa. Ito’y ang pahayag hinggil sa “pagkalusaw” (“withering away”) ng estado, na ginagamit na argumento laban sa anarkistang doktrina ng pagbuwag o “abolisyon” ng estado.

Walang dudang ito’y isa sa mga mahalagang aral nina Marx at Engels hinggil sa estado, subalit ani Lenin, ang kapunin ang Marxismo sa ganitong punto lamang ay pakitirin ito sa antas ng oportunismo. Ani Lenin, ang namamayaning popular na interpretasyon sa “pagkalusaw” ng estado ay walang dudang nangangahulugan ng pagpapalabo, kung hindi man pagtatakwil, sa rebolusyon.

Upang bakahin ang krudong interpretasyong ito hinggil sa “pagkalusaw” ng estado, sinipi ni Lenin ang mga pahayag ni Engels sa akdang Anti-Duhring, isa sa mga mayor na sulatin ng huli hinggil sa dyalektiko-materyalistang pagsusuri sa pilosopiya, kasaysayan at siyensya:

“Inagaw ng proletaryado ang kapangyarihang estado at tinatransporma ang kagamitan sa produksyon bilang pag-aaring estado. Ngunit sa pagsasagawa nito, winawakasan mismo nito ang sarili bilang proletaryado, winawakasan ang lahat ng makauring distinksyon at makauring antagonismo, at winawakasan rin ang estado bilang isang estado... Kapag wala nang anumang uring panlipunan na ipaiilalim sa panlulupig; kapag ang makauring paghahari at ang indibidwal na pakikibaka para sa pag-iral batay sa namamayaning anarkiya sa produksyon, at ang pagbabanggaan at kalabisang iniluluwal nito ay nawasak na, wala nang natitira pang kailangang lupigin, at ang espesyal na pwersang mapanupil, ang estado ay hindi na rin kailangan. Ang unang aksyon kung saan ang estado ay tunay na lumilitaw bilang kinatawan ng lipunan sa kabuuan – ang pag-agaw ng kagamitan ng produksyon sa ngalan ng lipunan – ay siya ring huling nagsasariling kilos nito bilang isang estado. Ang pakikialam ng isang kapangyarihang estado sa relasyong sosyal ay nagiging kalabisan... at pagkatapos ay naglalaho na lamang. Ang gubyerno ng tao ay hinahalinhan ng administrasyon ng mga bagay at ng pagbibigay-direksyon sa mga proseso ng produksyon. Ang estado ay hindi ‘binubuwag’ (abolished), ito’y nalulusaw na lamang (withers away).” Ganito ang naging pagsusuma ni Lenin sa mga mahahalagang ideyang binanggit ni Engels sa akda:

Una, sa simula pa lamang ay sinabi ni Engels na sa pag-agaw ng kapangyarihang estado, winawakasan ng proletaryado ang “estado bilang isang estado.” Ani Lenin, dito’y nagsasalita si Engels hinggil sa pagwasak ng burgis na estado sa pamamagitan ng proletaryong rebolusyon, habang ang mga kataga niya tungkol sa pagkalusaw nito ay tumutukoy sa labi ng proletaryong estado matapos ang sosyalistang rebolusyon. Sa madaling sabi, hindi kusang naglalaho ang burgis na estado – “winawakasan” ito ng proletaryado sa pamamagitan ng rebolusyon. Ang naglalaho matapos ang rebolusyon ay ang estado o mala-estadong itinayo ng proletaryado.

Ikalawa, ang estado ay isang “espesyal na pwersang mapanupil.” Ginagamit ito ng burgesya para supilin ang proletaryado. Kaya’t dapat lamang itong palitan ng proletaryado ng isa ring “espesyal na pwersang mapanupil” laban sa burgesya (isang diktadura ng proletaryado). Ito ang ibig sabihin ng pagwasak ng “estado bilang isang estado” – ang aksyong kumakatawan sa “pag-agaw ng kagamitan sa produksyon sa ngalan ng lipunan.” Malinaw na ang paghalili ng isang “espesyal na pwersang mapanupil” ng proletaryado sa isa pang “espesyal na pwersang mapanupil” ng burgesya ay hindi maaring maganap sa anyo ng “pagkalusaw” (withering away) ng estado.

Ikatlo, sa binanggit na “pagkalusaw” o “paglalaho” ng estado, tinutukoy ni Engels ng buong linaw ang yugto pagkatapos ng “pag-agaw ng kagamitan sa produksyon sa ngalan ng lipunan”, pagkatapos ng sosyalistang rebolusyon. Ang anyong pampulitika ng “estado” sa panahong iyon ang pinakakompletong demokrasya. Ani Lenin, kapag nagsalita si Engels ng “pagkalusaw” ng estado, nagsasalita rin siya sa “pagkalusaw ng demokrasya. Ito’y dahil ang demokrasya ay isa ring estado, at kung gayon ay maglalaho rin sa paglalaho ng estado. Mawawakasan lamang ang burgis na estado sa pamamagitan ng rebolusyon, samantalang ang estado sa pangkalahatan, sa pinakakompletong demokrasya, ay mawawala lamang sa kaparaanan ng “pagkalusaw.”

Ikaapat, inilinaw ni Engels na ang teoryang “maglalaho ang estado” ay parehong nakatuon laban sa maling palagay ng mga oportunista at ng mga anarkista. Binanggit ni Lenin na maraming di nakaiintindi nito, gaya rin ng maraming di nakaiintindi sa pag- atake ni Engels sa islogang “malayang estado ng mamamayan” at kung bakit ito’y atake laban sa mga oportunista.

Ang islogang “malayang estado ng mamamayan” ay isang islogan at kahilingang kalakip sa programa ng mga Sosyal Demokrata sa Alemanya noong 1870s (Programang Gotha). Walang sustansyang pampulitika ang islogang ito liban sa hambog na pagpapahayag ng gitnang uri ng kanilang ideya ng demokrasya. Subalit dahil ito’y nagpapahiwatig sa ligal na paraan sa kahilingan para sa isang demokratikong republika, hinayaan ni Engels na gamitin ang islogang ito sa isang panahon sa punto de bista ng propaganda. Gayunman, ang islogang ito ay oportunista, dahil hindi lamang nito ginagawang kaakit-akit ang burgis na demokrasya, kundi kapos ito sa pagpapaunawa sa masa ng sosyalistang kristisismo ng estado sa kabuuan. Ani Lenin, pabor tayo sa isang demokratikong republika bilang pinakamainam na anyo ng estado para sa proletaryado sa ilalim ng kapitalismo, subalit wala tayong karapatang kalimutan na ang pang-aalipin ng kapital ang siyang kapalaran ng mamamayan kahit sa pinakademokratikong burgis na republika. At dahil ang bawat estado ay isang “espesyal na pwersa” para sa panunupil ng inaaping uri, ibig sabihin, bawat estado ay hindi masasabing “malaya” at walang masasabing isang “estado ng mamamayan.”

Ikalima, ang ideya ni Engels hinggil sa pagkalusaw ng estado ay nagtataglay ng matibay na argumento hinggil sa kahalagahan ng marahas na rebolusyon – isang bagay na kinaliligtaan at tinatakpan ng mga oportunista. Ani Lenin, ang istorikong analisis ni Engels hinggil sa “pagkalusaw” ng estado ay isang parangal sa marahas na rebolusyon.

Sa pagbibigay parangal sa kahalagahan ng marahas na rebolusyon para sa pagbabagong panlipunan, sinabi ni Engels na: “Ang dahas (force) ay nagtaglay ng isa pang papel sa kasaysayan – isang rebolusyonaryong papel; na ayon kay Marx, ito ang komadrona ng bawat lipunang kagampan sa bagong silang; na ito’y instrumento kung saan ipinipilit ng kilusang panlipunan ang kanilang sarili at winawasak ang mga walang buhay, nabubulok na institusyong pulitikal... “

Bilang pagsusuma, idiniin ni Lenin na ang aral nina Marx at Engels hinggil sa katiyakan ng marahas na rebolusyon ay tumutukoy sa estadong burgis; na hindi ito mapapalitan ng isang proletaryong estado (ng diktadura ng proletaryado) sa kapamaraan ng “pagkalusaw” nito, kung hindi sa pamamagitan lamang ng isang marahas na rebolusyon. Ang pangangailangan ng sistematikong pagpapalaganap ng prinsipyong ito sa pinakamalawak na masa, ani Lenin, ay nasa pinakaugat ng kabuuang teorya nina Marx at Engels.

Ikalawang Kabanata: Karanasan ng 1848-51

Ang ikalawang kabanata ay tumatalakay sa tungkulin ng proletaryado kaugnay ng burgis na estado o ang relasyon ng rebolusyon at ng estado sa kabuuan. Upang ilinaw ang bagay na ito, iniharap ni Lenin ang mga paglalagom nina Marx at Engels sa rebolusyonaryong karanasan ng 1848-51, ang mga nahalaw na aral mula sa naganap na mga burgis-demokratikong rebolusyon sa Europa, laluna sa Pransya.

1. Bisperas ng Rebolusyon

Sa bisperas ng rebolusyong 1848, sinulat nina Marx at Engels ang Poverty of Philosophy [Marx] at ang Manipesto ng Komunista. Sa mga akdang ito, iniharap na nila ang pinakamahalagang mga ideya ng Marxismo hinggil sa usapin ng estado: (a) ang teorya ng “diktadura ng proletaryado” (ang terminong ito ay iniharap lamang nina Marx sa mga sumunod pa nilang akda; at (b) ang paglalarawan ng makabagong estado bilang “pagkakaorganisa ng proletaryado bilang naghaharing uri.”

Sa Poverty of Philosophy, binanggit ni Marx na sa kurso ng pag-unlad ng uring manggagawa, papalitan nito ang lumang lipunang burgis ng isang “asosasyong” magwawakas sa mga uri at sa tunggaliang makauri, magwawakas sa tunay na nilalaman ng “kapangyarihang pampulitika” na siya lamang opisyal na ekspresyon ng makauring tunggalian sa loob ng lipunang burgis. Pinaunlad ang konseptong ito sa Manipesto ng Komunista nang banggitin nina Marx at Engels na “... ang unang hakbang sa rebolusyon ng uring manggagawa ay ang pag-aangat sa proletaryado sa posisyon ng naghaharing uri, upang itatag ang demokrasya. Gagamitin ng proletaryado ang pampulitikang dominasyon nito para agawin nang antas-antas ang lahat ng kapital mula sa burgesya, para isentralisa ang lahat ng instrumento ng produksyon sa kamay ng estado... “ Isang estadong tinawag nilang siyang “pagkakaorganisa ng proletaryado bilang naghaharing uri.

Ang estado bilang siyang “pagkakaorganisa ng proletaryado bilang naghaharing uri” – ito ang teorya ni Marx na ganap na kalangkap ng lahat ng kanyang aral hinggil sa rebolusyonaryong misyon ng proletaryado sa kasaysayan. Ang kulminasyon ng rebolusyonaryong misyon na ito ng proletaryado ay ang pagtatatag ng pampulitikang paghahari ng proletaryado – ang diktadura ng proletaryado.

Sa pagpapaliwanag ni Lenin sa esensya ng diktadura ng proletaryado, binanggit niya ang sumusunod:

“Ang doktrina ng makauring tunggalian na inaplay ni Marx sa usapin ng estado at ng sosyalistang rebolusyon ay di-maiiwasang tumungo sa pagkilala sa pampulitikang paghahari ng proletaryado, ang diktadura nito, ibig sabihin, ng kapangyarihang hindi ibinabahagi sa sinupaman at direktang umaasa sa armadong lakas ng masa. Makakamit lamang ang pagbabagsak ng burgesya sa pamamagitan ng transpormasyon ng proletaryado bilang naghaharing uri, na may kakayahang durugin ang desperadong paglaban ng burgesya, at upang iorganisa ang lahat ng pinagsasamantalahang anakpawis sa bagong kaayusang pang-ekonomiya.”

“Kailangan ng proletaryado ang kapangyarihang estado, ang sentralisadong organisasyon ng pwersa, ang organisasyon ng dahas, sa parehong layuning durugin ang paglaban ng mga nagsasamantala at patnubayan ang malawak na masa ng sambayanan – ang magsasaka, ang petiburgesya, ang malaproletaryado – sa pagsusulong ng ekonomiyang sosyalista.”

2. Paglalagom sa Rebolusyon

Ang paglalagom ng rebolusyonaryong karanasan ng 1848-51 ang nilaman ng akda ni Marx na may titulong The Eighteenth Brumaire of Louis Bonaparte na sinulat noong 1852. Ang mga kongklusyon ni Marx hinggil sa rebolusyon at estado ay napakalaking hakbang kung ikumpara sa mga naunang pahayag ng huli sa akdang Manipesto ng Komunista. Sa nasabing akda, ang usapin ng estado (laluna sa usapin ng aktitud ng proletaryado sa burgis na estado at ano ang ipapalit dito) ay tinalakay pa sa paraang abstrakto, o sa pamamagitan ng mga pangkalahatang termino at paglalarawan. Sa akdang Eighteenth Brumaire..., ang usaping ito ay higit na naging kongkreto. Ayon kay Marx, ang lahat ng nagdaang rebolusyon ay tumulong na gawing perpekto ang makinaryang estado, samantalang dapat itong wasakin at durugin. Ito, ani Lenin, ang pangunahin at pundamental na tesis ng Marxistang teorya hinggil sa estado.

Sa nasabing akda, inilarawan ni Marx kung paano magaganap, sa punto de bista ng istorikong pag-unlad ng kasaysayan, ang pagpapalit ng kapitalistang estado ng isang proletaryong estado. Kongkretong sinagot ng akda ang mga sumusunod na katanungan: (1) Paano sumulpot ang burgis na estado? (2) Ano ang mga pagbabagong dinaanan nito sa kurso ng rebolusyong burgis at sa harap ng rebolusyong inilulunsad ng mga aping uri? (3) Anu-ano ang mga tungkuling hinaharap ng proletaryado kaugnay ng makinaryang estado?

Isinuma ni Lenin ang mga kasagutan ni Marx sa mga sumusunod:

Sa una, binanggit ni Marx na ang sentralisadong kapangyarihang estado na pekulyar sa lipunang burgis ay lumitaw sa yugto pa lamang ng pagbagsak ng absolutismong pyudal. Dalawang institusyon ang katangi-tangi sa tumayong burgis na makinaryang estado: ang burukrasya at ang militar. Ang mga ito’y mga parasitikong organisasyon sa katawan ng burgis na lipunan na nilikha mismo ng internal na kontradiksyong bumabayo sa lipunan.

Sa ikalawa, tinukoy ni Marx na ang pag-unlad, pagperpekto at paglakas ng burukrasya at ng aparatong militar ay patuloy na naganap sa lahat ng rebolusyong burgis na lumukob sa maraming bayan sa Europa. Partikular na naakit ang petiburgesya – ang mataas na saray ng magsasaka, mga maliit na artisano, mga maliit na mamumuhunan – sa panig ng malaking burgesya dahil na rin sa mahalagang papel ng aparatong ito, na nagbigay sa kanila ng magaan at respetadong gawain o pwestong masasabi pang “nakaaangat” sa karaniwang mamamayan.

Sa ikatlo, tinukoy ni Marx na sa kapamaraanan ng ganitong pag-unlad ng makinaryang estado, ilang ulit na lumalakas ang panunupil sa mamamayan at rebolusyonaryong proletaryado. Dahil dito, itinutulak lang nito ang rebolusyon na “ikonsentra ang lahat ng pwersa ng pagwasak” laban sa kapangyarihang estado at ituon ang pwersang ito hindi sa pagperpekto pa ng makinaryang estado, kundi sa pagwasak at pagdurog dito.

Sa mga puntong nabanggit, idinagdag ni Lenin ang naging gradwal na pag-unlad pa ng makinaryang estado sa huling bahagi ng ika-19 at pasimula ng ika-20 siglo. Naganap ito sa mga kapitalistang bansa sa iba’t ibang anyo at sa mas malawak na saklaw at katangian ng mga sumusunod: una’y sa pag-unlad ng “kapangyarihang parlamentaryo” di lamang sa mga bansang republika (tulad ng Pransya, Amerika, Switzerland), kundi pati sa mga bansang pinaghaharian ng monarkiya (Inglatera, Alemanya, Italya, mga bansang Scandinavian, atbp.); ikalawa’y sa pag-unlad ng tunggalian sa kapangyarihan ng iba’t ibang partidong burgis at petiburgis sa usapin ng pamamahagi ng dambong sa pamumuno, na wala namang idinulot na anumang pagbabago sa pundasyon ng lipunang kapitalista; at ang pinakahuli’y ang pagperpekto at pagpapalakas sa “kapangyarihang ehekutibo”, ng burukrasya at aparatong militar nito.

Dagdag pa ni Lenin, sa panahon ng imperyalismo – sa panahon ng pag-unlad ng kapital sa bangko, ng dambuhalang monopolyo, ng transpormasyon ng monopolyo kapitalismo tungong estado – monopolyong kapitalismo – walang katulad na lumakas ang makinaryang estado, ang burukrasya at militar, kasabay ng pagtindi ng panunupil sa proletaryado sa bansang may paghaharing monarkyal man o isang republika. Sa ganitong kalagayan, lalong nagkabisa ang pangangailangang “ikonsentra ang lahat ng pwersa” ng rebolusyong proletaryo upang durugin ang makinaryang estado.

3. Ang Pormulasyon ni Marx sa Usaping Ito Noong 1852

Kinakitaan ng higit pang pag-unlad ang teorya ni Marx hinggil sa estado sa sulat na ipinadala niya kay Weydemeyer noong 1852. Sa liham, sinabi niya na hindi niya diniskubre ang pag-iral ng mga uri o ang tunggalian ng mga uri, na matagal nang iniharap ito ng mga burgis na mananalaysay at ng mga burgis na ekonomista, na ang totoo’y tanggap ng burgesya ang pag-iral ng tunggaliang makauri. Ani Marx, ang ginawa niya ay patunayan na: (1) ang pag-iral ng mga uri ay nakakawing sa partikular at istorikong yugto ng pag-unlad ng produksyon; (2) ang makauring tunggalian ay kailangang tumungo sa diktadura ng proletaryado; (3) at ang diktadurang ito ay bumubuo lamang ng isang transisyon sa pagbuwag (abolisyon) ng lahat ng uri at tungo sa isang lipunang walang uri.

Dahil dito, sinabi ni Lenin na ang sinumang kumikilala lamang sa makauring tunggalian ay hindi pa Marxista; at maaari pang sabihing hindi siya lumalayo sa hangganan ng burgis na pagmamatwid at pulitika. Ang isang Marxista ay yaong sumasaklaw ang pagkilala ng makauring tunggalian sa pagtanggap ng diktadura ng proletaryado. Sa ganitong batayan kailangang subukan ang tunay na pag-unawa at pagtanggap ng sinuman sa Marxismo.

Ayon kay Lenin, nang makaharap ng kilusang manggagawa sa Europa ang usaping ito ng diktadura ng proletaryado, hindi lang ang mga oportunista at repormista, kundi pati ang mga Kautskyista (mga taong nag-uurong-sulong sa repormismo at Marxismo) ang tumanggi sa pangangailangan ng diktadura ng proletaryado. Binatikos ni Lenin ang kalakarang ito sa pagsasabing “ang oportunismo sa anumang anyo ay hindi tutungo sa pagkilala sa makauring tunggalian hanggang sa pinakapangunahing laman nito, hanggang sa yugto ng transisyon mula kapitalismo tungong komunismo, hanggang sa yugto ng pagbabagsak at ganap na pagdurog sa burgesya.” Ito’y sapagkat nililimita ng oportunismo ang pagkilala sa makauring tunggalian sa saklaw lamang ng burgis na pulitika. Kung tutuusin, ani Lenin, ang yugtong ito ng transisyon ay di-maiiwasang maging isang yugto ng marahas na tunggalian ng mga uri sa pinakamatalas na anyong posible, at ang estado sa yugtong ito ay di-maiiwasang maging isang estadong demokratiko sa bagong paraan (para sa proletaryado at sa maralita sa kabuuan) at estadong diktatoryal sa bagong paraan (laban sa burgesya).

Dagdag ni Lenin: “Ang sustansya ng mga aralin ni Marx hinggil sa estado ay maiintindihan lamang ng sinumang nakauunawa na kailangan ang diktadura ng proletaryado di lamang para sa lipunang makauri sa pangkalahatan, di lamang para sa proletaryadong nagbagsak sa burgesya, kundi para sa buong istorikong yugto na naghihiwalay sa kapitalismo sa lipunang walang uri – sa Komunismo. Ang mga anyo ng burgis na estado ay samu’t sari, subalit ang kanilang esensya ay iisa: sa huling pagsusuri, ang mga ito’y diktadura lamang ng burgesya. Ang transisyon mula kapitalismo tungong komunismo ay tiyak na magbubunga ng gayunding karami at iba’t ibang anyong pampulitika ng paghahari, subalit ang esensya nito’y di mapasusubaliang iisa rin lamang: ang diktadura ng proletaryado.”

Ikatlong Kabanata: Karanasan ng Komyun ng Paris ng 1871

Pagsusuri ni Marx

Naganap ang Komyun ng Paris noong Marso 18, 1871. Nag-alsa ang mga manggagawa ng Paris at inagaw ang kapangyarihan sa kamay ng burgesya sa loob ng dalawang buwan. Itinayo ang Komyun mula sa isang espesyal na eleksyong pinatawag ng taumbayan matapos tumakas ang gubyernong probisyonal ng Pransya mula sa Paris dahil sa ang ilan sa mga tropa nito ay sumama na sa rebolusyon.

Nakita ni Marx sa naganap sa Paris ang isang rebolusyonaryong kilusang masa na kahit di nagtagumpay sa layunin nito, ay isang makasaysayang eksperimento na may napakalaking kahalagahan, isang pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, isang praktikal na hakbang na higit na mahalaga kaysa daan-daang programa at talakayan. Nakita ni Marx ang pangangailangang suriin ang karanasang ito, humalaw ng mga aral sa taktika, at balik-aralan ang kanyang teorya sa konteksto ng mga bagong pangyayari.

Isinuma ni Lenin sa ikatlong kabanata ang mga pundamental na aral na nahalaw nina Marx at Engels sa Komyun ng Paris, mga aral kaugnay ng kung ano ang ipapalit ng proletaryado sa winasak na estadong burgis.

1. Ano ang Bumubuo ng Kabayanihan ng Communards?

Sa batayan ng rebolusyonaryong karanasan ng Komyun ng Paris, agad gumawa ng rebisyon sina Marx at Engels sa kanilang akdang Manipesto ng Komunista.

Isa sa prinsipal at pundamental na aral ng Komyun ng Paris na tinukoy nina Marx ay ang katotohanang “hindi maaaring agawin lamang ng uring manggagawa ang dati nang nakatayong (ready-made) makinarya ng estado at gamitin ito sa sariling layunin.” Ang aral na ito ang nilaman ng rebisyon sa Manipesto. Ang aral ding ito, ani Lenin, ang tuwirang binabaluktot ng mga oportunista. Iginigiit ng mga oportunista na ang tinutukoy ni Marx sa aral na ito ay ang teorya ng gradwal na pag-unlad, ng mapayapang pag-agaw ng kapangyarihang estado, at iba’t iba pa.

Ayon kay Lenin, eksaktong kabaliktaran pa nga nito ang idinidiin ni Marx. Ang ideya ni Marx ay dapat wasakin at durugin ng uring manggagawa ang dati nang nakatayong makinarya ng estado at hindi ilimita lamang ang sarili sa pag-agaw nito. Ito rin, ani Lenin, ang prinsipal na aral ng Marxismo hinggil sa tungkulin ng proletaryado kaugnay sa estado sa panahon ng rebolusyon.

Sinipi rin ni Lenin ang pahayag ni Marx hinggil sa “pagwasak sa aparatong militar at sa burukrasya [bilang] panimulang batayan (precondition) ng anumang tunay na rebolusyon ng mamamayan (people’s revolution).” Binigay na halimbawa ni Lenin ang burgis na rebolusyong Ruso ng 1905-07, kung saan ang masa ng mamamayan – ang mayorya na binubuo ng proletaryado’t magsasaka – ay nag-alsa ng nagsasarili (sa burgesya) at inilagay sa kabuuang takbo ng rebolusyon ang tatak ng kanilang kahilingan, ang kanilang pagtatangka sa pagtatayo ng bagong lipunan kapalit ng luma.

Binanggit ni Lenin na ang rebolusyon ng “mamamayan” ay rebolusyon ng mayorya kaya’t kailangang saklawin nito ang proletaryado at ang magsasaka. Ang dalawang uring ito ang siyang bumubuo ng “mamamayan.” Sila rin ay parehong sinusupil at pinagsasamantalahan ng “aparatong militar at ng burukrasya.” Kaya’t ani Lenin, ang pagwasak sa makinaryang militar at sa burukrasya ay tunay na interes ng pinakamalawak na mamamayan, at pangunahing kondisyon sa pagkakaisa ng pinakamahihirap na magsasaka at ng proletaryado. Tungo sa ganitong pagkakaisa ang nagaganap noon sa Komyun ng Paris, danga’t hindi ito narating dahil sa pag-iral ng iba’t ibang suliraning kaugnay ng rebolusyon.

2. Ano ang Papalit sa Winasak na Makinaryang Estado?

Noong 1847, sinagot ni Marx ang katanungang ito sa Manipesto ng Komunista ng ganito: palitan ang makinaryang ito ng makinaryang batay sa “pagkakaorganisa ng proletaryado bilang naghaharing uri, sa pamamagitan ng pagtatatag ng demokrasya.” Tanging sa pag-unlad lamang ng karanasan ng kilusang masa naisakongkreto ang kasagutan dito. Napasulpot ng karanasan ng Komyun ng Paris ang eksaktong anyo ng “pagkakaorganisa ng proletaryado bilang naghaharing uri” at ang eksaktong paraan kung saan isusulong ng organisasyong ito ang pinakakonsistent na “pagtatayo ng demokrasya.”

Ito ang naging laman ng akda ni Marx, Ang Digmang Sibil sa Pransya, na sinulat pagkatapos ng rebolusyong Paris. Dito, sinabi ni Marx na ang itinayong Komyun ang antitesis ng burgis na Emperyong (ang Ikalawang Emperyong itinayo ni Louis Bonaparte) nakatayo noon sa Pransya.

“Ang Komyun ang partikular na anyo ng isang republikang di lamang hahalili (supersede) sa monarkiyang anyo ng makauring paghahari, kundi sa makauring paghahari mismo.” Pinapalitan ng Komyun ang winasak na makinaryang estado sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mas malawak na demokrasya na kinatangian ng: (1) pagbuwag sa regular na hukbo (militar), at pagtatayo kapalit nito ng armadong mamamayan; (2) pagtatakda na ang lahat ng opisyales ay ihahalal subalit maaaring alisin sa pwesto anumang oras; at (3) pagtatanggal ng lahat ng pribilehiyo at pagbawas ng pasahod o alawans sa lahat ng naglilingkod sa estado upang ipantay sa antas ng pasahod sa mga manggagawa.

Binanggit ni Lenin na sa kaso ng Komyun, maoobserbahan ang dyalektikong batas ng pag-unlad hinggil sa “transpormasyon ng kantidad tungong kalidad, “ kung saan ang demokrasya, sa pinakabuo at konsistent na anyo nito, ay natransporma mula sa kapitalistang demokrasya tungo sa proletaryong demokrasya; at ang estado (na isang espesyal na pwersa sa makauring panunupil) ay nahalinhan ng isa ring makinaryang hindi na matatawag na tunay na estado sa pinakabuod ng kahulugan nito.

Ayon kay Lenin, tutoong kailangan pa ring supilin ang burgesya at wasakin ang kanilang paglaban. Partikular na pangangailangan ito para sa Komyun, at siya pa ring isa sa mapagpasyang dahilan sa pagkatalo nito. Subalit ang organo ng panunupil ay tangan na ngayon ng mayorya ng populasyon at hindi ng minorya, na siyang kalakaran sa nagdaang lipunang alipin, pyudal at kapitalista. At kapag ang mayorya ng mamamayan mismo ay nanunupil sa iilang mapagsamantala, ang isang “espesyal na pwersang mapanupil” ay hindi na kagyat na kailangan. Sa gayong kalagayan, masasabing nagsisimula ang pagkalusaw ng estado. Sa halip ng mga espesyal na institusyon ng iilang nagtatamasa ng buong pribilehiyo, maaari nang pangasiwaan ng mayorya ang lahat ng tungkuling kaugnay ng pagpapatakbo sa lipunan, at kung ang mga gawaing ito ay umiinog na sa hanay ng mamamayan, lalong lumiliit ang pangangailangang manatili pa ang kapangyarihang estado.”

3. Ang Pagwasak sa Parlamentarismo

Ang Komyun, ayon kay Marx, ay hindi isang parlamentaryong institusyon sa tunay na pakahulugan nito, kundi isang working institution, isang institusyon ng paghaharing sabay na gumagampan ng gawaing ehekutibo at lehislatibo.

Ang esensya ng parlamentarismo, ani Lenin, ay “ang pagpasyahan sa pana-panahon kung sinong kinatawan ng naghaharing uri ang susupil at aapi sa mamamayan sa pamamagitan ng parlamento.” Itinatakwil ng Marxismo ang esensya ng parlamentarismong burgis na matatagpuan di lamang sa mga estadong may anyong pinagsanib na monarkiya at parlamento (parliamentary constitutional monarchies) kundi maging sa mga pinakademokratikong republika.

Subalit ayon kay Lenin, ang tanging paraan para wasakin ang parlamentarismo ay hindi matatagpuan sa pagbuwag sa institusyong representatibo at pagtalikod sa prinsipyo ng halalan. Sa halip, kailangang palitan ang institusyong representatibo (parlamento) na sa nakaraa’y tumayong isang porum na nakahiwalay sa mamamayan, isang institusyong walang ginawa kundi magbalitaktakan hinggil sa ipapasang kontra-mamamayang mga batas at panukalang panlipunan. Dapat palitan ito ng isang bagong institusyong ganap na tagapagtakda at tagapagpatupad ng interes ng mamamayan.

Ang dapat mangyari, ani Lenin, ay itayo ang isang demokrasyang walang parlamentarismo. Ibig sabihin, mananatili ang institusyong representatibo, ngunit walang parlamentarismong paiiralin bilang isang espesyal na sistema ng paghahati ng kapangyarihan sa lehislatibo at ehekutibo, o bilang isang pwestong tadtad ng pribilehiyo para sa mga opisyales ng estado. Dapat agad wasakin ang lumang burukrasya at itayo ang bago na hahawan sa landas tungo sa hakbang-hakbang na pagbuwag ng burukrasya.

4. Ang Organisasyon ng Pambansang Pagkakaisa

Ani Marx, ang Komyun ang anyong pampulitika ng kahit pinakamaliit na komunidad. Hindi nito binubuwag ang pambansang pagkakaisa; sa halip, oorganisahin pa nga ito ng institusyong komunal. Wawasakin ang kapangyarihang estado na nagpapanggap na tagapagtaguyod ng nasabing pagkakaisa subalit katunaya’y nakahiwalay dito at nakatayo bilang isang walang silbi at parasitikong organong panlipunan.

Sa usapin ng pagkakatayo ng estado sa pamamagitan ng Komyun, inilinaw ni Lenin ang pagkakaiba ng pananaw ni Marx sa pananaw ng mga oportunista at anarkista (Proudhon at Bakunin).

Nag-iiba sila sa usapin ng pederalismo o hiwa-hiwalay na paghahari nang walang iisang sentro (estado) na itinaguyod nina Proudhon at Bakunin. Sinabi ni Lenin na si Marx ay isang sentralista – sa esensyang nananawagan itong organisahin ng proletaryado at ng mahihirap na magsasaka ang kanilang sarili sa ilalim ng mga komyun, at pag-isahin o isentralisa ang mga komyun sa isang sentralisadong kapangyarihan, upang ganap na wasakin ang paglaban ng mga kapitalista, at ipatupad ang paglilipat ng pribadong ariarian – pabrika, mga lupain, at iba pa – sa kamay ng buong bayan. Ito ang proletaryong sentralismo – ang boluntaryo, demokratikong sentralismo – na pinaninindigan ni Marx, kataliwas ng pederalismo ng mga anarkista.

5. Pagwasak ng Parasitikong Estado

Sinuma ni Lenin ang magkakaibang pananaw ng ilang pampulitikang pwersa hinggil sa anyo ng ipapalit na makinaryang pampulitika sa panahon ng rebolusyon. Ani Lenin, ang mga petiburges na utopians ay nahihibang sa “pagtuklas” ng mga anyong pampulitika kung saan ilalapat ang pinapangarap na pagtatayo ng sosyalistang lipunan; ang mga anarkista ay tumatanggi sa anumang anyo ng pampulitikang paghahari; at ang mga oportunista sa makabagong Sosyal Demokrasya ay tinatanggap naman mismo ang burgis na pampulitikang anyo ng isang parlamentaryong estado bilang hangganan na hindi matatawid ng rebolusyon.

Sa kabilang banda, iniharap ni Lenin ang “nadiskubreng” anyo ng makinaryang pampulitika na umaayon sa Marxistang teorya ng estado. Ani Lenin, sa pamamagitan ng eksaktong pagsusuri ng kasaysayan ng rebolusyong Pranses, laluna ang naganap na Komyun ng Paris, naiharap ni Marx ang anyong pampulitika ng proletaryong estado na dapat ipalit sa ibabagsak na estadong burgis. Ito ang Komyun, ang “anyong ‘nadiskubre’ ng proletaryong rebolusyon sa Paris. Ang Komyun ang unang tangka ng proletaryong rebolusyon na wasakin ang burgis na makinaryang estado at ito rin ang bumubuo ng pampulitikang anyong ‘nadiskubre’ ng uring manggagawa na maaari at siyang dapat pumalit sa winasak na makinaryang estado.”

Ikaapat na Kabanata: Dagdag na mga Paliwanag ni Engels

Inilinaw ni Marx ang mga pundamental na usapin sa katangian at karanasan ng Komyun. Sa bahaging ito, sinipi naman ni Lenin ang mga pahayag ni Engels sa katangian ng proletaryong estado upang lalong ilinaw ang mga naunang pagsusuri at kongklusyon ni Marx.

1. Ang Usaping Pabahay

Mula sa usapin ng pabahay, inilinaw ang pangangailangan ng isang estado kahit matapos ang tagumpay ng rebolusyong proletaryo.

Sa pagtuklas sa usaping ito, binanggit ni Engels na ang isa sa pinakapundamental na solusyon ay nasa paglutas ng kontradiksyon sa pagitan ng lunsod at kanayunan. Subalit kahit di pa nalulutas, matatagpuan na sa kalunsuran ang malalaking kabahayan na maaaring ipamahagi sa mga walang tirahan. Magagawa lang ito, ani Engels, kung aagawin ang malalaking bahay ng burgesya at ipagagamit ito sa mga maralita.

Binanggit ni Engels na sa ilalim ng proletaryong estado, iuutos nito ang pag-agaw (expropriation) at pag-okupa sa mga bahay at gusali ng burgesya. Subalit, ani Engels, sa kabuuan ang pamamahaging ito ng mga bahay (na ngayo’y pag-aari na ng buong mamamayan) sa mga indibidwal na pamilya ay nangangahulugan pa rin ng koleksyon ng renta, ilang takdang batayan ng kontrol at ilang takdang regulasyon sa alokasyon ng mga bahay. Upang maipatupad, nangangailangan ito ng isang anyo ng estado, subalit di na isang espesyal na aparatong militar at burukratiko, kung saan may mga opisyales na magkakamal ng espesyal na posisyon at pribilehiyo. Ang transisyon sa isang kalagayang posible nang ipamahagi ang mga bahay nang walang upa ay magaganap lamang o kaugnay lamang ng kumpletong “pagkalusaw” ng estado.

2. Pakikitunggali sa mga Anarkista

Ani Lenin, nakitunggali sina Marx at Engels sa mga Anarkista hindi pa sa batayan ng teorya ng pagwasak sa estado kapag nawasak na ang mga uri, kundi laban sa mga pahayag na dapat tanggihan ng manggagawa ang paggamit ng armas, ang paggamit ng sistematikong dahas, ibig sabihin, ang paggamit ng estado para sa layuning “wasakin ang paglaban ng burgesya.”

Upang hindi mabaluktot ang tunay na esensya ng pakikipagtunggali ni Marx laban sa mga Anarkista, sadyang idiniin niya ang pangangailangan ng isang “rebolusyonaryo at transisyonal na anyo” ng estado na iiral sa isang takdang panahon lamang. Sabi ni Marx: “Hindi tayo nakikipagtalo sa mga Anarkista sa usapin ng pagwasak ng estado bilang isang layunin. Naninindigan tayo, na upang makamit ang layuning ito, kailangan ang pansamantalang paggamit ng mga instrumento at pamamaraan ng kapangyarihang estado laban sa mga mapagsamantala, tulad din nang ang diktadura ng inaaping uri ay pansamantalang kailangan para sa pagbuwag o anihilasyon ng mga uri.”

Tinuya ni Engels ang mga anarkistang tumatanggi sa lahat ng klase ng “awtoridad” – pero nagsasabing sila’y para sa rebolusyon – sa pagsasabing: “Nakakita na ba ng rebolusyon ang mga ginoong ito? Walang dudang ang rebolusyon ang siyang pinaka-awtoritaryang bagay. Ito’y isang aksyon kung saan ang isang seksyon ng populasyon ay nagpapataw ng kanilang kagustuhan sa iba pa sa pamamagitan ng riple, bayoneta at kanyon, ibig sabihin, ng pinaka-awtoritaryang paraan, at kung saan ipinipilit ng nagwaging panig ang kanilang paghahari sa pamamagitan ng pananakot na inihahatid ng kanilang armas sa hanay ng mga reaksyunaryo.”

3. Liham ni Engels kay Bebel

Sa liham ni Engels kay Bebel noong 1875, iniharap ng una ang kanyang pagtutol sa mga katagang “malayang estado ng mamamayan” na matatagpuan sa Programang Gotha, ang unang programa ng Sosyal Demokratikong partido sa Alemanya na pinuna rin ni Marx.

Ani Engels: “Dahil sa ang estado ay isa lamang transisyonal na penomenon na ginagamit natin sa ating pakikibaka, sa rebolusyon, upang ganap na durugin ang ating mga kaaway, kaululan ang magsalita ng isang malayang estado ng mamamayan. Habang kailangan pa ng proletaryado ang estado, kailangan niya ito, hindi sa interes ng kalayaan, kundi sa layunin ng pagdurog sa kanyang mga kaaway; at kapag posible nang magsalita ng kalayaan, sa gayon ang estado, bilang estado, ay tumitigil na sa pag-iral (ceases to exist).”

Dito rin sa liham na ito sinabi ni Engels na ang Komyun ay “hindi na isang estado sa tunay na pakahulugan nito.” Sa teoretikal na pananaw, tumitigil itong maging estado dahil sinusupil nito, hindi ang mayorya ng populasyon kundi ang minoryang mapagsamantala; dinurog nito ang burgis na makinaryang estado; at ipinalit sa espesyal na pwersang mapanupil ang pag-aarmas ng buong populasyon mismo. Ang lahat ng ito, ani Lenin, ay paglayo sa tunay na kahulugan ng salitang estado. At kung napagtagal lamang ang pagkakatayo ng Komyun, tutungo ito sa “paglaho” nang kusa ng mga bahid ng estado.

4. Puna sa Programang Erfurt

Ang Programang Erfurt na kinilalang pinakakonsistent na Marxistang programa noong panahon ng Ikalawang Internasyonal ang nagsilbing modelo sa lahat ng Sosyal Demokratikong partido, kabilang ang RSDLP. Pinagpasyahan ito sa konggreso ng partido ng Sosyal Demokrasya sa Alemanya noong Oktubre 14-20, 1891, sa Erfurt, Alemanya – kapalit ng lipas nang Programang Gotha, na resulta ng kompromiso sa dalawang tunguhin ng sosyalismo sa Alemanya (sa pagitan ng Lassaleans at Eisenachers) noong 1875.

Nagdiin si Engels ng puna sa aspetong pulitikal ng programa, laluna sa mga usapin kaugnay ng pagbubuo ng sistemang pang-estado (state organization). Tatlong mahalagang obserbasyon ang iniharap ni Engels: una, tungkol sa republika; ikalawa, tungkol sa pambansang usapin (national question) at ang sistemang pang-estado; at ikatlo, tungkol sa lokal na gubyerno.

Binatikos ni Engels ang pananahimik ng mga Sosyal Demokrata sa Alemanya sa kanila mismong programa kaugnay ng pananawagan sa isang republika. Sinabi niyang ito’y nagsilbing pagkakataon para sa mga oportunista na mangarap ng “mapayapang” landas tungo sa sosyalismo. Ani Engels, kailangang iharap ang panawagang ito dahil ang Partido at ang uring manggagawa ay maaari lang tumangan ng kapangyarihan sa ilalim ng isang demokratikong republika. Ito rin, ayon sa kanya, ang partikular na anyo ng diktadurang proletaryado na itatatag ng uring anakpawis.

Ani Lenin: “Ang demokratikong republika ang pinakamalapit na landas tungo sa pagtatayo ng diktadura ng proletaryado. Dahil ang republikang ito – kapag hindi winakasan ang dominasyon ng kapital, ibig sabihi’y ang pang-aapi sa mamamayan – ay tiyak na tutungo sa paglawak, pag-unlad, paghayag at pagtalas ng pakikibaka; at kapag sumulpot ang posibilidad na tugunan ang pundamental na interes ng inaaping mamamayan, ang posibilidad na ito ay makakamit lamang sa pamamagitan ng diktadura ng proletaryado, sa pamumuno ng uring proletaryado sa malawak na masa ng sambayanan.”

Iginiit ni Engels na sa pananaw ng proletaryong rebolusyon, dapat lamang na gamitin ang anyo ng isang di-nahahating (indivisible) republika na kakatawan sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Gayunman, sinabi niyang kailangang lubusang pag-aralan ang mga tiyak na anyo ng transisyon batay sa kongkretong istorikal na pekulyaridad ng bawat bansa. Itinuring niya ang pagtatayo ng pederal na republika bilang eksepsyon at sagka sa kaunlaran, na mapapayagan lang bilang isang transisyunal na anyo ng sistemang pang-estado. Kabilang sa mga espesyal na kondisyong ito ang pambansang usapin o usaping kaugnay ng karapatan ng mga pambansang minorya para sa sariling pamumuno.

Sa usapin ng lokal na gubyerno at lokal na pamumuno, itinuring ni Engels na hindi ito hiwalay sa ideya ng sentralismo, kung saan pinagkukumbina ang boluntaryong pagkakaisa ng estado sa pamamagitan ng mga “komyun” at distrito at ang kumpletong pagwasak ng lahat ng burukrasya at lahat ng “pagmamando” ng nakatataas.

Bilang pagsusuma, binanggit ni Engels na hindi tutoong kumpara sa sentralisadong republika, higit na kailangan ang pederal na republika (batay sa lokal na nagsasariling pamumuno) upang magkaroon ng higit na kalayaan. Ayon kay Engels, ang tunay na demokratiko’t sentralisadong republika ay magbibigay ng higit na kalayaan kaysa isang pederal na republika. Sa isang salita, ang pinakamalaking saklaw ng lokal at probinsyal na kalayaan na matatagpuan sa kasaysayan ay ipinagkaloob, hindi ng pederal, kundi ng sentralisadong republika.

5. Paunang Salita sa Akdang “Ang Gera Sibil sa Pransya” (1891)

Ani Lenin, masasabing huling salita ng Marxismo hinggil sa estado ang mga pahayag ni Engels na nilaman ng kanyang introduksyon sa akdang nabanggit.

Unang sinipi ni Lenin ang ginawang pagsusuma ni Engels sa mga nagdaang rebolusyong burgis. Ani Engels, sa Pransya, “armado ang mga manggagawa sa bawat rebolusyon, at sa gayon, ang pagdidisarma sa kanila ang unang ipinag-uutos ng sinumang burgesyang lumuklok sa kapangyarihan. Kaya’t pagkatapos ng bawat rebolusyong naipanalo ng mga manggagawa, nagaganap ang mga bagong pakikipagtunggali, na nagwawakas sa pagkatalo ng mga manggagawa. Tinukoy ni Lenin na ang esensya ng paglalagom na ito ni Engels ay kaugnay ng esensya ng usapin ng estado (“may armas ba ang mga aping uri?”).

Sinapol ng paglalagom na ito ang sumunod na pahayag ni Engels hinggil sa esensya ng estado: “Sa katotohanan, ang estado ay isa lamang makinarya sa panunupil ng isang uri sa iba pa, at totoo ito maging sa isang demokratikong republika o sa isang monarkiya; at sa pinakamaganda nang paglalarawan, ito’y isang kasamaan naman ng proletaryado pagkatapos ng matagumpay na pakikibaka para sa makauring paghahari, kung saan ang pinakamasamang bahagi ay di pangingimiang putulin agad ng proletaryado... hanggang dumating ang panahong maaari nang ibasura ng bagong henerasyong pinalaki sa ilalim ng malayang kundisyong panlipunan ang lahat ng karumihang ito ng estado.”

6. Si Engels Hinggil sa Paggapi sa Demokrasya

Sinabi ni Lenin: “Ang pagwasak sa estado ay nangangahulugan rin ng pagwasak sa demokrasya; ang paglaho ng estado ay nangangahulugan rin ng paglalaho ng demokrasya.”

Ang demokrasya ay hindi kasingkahulugan (identical) ng pagpapailalim ng minorya sa mayorya. Ang demokrasya ay isang estado, sa partikular ay isang anyo ng estado na kumikilala sa pagpapailalim ng minorya sa mayorya; ibig sabihin, isang organisasyon para sa sistematikong paggamit ng dahas ng isang uri laban sa iba pa, ng isang bahagi ng populasyon laban sa iba pa.

“Ultimong layunin natin ang pagdurog sa estado, ibig sabihin, sa bawat organisado at sistematikong dahas, bawat gamit ng dahas laban sa sangkatauhan sa pangkalahatan. Hindi natin inaasahan ang pag-iral ng isang lipunan kung saan ang prinsipyo ng pagpapailalim ng minorya sa mayorya ay di ipatutupad. Subalit sa pagsisikhay natin sa sosyalismo, naniniwala tayong uunlad ito tungong komunismo; na kasabay nito’y maglalaho rin ang lahat ng pangangailangan sa dahas, ng pagpapailalim ng isang tao sa iba pa, ng isang bahagi ng populasyon sa isa pa, dahil masasanay ang mamamayang sundin ang mga batayang alituntunin sa pag-iral ng lipunan nang walang karahasan at walang pagpapailalim.”

Ikalimang Kabanata: Batayang Pang-ekonomya ng Paglalaho ng Estado

1. Ang Paglalahad ni Marx ng Nasabing Usapin

Sinabi ni Marx na ang batayan ng hinaharap na pag-unlad ng komunismo ay sa batayan ng katotohanang ang pinagmulan nito’y kapitalismo, na ito’y istorikong pangyayari na umusbong sa sinapupunan ng kapitalismo, na ito’y resulta ng kilos ng isang pwersang panlipunan na iniluwal ng kapitalismo.

2. Ang Transisyon Mula Kapitalismo Tungong Komunismo

Nagbabago ang demokrasya sa transisyon mula kapitalismo tungong komunismo. Sa kapitalistang lipunan, umiiral ang demokrasyang nalilimitahan ng pagsasamantalang kapitalista, at palaging nananatili na sa epekto’y isang demokrasya para sa minorya, para sa nagmamay-aring uri.

Demokrasya para sa mayorya ng mamamayan at pagsupil sa pamamagitan ng pwersa, o ibig sabihi’y pagkakait ng demokrasya para sa nang-aapi’t nagsasamantala sa mamamayan – ito ang pagbabagong tinatahak ng demokrasya sa panahon ng transisyon tungong komunismo.

Tanging sa lipunang komunista – sa kumpletong pagdurog ng paglaban ng kapitalista, kapag sila’y tuluyang naglaho, kung wala nang mga uri (ibig sabihin, wala nang distinksyon sa pagitan ng populasyon sa usapin ng relasyon o pagmamay-ari sa kaparaanan sa produksyon) – tanging sa panahong iyon lamang naglalaho ang estado at nagiging posibleng magsalita ng kalayaan. Tanging doon lamang masasabing naglalaho na rin ang demokrasya.

3. Ang Unang Yugto ng Lipunang Komunista

Hindi pa iiral ang ganap na katarungan at pagkakapantay-pantay sa unang yugto ng komunismo. Mananatili pa ang kaibhan at di makatarungang kaibhan sa yaman. Subalit magiging imposible ang pagsasamantala ng tao sa tao dahil imposibleng agawin ang kasangkapan sa produksyon – pabrika, makina, lupa, atbp. – at muli itong gawing pribadong pag-aari.

Sa unang yugto ng lipunang komunista (kadalasang tinatawag na sosyalismo), hindi pa ganap na mapapawi ang mga “burgis na karapatan” kundi ang mga baha-bahagi lamang, proporsyonal sa rebolusyong ekonomiko na narating ng lipunan, ibig sabihin, sa batayan pa ng pagmamay-ari sa kasangkapan sa produksyon. Ang mga ito’y kinikilala ng “karapatang burgis” bilang pribadong pag-aari ng mga indibidwal. Sa ilalim ng sosyalismo, ginagawa itong pampublikong pag-aari. Sa ganitong saklaw lamang masasabing naglalaho ang mga “burgis na karapatan.”

Gayunman, nananatili ang iba pang bahagi nito; nananatili ito bilang tagapagtakda (determining factor) sa distribusyon ng produksyon at pamamahagi ng paggawa sa bawat kasapi ng lipunan. Ang prinsipyong sosyalista na “Silang hindi nagtatrabaho, hindi kakain,” ay nakamit na; ang isa pang prinsipyong sosyalista na “Pantay na dami ng produkto sa pantay na dami ng paggawa,” ay nakamit na rin. Ngunit di pa ito komunismo, at hindi pa nito pinapawi ang pag-iral ng mga burgis na karapatan, na nagbibigay sa di-pantay na indibidwal ng pantay na dami ng produkto kapalit ng di-pantay na dami ng paggawa.

4. Ang Mataas na Yugto ng Lipunang Komunista

Ayon kay Marx, “Sa mataas na yugto ng lipunang komunista, pagkaraang mawala ang mapang-aliping pagpapailalim ng indibidwal sa dibisyon ng paggawa (division of labor), at kasabay nito’y ang antagonismo sa pagitan ng paggawang mental at pisikal; pagkaraang ang paggawa ay hindi lamang maging kaparaanan ng kabuhayan, kundi pangunahing pangangailangan ng buhay mismo, pagkaraang lumago ang mga produktibong pwersa, sabay ng lahatang-panig na pag-unlad ng indibidwal, at mas masaganang umaagos ang bukal na pinagkukunan ng kayamanang panlipunan – saka lamang sa yugtong ito matatawid ang makitid na larangan ng karapatang burgis, at mailalagay sa bandera ng lipunan [ang islogang]: “Mula sa kakayahan ng bawat isa, tungo sa pangangailangan ng bawat isa! (From each according to his ability, to each according to his needs!)”

Ang batayang pang-ekonomya para sa ganap na paglalaho ng estado ay makakamit lamang sa mataas na yugto ng pag-unlad ng Komunismo. Tutoong wawasakin ng ekspropriyasyon ng mga kapitalista ang pangunahing sagka para sa mabilis na pag-unlad ng mga produktibong pwersa, subalit kung paano at kung gaano kabilis magaganap ang pag-unlad na ito – kung kailan mararating ang pagwasak ng dibisyon ng paggawa, ang pagpawi ng antagonismo sa pagitan ng paggawang mental at pisikal, ang pagtransporma sa paggawa bilang “pangunahing pangangailangan ng buhay” – hindi natin alam at hindi natin malalaman dahil ang materyal na solusyon ng mga usaping ito, ang praktikal na karanasang mapaghahalawan dito ay hindi pa umiiral.

Ngayon ay may karapatan tayong talakayin lamang ang teoretikal na batayan ng paglalaho ng estado, at bigyang-diin ang protrakted o matagalang kalikasan ng prosesong ito. Magaganap lamang ang ganap na paglalaho ng estado kapag napairal ng lipunan ang alituntuning “Mula sa kakayahan ng bawat isa, tungo sa pangangailangan ng bawat isa,” ibig sabihin, kapag nasanay na ang mamamayan na tupdin ang mga pundamental na alituntunin ng buhay panlipunan, at ang kanilang paggawa ay naging ganap na produktibo, na boluntaryo na silang magtatrabaho batay sa kanilang abilidad.

Hangga’t di pa ito nagaganap, ipatutupad ng sosyalismo ang pinakaistriktong kontrol ng lipunan at ng estado sa kantidad ng paggawa at kantidad ng konsumo, pero dapat mag-umpisa ang kontrol na ito sa ekspropryasyon ng mga kapitalista, sa kontrol ng mga manggagawa sa mga kapitalista, at dapat ipatupad – hindi sa pamamagitan ng estado ng mga burukrata – kundi ng estado ng armadong manggagawa.

Sa unang yugto ng Komunismo (ang Sosyalismo), hindi pa ganap na hinog ang kalagayang pang-ekonomya at hindi pa ganap na malaya ang lipunan sa lahat ng tradisyon at bahid ng lipunang nagdaan. Kaya’t iiral pa rito ang kapuna-punang penomenon ng pananatili ng “makitid na larangan ng burgis na karapatan.” Ang burgis na karapatan, kaugnay ng pamamahagi ng mga produktong pangkonsumo, ay di-maiiwasang mangahulugan ng pag-iral ng burgis na estado, dahil ang karapatan ay walang saysay kapag walang aparatong may kakayahang magpatupad ng mga ito. Dahil dito, hindi lamang mananatili sa isang takdang panahon sa ilalim ng komunismo – sa panahon ng sosyalismo – ang burgis na karapatan kundi maging ang burgis na estado na wala ang burgesya!

Nakakabit ang usaping ito sa usapin ng demokrasya. Ang demokrasya ay nangangahulugan ng pagkakapantay-pantay. Subalit nangangahulugan lamang ito ng pormal na pagkakapantay-pantay.

Matapos na makamit ng lipunan ang pagkakapantay-pantay kaugnay ng pagmamay-ari ng kagamitan sa produksyon, ng pagkakapantay-pantay ng paggawa at ng pasahod, mahaharap ang sangkatauhan sa usapin ng pagtawid sa kalagayan ng pormal na pagkakapantay-pantay tungo sa tunay na pagkakapantay-pantay, ibig sabihin sa pagsasakatuparan ng alituntuning “Mula sa kakayahan ng bawat isa, tungo sa pangangailangan ng bawat isa.”

Ikaanim na Kabanata: Ang Pambababoy ng mga Oportunista sa Marxismo

Sa bahaging ito ay pinagdiinan ni Lenin ang nagaganap na oportunismo sa Sosyal Demokratikong kilusan sa Europa, laluna sa Ikalawang Internasyonal. Binanggit niya na ang gradwal na paglago ng oportunismong ito ang nagbunga ng pagbagsak ng Ikalawang Internasyonal noong 1914. Ang kakatwang anyo ng oportunismong ito na nagbunga ng pagbagsak ng Ikalawang Internasyonal ay ang patuloy na pag-iwas ng mga lider nito na harapin ang mga praktikal na katanungan hinggil sa proletaryong rebolusyon at sa estado. Ang pag-iwas (evasiveness) na ito na kumbinyente para sa oportunismo ang nagresulta ng distorsyon o pagbabaluktot sa Marxismo at ng ganap na pambababoy o bulgarisasyon nito ng mga taong tulad nina Plekhanov at Kautsky.

1. Ang Pakikitunggali ni Plekhanov sa mga Anarkista

Binanggit ni Lenin na binanatan ni Plekhanov ang mga anarkista subalit sadyang kinaligtaan ang pinakamahalaga, napapanahon, at esensyal na punto sa pakikitunggali sa Anarkismo: ang relasyon ng rebolusyon sa estado at ang usapin ng estado sa pangkalahatan.

2. Ang Pakikitunggali ni Kautsky sa mga Oportunista

Sa pakikipagtalo ni Kautsky kay Bernstein, pangunahing oportunistang lider sa kilusang manggagawa nang panahong iyon, binanggit lamang niya na ang uring manggagawa ay di simpleng makakagamit (take possession of) ng yari nang makinarya ng estado (ready-made state machinery), kundi sa kalahatan, “uubrang mangyari ito!” Hindi pakikitunggali kay Bernstein ang ginawa ni Kautsky kundi konsesyon sa oportunistang ideya ng una.

3. Ang Pakikitunggali ni Kautsky kay Pannekoek

Si Pannekoek ang isa sa kinatawan ng mga “kaliwang radikal” na kinabibilangan nina Rosa Luxemburg, Karl Radek, at iba pa, na habang nagkakaisa sa paniniwalang si Kaustky ay tumatahak ng “gitnang” posisyon tungkol sa aktitud ng mga Sosyal Demokrata sa nagaganap na imperyalistang gera (Unang Daigdigang Digmaan), nag-uurong-sulong siya sa pagitan ng Marxismo at oportunismo. Sa isang sulatin ni Pannekoek, binanggit niya na “ang pakikibaka ng proletaryado ay di lamang pakikibaka laban sa burgesya sa layuning agawin ang kapangyarihang pampulitika, kundi mismong pakikibaka laban sa kapangyarihang pampulitika.”

Tinuya ni Kautsky ang pormulasyon ni Pannekoek sa pagsasabing, “Ang (Marxista) ay nagnanais na agawin (conquer) ang kapangyarihang pampulitika, samantalang ang (Anarkista) ay nagnanais na wasakin ito. Parehong gustong gawin ito ni Pannekoek.”

Kahit na ang mga pormulasyon ni Pannekoek ay kulang sa presisyon at kongkretong paglalahad, sinabi ni Lenin na sa pundamental na usaping ito ng pag-agaw ng kapangyarihang estado, binitiwan ni Kautsky ang Marxismo at sumuko sa oportunismo. Ang kanyang depinisyon ng kaibhan ng mga Sosyal Demokrata sa mga anarkista ay lantay na kasinungalingan, lubos na pambababoy at pambabaluktot sa Marxismo.

Tinukoy ni Lenin na ang kaibhan sa pagitan ng Marxista at Anarkista ay binubuo ng mga sumusunod:

Ang una, habang naglalayon ng ganap na pagwasak ng estado, ay kinikilala na ang layuning ito ay makakamit lamang matapos ang pagwasak ng mga uri sa pamamagitan ng isang sosyalistang rebolusyon, bilang resulta ng pagtatatag ng Sosyalismo, at tungo sa paglalaho ng estado; ang huli ay nagnanais ng ganap na pagwasak ng estado sa loob ng bente-kwatro oras, at hindi naiintindihan ang mga kondisyon kung saan ang pagwasak na ito ay maisasagawa;

Ikalawa, ang una’y kumikilala na kapag ang proletaryado ay nagkamit ng kapangyarihang pampulitika, dapat nitong tiyak na wasakin ang lumang makinaryang pang-estado, at palitan ito ng isang bagong makinaryang binubuo ng organisasyon ng armadong manggagawa, sa anyo ng Komyun; ang huli naman, habang nananawagan sa pagwasak ng makinaryang pang-estado ay wala ni anumang klarong ideya kung ano ang ipapalit dito ng proletaryado at kung paano nito gagamitin ang kanilang rebolusyonaryong kapangyarihan.

Inilantad ni Lenin ang krudong oportunismo ni Kautsky nang sipiin niya ang pangungusap ng huli sa akda nitong “The Road to Power.” Dito binitiwan ni Kautsky ang mga sumusunod na oportunistang linya: “Ang layunin ng pangkalahatang welga ay hindi maaaring pagwasak sa estado, kundi pagkuha lamang ng mga konsesyon sa gubyerno sa ilang partikular na usapin, o kaya’y pagpapalit ng gubyerno sa isang pumapayag (willing) na harapin ang proletaryado nang salubungan (meet half-way)... Ngunit hindi maaari, sa anumang kalagayan, na ito (ang tagumpay ng proletaryong rebolusyon laban sa isang marahas na gubyerno) ay tumungo sa pagwasak ng kapangyarihang estado; tutungo lamang ito sa isang takdang pagpapalit ng mga pwersa sa loob ng kapangyarihang estado... Ang layunin ng ating pakikibakang pampulitika, kung gayon, ay nananatiling tulad nang dati, ang pag-agaw ng kapangyarihang estado sa pamamagitan ng pagkuha ng mayorya sa parlamento, at ang kumbersyon ng parlamento bilang panginoon ng gubyerno.”

Kasabay ng paglalantad na ito sa oportunistang linya ni Kautsky, tinukoy rin ni Lenin ang buong pagkakahanay-hanay ng iba pang oportunistang lider sa kilusang sosyalista noon sa Europa. Lahat sila, ani Lenin ay tahasang tumatanggi sa pangangailangan ng diktadura ng proletaryado at nagsasagawa ng patakaran ng lantay na oportunismo. Sa pananaw nila, ang diktadura ng proletaryado ay kataliwas ng demokrasya. Walang esensyal na kaibhan sa pagitan nila at ng mga petiburges na demokrata. Ang Ikalawang Internasyonal, sa ilalim ng mga personaheng ito ay walang ibang patutunguhan kundi ganap na mabaon sa oportunismo.

Walang komento: